“Eh nasaan na ang anak n’yo?”
“Kailan ba kayo mag-aanak?”
Hindi na bago subali’t palagi pa ring nakaiirita ang ganitong tanong ng mga taong mahilig makiusisa sa buhay ng ibang tao. Pasens’ya na, pero hindi ko kasi ugaling makialam sa buhay ng iba. Kaya sana lang talaga, hindi na pinakikialaman ng ibang tao ang hindi naman nila katawan.
“Galingan n’yo kasi. Sipagan n’yo.” Isa pang banat ng mga taong tila hindi alam na walang eksaktong scientia kung paano siguradong makabubuo ng bata ang mag-asawa. S’yempre, kahit imbiyerna na ‘ko, kailangan ko pa rin maging mabuting tao, huminga nang malalim, at ang lahat ng sama ng loob ay isabay sa hangin papalabas sa aking ilong.
“Opo.” Isang maiksing sagot na galing sa ilong, sabay ng hangin at hinanakit. Iyan na lang ang kaya kong bitiwan para maiwasan na may makasamaan pa ng loob.
Dahil nakatuon lang ang aking pansin sa kung ano pang p’wedeng sabihin sa akin ng mga matatandang tila akala’y nakabibili ng piso isang bata sa suking tindahan, huminto ang aking tahimik na pagmamaktol sa isip nang maramdaman ko ang pagpisil sa aking kamay ng aking asawa. Napatingin na lamang ako sa kanya at tila naunawaan na namin kung ano ang nararapat na gawin. Ang ganoong kabatiran ay tila bunga ng pitong taong pagsasama at paulit-ulit na pagtatanong. Magalang na nagpaalam ang aking asawa at hindi na maganda, wika n’ya, ang aking pakiramdam.
Tila ako’y naiahon sa pagkalunod sa sandaling iyon. Ang bawat hakbang ko palayo ay buntong-hininga ang pinakakawalan. Uuwi kami sa bahay kung saan kaya ko muling panghawakan ang aking pagkababae nang walang samot-saring pasaring at panghihinayang na hindi ko hinihingi.
Gaya ng iba pang mga pagkakataong nais kong mapag-isa at mag-isip, naghihintay sa akin ang paliguan. Isang hakbang lang at aapak sa malamig na tiles upang tawirin ang pagitan ng aking mga alaala at panaginip. Habang nakatingala sa kisame ng banyo, ibinabalik sa akin ng ilaw at lamig ng tiles ang alaala ng k’warto sa COVID ward ng QMMC.
“Ma’am, kailangan n’yo pong pumirma – katunayan na payag po kayong operahan namin kayo at alisin ang bata.” Dumilat ako at sinalubong ng nakasisilaw na ilaw sa kisame ang aking mga mata. Tiningnan ko ang nagsalita. Walang kahit anong emosyon ang mukha ng nars. Siguro, dala ito ng kasanayan sa ganoong sitwasyon at pananatiling propesyunal sa gitna ng mga desisyon sa pagitan ng buhay at kamatayan. Ramdam ko ang pag-iisa sa kilabot at nginig na dala sa akin ng bawat salitang binitiwan n’ya.
Hindi ko kayang piliing mabuhay kapalit ng buhay ng aking anak.
Sa pagitan ng aking paghinga. Isa, dalawa… dalawang segundo na lamang ang kaya kong higitin na hangin sa paghinga at dalawang segundong buga. Isa… dalawa… isa… dalawa. Literal na naghihingalo na 'ko sa likod ng oxygen mask. Walang COVID kahit nasa COVID ward. Bagkus, severe pre-eclampsia. Isa sa mga nangungunang dahilan sa pagkamatay ng mga babaeng nanganganak dahil sa kumplikasyon sa bato, atay, at utak. Naghihingalo na ‘ko, pero kailangan ko pang pumili kung bibitiw na ako o dalawa kaming papanaw ng aking anghel. Nais ko na lamang huminga hanggang kaya ko. Hanggang kaya pa. Dahil hindi ko kayang tuldukan ang buhay at lagdaan ang pagtatapos ng pag-iral ni Hiraia.
May pumasok na isa pang nars. “Pumayag na po ‘yung guardian. P’wede na pong operahan.” Lumabas ang dalawang nars at naiwan akong nagbibilang ng paghinga. Nakasisilaw ang ilaw sa kisame. Maliwanag kahit ako’y pumikit. At sa paglalapat ng talukap, iniunat ko ang aking likod at pinagsalikop ang mga palad. Saka ko naisip, “Handa na ako, Ama. Kung ito mang liwanag na ito ang kukuha sa akin, handa na akong sumama.” Ngayong tila sabay na kaming tatawid sa kabilang-buhay, bumalik sa akin ang lahat ng pinagdaanan namin ng aking anak na si Hiraia.
