Mahal,
Maraming taon na akong nagbilang ng pagsikat ng araw. At sa bawat bukang-liwayway ay ipininta ko sa aking kamalayan, paulit-ulit na idinalangin ng puso, ipinanikluhod sa harapan ng Ama, na sasapit din ang umagang ikaw ang bubungad sa aking mga mata sa unang pagdilat. Na aking maidadampi ang aking daliri sa iyong mga talukap habang dinig ko ang malabulong mong paghinga sa pagitan ng ulirat at panaginip. Na makatatawid ang aking hintuturo sa iyong noo, pababa sa tungki ng iyong ilong, hanggang sa maninipis mong labi. May mukha ang pag-ibig sa bawat umaga at ikaw nga iyon.
Subali't may lungkot sa bawat pamamaalam ng araw sa kalunuran at dinadala na lamang ng hangin ang lamig ng pagkabigo sa bawat pagtatapos ng magdamag. Muli, ako ay mananaginip, yakap ng puso ang pag-asang sa pagsilip ng madaling araw, baka sakali, gigising akong ika'y nakaunan sa aking bisig.
Lumipas ang mga taon kung saan ang bawat gabi ay painot-inot na pumipilas sa pinaghahawakan kong larawan ng hindi pa dumarating na sukli ng pag-ibig. May araw din na hindi matatapos at ika'y mananatili. Ngayon nga iyon, mahal. Salamat sa iyong pagdating.
May habambuhay at walang katapusang bukas pa para sa atin, at hihigitan nito ang lahat ng nalunod na kaarawan sa paghihintay. Mahal ko, kapit lang. Hindi kita hinintay para lamang magpaalam.
Nagmamahal at mananatili,
J
"Para Sa'yong Kay Tagal Kong Hinintay"
- Mga Liham at Pagpapahinuhod