Ako nga pala si Jam. Apat na taong gulang. Oo, tama. Apat. Sa tuwing makakalimutan ko, binibilang ko ang aking daliri. Nasa hintuturo na ang edad ko. Iyon kasi ang laging pinipisil ni Inay kapag nakakalimutan ko.
Madalas, nakakulong ako sa bahay. Wala akong kalaro. Marami akong laruan kaso hindi pa rin masaya ang mag-isa. Lagi na lang akong tumatanaw sa may bintana sa tuwing naglalaro ng Agawang Base ang mga bata sa labas. Gusto ko sana no’n! Masarap sigurong mainitan ng araw, pagpawisan at hingalin sa pagtakbo!
Kaso, sa tuwing hahawakan ko ang seradura ng pinto, makikita ko ang pag-iling ni Inay. Alam ko na ‘yon. Kapag pinihit ko ang seradura ng pinto, kasama na ng paghawak n’ya sa bewang ang pagtaas ng kilay n’ya. Buntung-hininga ko na lang ang susunod. Yuyuko at babalik ako sa bintana habang nananaginip na makakapaglaro rin balang-araw sa kalye.
Ang umagang ito ay pareho lang naman ng ibang umaga. Mararamdaman ko ang marahang paghaplos sa aking braso na susundan ng pagdilat ng aking mga mata. Bubungad sa akin ang magkasinggandang sinag ng araw at ngiti ni Inay. Gaya ng ibang araw, lilipas ang umaga na mag-isa akong naglalaro habang naglilinis ng bahay si Inay. Sa sobrang dami ng ginawa n’ya ngayon, nakatulog na s’ya sa sofa.
Teka. Nakatulog si Inay! Pwede akong lumabas! Halos magkandarapa ako sa pagsuot ng tsinelas ko, at pilit inakyat ang kawit ng pinto. Hinawakan ko ang seradura. Walang umiling. Pinihit ko. Walang nakapamaywang. Ang pagbukas ko ng pinto ay tila pagbukas ng regalo sa Pasko! Walang paglagyan ang pagtalon ng puso ko sa kaba at ang pagkasabik ng aking mga paa na tumapak sa labas!
Ang init ng araw! Ang sarap sa balat! Parang nagkakagulo ang mga bata sa kalye pero alam kong naglalaro lang sila. Agawang Base! Sasali ako! Nagtaas ako ng kamay nang magtaasan sila ng mga kamay. Nakasali ako! Nakasali ako!
Pero may napansin akong kakaiba. Bakit gano’n? Ang pagbuka ng bibig ng mga bata ay mas madalas pa sa pagbuka ng bibig ko sa pagkain. Senyas ba ‘yon? Naku! Hindi ko alam ang mga senyasan nila! Bakit kasi ngayon lang ako nakasali sa laro?! Hindi bale, matututunan ko rin ‘yan!
Nagtakbuhan ang mga kalaro ko. Habulan. Hamunan. May nahuhuli. May nakakaligtas. Naging normal na lang ang kanilang senyasan para sa ‘kin. Hindi ko man naiintindihan, ang mahalaga, nakakasunod ako sa laro.
Kaunti na lang at mauubos na ang kabilang grupo! Malapit na kaming manalo! Biglang nagtakbuhan ang lahat papunta sa kabilang beys! Susugod na kami agad? Bakit nag-alisan sa beys nila ang mga kalaban? Ibibigay na lang nila ang beys sa amin? Hindi bale, bantay lang naman ako dito sa beys namin. Kaya na ‘yan ng mga kasama ko! Lumingon ang ilan sa mga kasama ko at nanlaki ang kanilang mga mata. Bakit? Para silang natuklaw ng ahas! Bumubuka ang kanilang mga bibig pero ‘di ko maintindihan!
Ano’ng nangyayari? Hindi ko naiintindihan ang mga senyas n’yo! Nangingilid na ang mga luha ko sa pagkalito! Paano ko malalaman ang mga senyas na ibinibigay nila? Ang mga mata ko’y naghanap ng mga pamilyar na kumpas na magpapaliwanag! Wala! Ano’ng nangyayari?! Paglingon ko sa likuran, isang matulin na bagay ang paparating! Mga mata ko’y napapikit!
Tumilapon ako. Lumagpak ang katawan ko sa lupa. Dumilim.