Dumating s’ya matapos mamatay si Tatay sa aksidente, nahimlay at nagpaalam sa sinapupunan ko si Kasarinlan, at hindi na pumintig ang mumunting puso ni Haliya. Umasa akong si Hiraia na ang rainbow baby na ipinapanalangin namin, kapalit ng lahat ng dalamhating nag-uumapaw sa puso ko matapos ang lahat ng pagpanaw sa loob ng limang taon.
Nagpaalam ako sa aking ama sa gitna ng Manila East Road, humihiyaw, naghihisterya upang may maawa at tumulong sa amin. Ilang hakbang mula sa tumaob na tricycle, iika-ika akong lumakad papunta kay Tatay na nakahandusay sa malamig na aspalto. Hindi ko alintana ang dugo sa aking damit, at hindi maialis ang mata sa dugong sumisirit sa noo ng aking ama. Ang kapirasong alaalang ito ang huli naming pagkikita. Binura na ng aking utak ang mga sumunod pang pangyayari at nabalot ng dalamhati at pangungulila ang bawat piraso ng himay-himay kong puso. Sa buong buhay kong hatid-sundo ako ni Tatay sa esk’wela at sa trabaho, ako naman ang naghatid sa kanya hanggang sa mapalitadahan ang huling hollow blocks sa kanyang nitso. Paalam, Tatay. Patawad.
Sa gitna ng dalamhating nagpapadaloy ng mga luhang walang dahilan, natapos ang isang taong pagluluksa dahil umusbong ang aking Kasarinlan – ang noo’y pag-asa kong magpapalaya sa akin sa lambat ng kalungkutang hindi malaman kung saan ang hugpungan. Iniwan ko ang lahat para kay Sari. Niyakap s’ya ng aking puso sa aking sinapupunan – naging kanlungan ng aking pusong unti-unting tinatahi ng umuusbong na pagmamahal at buhay.
Walang katumbas ang kaligayahang bitbit ng pagtibok ng kanyang puso sa ultrasound. Malakas, nakabibingi, tila nangungusap ng kanyang pagkasabik sa aming pagkikita matapos ang anim na buwan. Walang kahit na anong tuminag sa akin sa kabila ng mga dumarating na problema nang si Sari ang aking lakas. Hanggang sa tumigil ang pagtibok ng kanyang puso.
“Ma’am, saglit lang po,” wika ng nars na paulit-ulit hinahanap ang tibok ng puso ni Sari sa aking puson, sa lahat ng anggulo, hinahagod ng malamig na gel sa dulo ng fetal heartbeat monitor. Hanggang sa tumigil sa paghagod ang nars, at ang lamig ng gel ay tila bumalot sa buo kong katawan. “Wala na pong heartbeat ang baby n'yo, ma’am. Kailangan na po namin kayong i-raspa.”
Ilang segundo akong nakatulala sa nars, pilit na pinoproseso ang kanyang sinabi. Hanggang sa s’ya ay umalis upang tawagin ang doktor at naiwan akong mag-isa sa sulok ng ER. Sapo ko ang aking puson nang magsimulang tumimo sa akin ang ibig sabihin ng kanyang mga salita. Wala na si Sari. Hindi ko alam kung bakit. Tumigil na rin yata ang puso ko noon at tila ako isang zombie sa delivery room hanggang sa ipinakita sa akin ang kulay ube nang katawan ni Sari. Kasinglapad lamang s’ya ng aking buong palad. Ang kanyang maliliit na paa ay lampas sa aking pulso. Inilagay s’ya sa isang maliit na kahon, at saka s’ya inilibing ni Berlin kasama ni Tatay.
Ang mga alaala ng paggalaw ni Sari sa aking sinapupunan na lamang ang aking katunayan na ako’y naging ina sa panganay kong lalaki. Masakit alalahanin subali’t kailangan. Walang papel, walang larawan. Isang baby book na puro sulat ng doktor lang ang naiwan n’ya sa akin. Ito ang dalamhating lagi’t-lagi kong yayakapin, dahil kung hindi ako, sino pa ang makaaalaala sa kanya? Kaming dalawa lang naman ang harapang nagkita. Tinahi ni Sari ang himay-himay kong puso. Subali’t dinala n’ya sa kanyang paglisan ang isang bahagi nito. Paalam, Sari. Patawad.
