Impit na iyak ang tagawaksi ng bawat kirot
Sa bawat paghaplos sa sugat ng pagkakadapa ay dulot
Malambing na tinig ni Inay ang babasag ng lungkot
Pag-aalalang bitbit ni Itay ang sa aki’y nakakumot.
Sa paglipas ng taon, ang sugat ay hindi na lamang sa laro at takot
Laro rin naman kung ituring ngunit damdamin na ngayon ang sangkot
Luha ko man ay dumaloy sa bawat kasawiang sa aki’y bumalot
Tahanan pa rin ang pumalis ng sakit, sugat, pighati at sigalot.
Sa bawat pag-apak sa tahaking puno ng pasakit at sugat
Nananatiling ang pamilya ang kumakalinga at sumasapat
Saan man sa buhay hanggang sa lunang malalakbay ay nararapat
Babalik at babalik pa rin sa tahanang sayo’y nagpamulat.
Tatag ng haligi at liwanag ng ilaw,
Mayamang idinudulot ang pag-ibig sa uhaw
Sa lagok ng pagmamahal at pagduyan ng aliw,
‘Di kailanman lilisan sa akin ang musikang kasaliw.
Ang munting tahan-an na lubos na pumapawi
Ng kirot na tila walang huli ang sakbibi
Impit na iyak ang tangi lamang saksi
Sa bawat pag-irog ng pamilyang itinatangi.https://www.facebook.com/i.am.miss.jemaima.milan
https://www.facebook.com/notes/jemaima-milan-robles/tahan-an/603957882995776
Ito po ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5
Sponsored by:
Nice! :)
ReplyDeleteKarangalan po para sa isang baguhang tulad ko ang inyong pagbabasa. Salamat po sa pagbisita! :)
Delete