Nagmistulang bingi ang mga balikbayan box na wala nang laman kung hindi mga tsokolate, bagong mga damit, cellphones, ipad, basag-basag na pangarap, at mga mumo ng inaasam-asam na yakap at pagmamahal.
*****
Saksi ako nang umusbong ang pagmamahalan nila Ate Mia at Kuya Gary. Pinsan ko si Kuya Gary at matagal ko nang kilala si Ate Mia dahil sa love letter na pinagagawa sa akin ng pinsan ko. Oo, gumagawa ako ng love letter para maligawan nya si Ate Mia. Naaalala ko pa noon, tatlong babae ang nililigawan ni Kuya Gary. Nagpapatulong s’ya sa akin kung paano susulatan ang mga babaeng naggagandahan.
Sa mga larawang ipinakita ni Kuya Gary sa akin, nagandahan ako talaga kay Ate Mia. Balingkinitan. Long-legged. Mahaba ang tuwid at itim na buhok. Nakaupo sya sa lilim ng puno. Malinaw pa sa aking alaala ang larawang iyon. Tingin ko nga’y maaari s’yang sumali sa Binibining Pilipinas.
“Ito ‘yong susulatan natin, Jempot,” sabi ng pinsan ko.
At dahil natural na sa akin ang kiligin sa mga kwentong pag-ibig kahit sa murang edad pa lang, buong kasiyahan kong tinulungan ang kuya ko sa kanyang love letter. Matagal nang panahon iyon. Hindi ko na nga maalala kung ano ang mga isinulat ko noong elementarya pa ako.
Sa compound ng mga Mendoza, taon-taon kaming nagdiriwang ng bisperas ng Kapaskuhan sa pamamagitan ng paghahanda ng kaunting pagsasaluhan, mga palaro para sa mga batang pamangkin at bigayan ng mga regalo. Noon ko unang nakita si Ate Mia. Ang ganda n’ya. Noon ko rin nakilala si David Pomeranz dahil ang lahat ng mga pinsan ko na may kasamang kasintahan ay nagsayaw ng ‘sweet’ na tila Valentine’s ang okasyon. Lahat ay nagsasabi na napakaswerte ni kuya Gary. Napakaganda ni Ate Mia. Napakaganda.
Kilala si Kuya Gary sa lugar namin dahil sa kanyang reputasyon bilang kinatatakutang tanod ng barangay. Nagta-tricycle din s’ya kapag hindi s’ya rumoronda sa gabi. Isa s’yang malaking lalaki. Kapag sinabi kong malaki, matangkad siya at mataba---iyong taba na siksik at tila lulumpo sa’yo kapag humampas sa katawan mo. Kinatatakutan ng mga adik sa lugar namin si Kuya Gary. Dahil doon, kinuha s’ya ng pulisya para tulungan sila sa pagresponde gabi-gabi, kahit pa elementarya lang ang kanyang tinapos. Binigyan s’ya ng ranggo at baril. Iyan si Kuya Gary.
Si Ate Mia naman ay isang midwife. Maganda. Matalino. Nakakatakot hindi ba? Iyon lang ang alam ko sa kanya dahil hindi ko s’ya lubusang nakilala. Sabihin na nating naging mailap s’ya sa mga kamag-anak ni Kuya Gary. Maliban na lang sa kamag-anak ni Kuya Gary na nasa Amerika. Kulang na lang ay himuran n’ya ang puwit nito para lang mahalin sya. Nang sinabi ng Tiyang ni Kuya Gary na kukunin s’ya pa-Amerika upang siya na ang makatulong sa pamilya ni kuya Gary, walang alinlangang nagpakasal sila. Bakit nagpakasal? Kailangan kasi kaapelyido ng Tiyang ang kukunin n’yang kamag-anak. Gamit ang lupa nila Kuya Gary sa Pangasinan bilang kolateral kay Tiyang, pinag-aral ng Caregiving si Ate Mia. Lahat ng papeles n’ya at mga kailangang bayaran upang makalipad ay sinustentuhan ng Tiyang ni Kuya Gary. Makalipas ang ilang taon na pagtityaga sa pag-aaral at pakikipagsapalaran sa mga ahensya, nakalipad rin pa-Amerika si Ate Mia. Tangay ang mga pusong naghihinagpis ng kanyang dalawang maliliit na anak at ng kanyang asawang di pa ma’y nangungulila na.