Saglit kong nakilala sa isang ultrasound si Haliya, subali’t kasing bilis ng pagpapalit ng mukha ng buwan, nagpaalam din s’ya. Hindi ko man lamang narinig kung tumibok ang kanyang puso. O baka hindi nga tumibok dahil tila wala naman akong buhay na maibabahagi upang magbigay-buhay pa.
“Lumabas s’ya sa gestational sac n’ya. Hindi na s’ya magkaka-heartbeat. Sa ganitong kundisyon, maaaring hindi ka na magkaanak. Pinapatay ng immune system mo ang baby. Hindi s’ya kinikilala na bahagi ng katawan mo. Hindi na advisable magbuntis ang may reproductive immune failure unless kaya mong gastusan ang buwanang gamot para sa bata. Iyon ay mga nutrisyon na hindi kayang ibigay ng katawan mo. At kung mapapalakas mo ang immune system ng baby upang mabuhay s’ya, ikaw naman ang magsisimulang magkakumplikasyon. Papatayin ka ng pagbubuntis mo.” Malinaw pa rin sa akin ang salita at pagtuldok ng doktor sa aming pangarap ni Berlin na magkaanak. Ni hindi ko nagawang magpaalam kay Haliya. At kasabay ng kanyang pagkawala ay ang kawalan ng kwenta ng aking bahay-bata. Paalam, Haliya. Patawad.
Hindi na 'ko nilulunod ng depresyon. Ibinaon na 'ko nito sa aking hukay. Nakaratay na ako sa higaan at hindi ko na magawang kumilos kahit mag-inat man lamang. Nais ko na lamang manatili sa madilim na kwarto na tila inangkin ko nang ataul. Hihintay ko na lang ang hindi ko pagdilat.
Dalamhati at pangungulila na lamang ang dumadaloy sa akin. Nakaratay sa higaan habang nagwawasto ng mga artikulo upang kumita pa rin kahit papaano. Ang aking buwanang dalaw ay sakit ng buong katawan at kaluluwa, patuloy na nagpapaalaala sa lahat ng pumanaw at hindi kinayang iligtas.
Endometriosis. Sakit sa panganganak ang katumbas nito tuwing ako’y dinudugo kada buwan. Namimilipit. Nagtatagis ang aking mga ngipin. Napapahiyaw dahil tila pinupunit ang aking laman – gaya ng pagkapunit ng laman ng aking hita sa aksidenteng kinamatayan ni Tatay. Ang agos ng dugo ko ay tulad sa mga pagkakataong naaagas ang aking mga anak. Ako'y may walang silbing bahay-bata na walang kayang dalhin na buhay, bagkus ay pasakit na walang kagalingan.
Subali’t sa kabila ng lahat, nananatili sa aking alaala ang mga mahal ko. Naaalala kong ako’y buhay pa dahil sa sakit at paulit-ulit kong tinutuklap ang langib ng mga sugat ng aking puso upang hindi ko sila malimutan. Sa bawat kirot, nanatili akong gising at humihinga. Naging kanlungan ko ang paulit-ulit na pagdurog sa aking puso ng mga alaalang pilit kong pinanghahawakan. Buhay pa ba 'ko? Hanggang masakit sa tuwing sinasaksak ako ng mga alaala, buhay pa ‘ko.
Ngunit hindi sapat na nabubuhay na lamang ako upang saktan ang aking sarili. Nais kong mabuhay nang totoo. Pinilit kong bumangon. At kahit alam kong ikamamatay ko, pinili ko si Hiraia. Ipinanalangin ko s’ya. At sa isang panaginip, iniabot s’ya ni Tatay sa aking palad nang buong pag-iingat. Kaya sa pangalawang pagkakataon, iniwan ko ang lahat – kahit buhay ko – upang muling maging isang ina.
Kinse mil kada buwan. Mas malaki pa ang gastos sa mga gamot kaysa sa sweldo ko. Pero lumaban kami. Sumuko si Berlin at umalis, pero lumaban kami ni Raia. Nabubuhay na lamang ako upang mabuhay kaming mag-ina. Hindi ko alam kung paano namin naitawid ang pandemic at ang halagang iyon hanggang ika-22 linggo ng pagbubuntis ko. Sa tulong ng mga kaibigan na hiniraman, ngunit mas piniling magbigay. Sa lahat ng mga kakilala na matagal nang 'di ko nakikita subali’t nagpadala ng pera. Ang bawat tableta at tusok ng karayom sa aking tiyan upang mabuhay si Raia ay bigay na awa at pagmamahal ng lahat ng nakakikilala sa kanya.