Ang pamilyar na haplos ni Inay ang gumising sa akin gaya ng dati. Pero bakit hindi kisame ng kwarto namin ang nakita ko? Puti ang lahat pati ang damit ng mga tao. Tumulo sa kamay ko ang mga luha ni Inay. Bakit s’ya umiiyak? Kahit may nakatusok na karayom at tubo, dahan-dahan kong iginalaw ang aking mga kamay para itanong sa kanya kung bakit. Nang matapos n’yang punasan ang kanyang mga luha, si Inay ay kumumpas gaya ng dati n’yang ginagawa. Ang kanyang mga kamay ay tila may kapangyarihang alisin ang takot at pagkalito ko. Ang pagdampi ng kanyang mga daliri sa kanyang labi, ang pag-ikot ng kanyang pulso upang imwestra ang kanyang iniisip, at ang bawat kilos ng mga bisig n’ya ang tanging naiintindihan ko sa maraming pagkakataong ako’y lito.
Ayon sa kanya, nabundol pala ako ng tricycle. Buti na lang, hindi raw ako masyadong nasaktan. Hindi naman ako nag-aalala. Alam kong gagaling rin agad ang mga sugat ko. Aalagaan naman kasi ako ni Inay.
Hinawakan ko ang kanyang dalawang kamay. Pinisil ko ang mga ito, at tumingin ako sa luhaan n’yang mga mata.
Patawad, Inay. Hindi ako sumunod sa’yo. Iyon na lamang ang naikumpas ko.
Lalo lang umiyak ang aking Inay.
May dumating na isang lalaki. Hindi ko kakilala. Nang bumuka ang kanyang bibig, napalingon si Inay. Paano nalaman ni Inay na may taong sumenyas sa likod n’ya? –Isa na naman sa mga tanong na hindi ko kayang sagutin. Pinuntahan s’ya ni Inay at nagsimula silang magsensyasan gamit ang bibig! Alam rin ng lalaki kung ano ang mga senyas! Pareho kaya ng mga sensyas nila ang sensyas ng mga kalaro ko? Sana pwede akong turuan ni Inay! Ngayon ko lang nalaman na alam n’ya ang mga ‘yon! Natuwa ako sa isiping pwede ko s’yang matutunan, kung paanong natutunan ko at ni Inay kay Miss Jenny Francisco ang pagkumpas. Gusto ko rin matutunan ang senyas ng bibig!
Sana pumayag si Inay kahit madalas, maraming bawal sa mga gusto kong gawin—gaya na lang ng paglalaro sa labas. Hindi ko alam kung bakit kailangan akong nakakulong; kung bakit nakakapaglaro ang ibang bata sa labas samantalang ako, sa unang pagtakas, nasagasaan na agad.
Siguro kaya ako hindi pinapalabas ni Inay ay dahil hindi naiintindihan ng mga kalaro ko ang aking pagkumpas. Naaalala ko pa ang blangkong tingin ng mga kalaro ko nang magbigay ako ng mungkahi sa aming laro. Siguro, marami pa talaga akong kailangan matutunan sa larong kalye.
Lumipas ang ilang araw na gaya ng dati. Gumaling na ang mga sugat ko at parang walang nangyari. Ang isang bagay na hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ako pinalo ni Inay. Gaya ng dati, tinatanaw ko na lamang ang mga bata sa labas. Masaya silang naghahabulan sa init ng araw. Ang pawis nila ay katumbas ng bawat ngiti at panalo.
Lumapit si Inay sa akin. Tiningnan ko s’ya ng malungkot kong mga mata, saka ko muling minasdan ang walang kasing sayang mukha ng mga batang nasa kalye. Niyakap n’ya ako ng mahigpit. Hindi ko alam kung bakit. Hinawakan n’ya ang kamay ko, saka n’ya itinaas sa kabilang kamay n’ya ang aking mga tsinelas.
Tsinelas ko! Halos manlaki ang aking mga mata sa aking naintindihan! Oo, Inay! Sasama ako!
Niyakap ko s’ya ng sobrang higpit—ang pinakamahigpit na yakap na puno ng pagpapasalamat. Walang pagsidlan ang aking tuwa!
Hindi na ako matatakot lumampas sa pinto ng bahay namin. Alam kong ligtas ako sa tuwing hawak ko ang kamay ni Inay. Makakapaglaro na ‘ko sa kalye, at sasamahan ako ni Inay! Tanaw n’ya ko sa aking pagtakbo. Makikita na n’ya kong pagpawisan, madapa, madungisan at magtatalon sa mga panalo ko! Wala nang mas sasaya pa do’n!
Hindi ko na kailangan pang ikumpas. Sapat na ang yakap para mabasa ni Inay ang katuparan ng aking simpleng hiling. Gusto ko lang naman maglaro sa labas.
Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5, Kwentong Pambata
Sponsored by
Na miss ko kabataan ko.hehe
ReplyDeleteMasarap alalahanin ang kabataan. iilan lang ang nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng makulay at magandang mga alaala para balikan. kaya naman kung naalala mo ang kabataan mo sa simpleng kwento ko, malamang higit pa sa kasiyahang nagkaroon ako noon ang mga araw na binabalik-balikan mo. Maraming salamat sa pagbabasa. :D
Delete