Alam na natin ang pangungulila ng mga taong nahihiwalay sa kanilang mahal sa buhay habang kumakayod ng walang tigil sa ibang bansa. Ganoon magtrabaho si Ate Mia. Dalawa ang trabaho nya: bukod sa caregiver na s’ya, chambermaid din s’ya. Mayroon pa s’yang ibang trabahong pinapasok na sideline para kumita pa. Sa mga unang taon ng pag-alis ni Ate Mia, pangungulila lang ang isyu ng pamilya.
Lumigwak ang mga taon na parang hindi ko namalayan. Hindi na ako bata. May sarili na akong anak at hiwalay na sa asawa. Ang mga pares na nagsayaw noong bisperas ng Pasko ay may mga anak nang nasa hayskul. Kasama na doon sila Kuya Gary at Ate Mia. Ang mga batang umiyak sa paliparan ay kapwa na teenager. Isang lalaki at isang babae.
Ang bawat balikbayan box ay puno ng mga pabango, lotion, bagong twalya, damit, sapatos, laruan, cellphone, tablet, PSP, pangmatrikula, panglakwatsa, at pangpuno sa lahat ng pangungulila.
Ganoon lumipas ang mga taon at natuto nang magsugal ang kanilang binata.
Natuto na ring mang-umit ng perang padala.
Natuto na ring magbulakbol at umuwi sa barkada.
Natuto na ring mag-inom, manigarilyo at mag-droga.
Hindi na rin nya kinakausap ang kanyang ina kapag naka-skype sila.
Hanggang sa naglayas na.
Maayos naman si dalaga…noong una.
Maganda tulad ng kanyang ina.
Palabihis at mapustura.
Nahilig na rin maglamyerda.
Kasama nang tumatambay sa kanto ng iba.
Minsan iba-ibang lalaking barkada ang kasama.
Kung sinu-sino na ka-text at ka-chat ang puntirya.
Minsan nang tumaba na tila nagdadalang-tao.
Bigla rin naming pumayat makalipas ang ilang kisap-mata.
Umuuwi si Ate Mia para sa mahahalagang okasyon gaya ng kaarawan, pagtatapos, pasko, bagong taon at pagpunta sa doktor niya. Hindi ko na s’ya kilala. Minsan dumating s’ya na may tapal ang ilong. Nagpatangos daw s’ya. Minsan naman ay naratay sa bahay kahit bakasyon. Nagpadagdag ng dibdib niya. Nais din daw n’yang magpadagdag ng puwitan para mas gumanda ang hubog ng katawan n’ya. Ang ipinagtataka ko lang, kahit noong magka-anak na si Ate Mia, hindi naman nasira ang pangangatawan n’ya. Ganun pa rin ang itsura n’ya. Maganda. Ewan ko ba. Iba yata ang nagagawa ng pera.
Nakapagpundar naman ng mga properties si Ate Mia. Nasa pangalan nga lang ng nanay niya.
Sa tuwing umuuwi si Ate Mia, nag-iiba na ang tingin ko sa kanya. Kahit pa wala nang tapal ang mukha n’ya nitong mga nakaraang mga taon, may nag-iiba sa mga mata n’ya. Hindi na namin naaabot ang tingin n’ya. Masyadong mataas para mahagip pa ng aming mata.
Minsang pag-uwi ni Ate Mia, may dala na s’yang papel na pinapipirmahan kay Kuya Gary.
Divorce papers.
Tumahimik maging ang mga dingding ng bahay. Lumubog ang araw at ang lahat ay nagsiligpit. Nagkumot ang mga agam-agam at tuluyan nang nawala sa paningin ng mapunuring mga mata.
Pumutok ang baril ni Kuya Gary.
Nagmistulang bingi ang mga balikbayan box na wala nang laman kung hindi mga tsokolate, bagong mga damit, cellphones, ipad, basag-basag na pangarap, at mga mumo ng inaasam-asam na yakap at pagmamahal.