Bumalik si Berlin. Bitbit n'ya ang pagsisisi at pagkalinga. Hinarap ang pait ng aking pang-uusig. Subali't naitapon ko ang lahat ng galit nang kinagabiha'y nagsimula akong mahirapang huminga. Dala ng ambulansya papuntang QMMC, isang tangke ng oxygen ang nagtawid sa akin hanggang sa ER. Kulang sampung nars ang sabay-sabay na kumikilos sa akin. May nagkakabit ng s'wero, nagsu-swab test, kumukuha ng dugo, mga karayom na sabay-sabay tumutusok at walang nagpapaliwanag sa akin kung mabubuhay pa ako. Hanggang sa nagising na lamang ako sa pasilyo ng ER, hanggang sa nailipat sa COVID ward. Naghihingalo, mag-isa, at namamaalam na sa mundo. Handa na akong lumisan at hahawakan ko ang kamay ni Raia.
Tahimik akong nanalangin. “Kung si Hiraia ay Inyong ibinigay upang ako’y muling tumawag sa Inyo, Ama, marami pong salamat. At kung kukunin N’yo na ang batang matagal kong hinintay at inilaban, gaya ni Isaac, iniaalay ko po sa Inyo ang aking anak. Kung maaari po ay maisilang ko s’ya at bigyan N’yo s’ya ng hininga kahit sa huling pagkakataon, at isama N’yo po s’ya sa Inyong kaharian. At kung hindi man po kalabisan na hilingin, dalangin ko po ay buhay dahil sa pamilyang naghihintay sa aking pag-uwi. Pangako ko po, Ama, kung loob po Ninyo na ako’y magpatuloy, ako po’y maglilingkod at aakayin ko po pabalik ang aking sambahayan.”
Noong sandaling iyon, nagsimula akong duguin. Sabi ng doktor, lalabas na raw ang bata, hindi na ako ooperahan. Dinala ako agad sa delivery room. Apat kaming magkakatabing pinaaanak. Para kaming mga baka na nakaratay sa stainless na mga higaan, naghihintay na katayin. Sa pagitan ng maiksi kong paghinga, sa kakaunting hangin na kayang lamanin ng aking baga, tila tumigil ang aking puso upang itulak palabas si Raia. Isa pa. Narinig ko ang malakas n’yang pag-iyak. Dinala s’ya sa akin ng nars. Kasinglaki na s’ya ng aking bisig. Babae. Lahat ng babaeng kasabay ko ay may sanggol sa kanilang dibdib, ngunit ang aking anak ay hawak ng nars sa aking tagiliran.
“Lilinisan po namin s’ya pero hindi rin po s’ya magtatagal dahil wala pa po s’yang baga. Hindi po s’ya p'wedeng i-incubator. Sorry po, ma’am.” Pagkaalis ni Raia, pumikit ako upang palisin ang pinipigilan kong luha.
“Walang baga pero nakaiyak pa s’ya. Salamat po, Ama. Inihahabilin ko na po ang aking anak sa Inyong mga kamay.” Sa sandaling iyon, alam kong may Dios akong kasama at nakikinig. Payapa ang aking puso dahil alam ko kung saan papunta ang aking bunso. Paalam, Hiraia. Maraming salamat.
Sa gitna ng OB ward, ako lang ang nanganak na walang kasamang sanggol. At tuwing may bagong nars na nagra-rounds, ang tanong, “Nasaan po ang anak n’yo?” At paulit-ulit akong sasagot, “Wala na s’ya.”
“Nasaan na ang anak n’yo?” tanong ng aking katabi. Napatingin ako sa paligid at naalalang nasa trabaho na pala ako. Masyadong mabigat ang pamilyar na tanong. Hila-hila nito ang lahat ng dalamhati at pangungulila na pumupunit nang paulit-ulit sa puso ng isang ina.
Subali’t may nasumpungan na akong tunay na pag-asa. Kaya sa bawat tanong na sumasaksak sa aking puso, nagpapasalamat ako dahil ang dalamhati at pangungulila ang naging kanlungan ng isang ina upang muling alalahanin ang kanyang mga anak. May kaakibat man na kirot, subali’t maaari ko nang sabihin ngayon, “Naroon na sila sa Ama.” At ang katotohanang iyon ay sapat na para sa aking ikapapayapa.
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2024
Cultural Center of the Philippines