Thursday, February 29, 2024

Pahinga ay Paglingap

"Awit"


Umaawit ang dagat.

Sumisipol sa pagitan

ng alon at hangin

Tangay nito'y paghuni

ng pagtatangi 

at pagtingin.


Aking nauulinigan

kanyang marahang oyayi—

nag-iimbita 

sa kagyat na paghinga,

kumakalabit 

sa bawat tilamsik,

sa ritmo ng pagbasag,

pagtampisaw, at pagbalik.


Kung ang dagat ma'y tunay 

na musikang sumasalimbay,

aking pagpaparaya

sa pagitan ng mga alon

ang malayang pagpatianod

mula baybayin 

hanggang laot.



"Sayaw"


Sa kabundukan tayo

kinakausap ng mga tala,

kung saan natutulog 

ang mga ilaw na lumalamon 

sa kinang ng mga dalaga

—sumisilip sila sa kadiliman

sakaling ika'y 

handang tumunghay

sa tahimik nilang pagsayaw.

Laan sa iyo

—ikaw, sa damuhan,

nakahilata.

Sa dagling pahinga 

may pagtiim ang dilim,

nang hagkan ng Amihan

ang tumutunghay sa

namimintana.

Sapat ang ngiti ng mga tala

sa munting pagtatanghal,

sa magdamagang ginaw,

ginahawa.



"Tagpuan"


Sa milyong bituing

pinatitingkad ng dilim,

may isang nanatili

hanggang takip-silim


Sumayaw sa tempo

at bugso ng daluyong,

sa nakalulunod na ritmo,

urong-sulong ng alon


Subali't pahinga 

ang bawat paglubog,

at ginhawa naman

ang bawat pag-ahon


Dahil sa dulo ng laot

kinatatagpo ang langit

ng iyong bugso

at ng aking pag-ibig.



***



Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2023


Saranggola Blog Awards 2023


Cultural Center of the Philippines