At oo, may sipi pa rin ako ng unang love letter mo.
Kalatas
April 6, 2011, 4:58am
Dalawang buwan na halos ang nakalilipas, natuto akong magmahal muli, at naranasang muling mahalin.
Bago ang araw na nagsanga muli ang ating mga landas, wala sa hinagap ko na posible pala ang ganitong klaseng relasyon. Kumplikado sa dilang kumplikado. Pero naisip natin na sa kumplikasyon ng ating sitwasyon, naroon ang tatag na wala sa ibang tipikal na relasyon.
Iilan pa lang ang maituturing na sandali ng nagkasama tayo bilang isang pareha. Hindi pa nga masasabing lantad ang mga iyon. Subalit ramdam ko ang pagsusumikap nating gawing masaya ang bawat oras na hiram. Dahil dito, ibig kitang pasalamatan.
Alam kong nagsisimula pa lang tayo; na bubot pang masasabi ang pagmamahalang ito. Subalit kapwa na tayo nakatanaw sa dulo, at umaasang ngingiti sa atin kapwa ang magandang bukas. Hindi ko maipapangakong kaya kong solusyunan ang lahat ng problemang darating sa relasyong ito. Subalit isa lang ang maipapangako ko: hindi mo kailanman haharapin ang mga iyon na nag-iisa.
Mahal kita. Mahal kita sa paraang tanging ako lamang ang kayang magbigay ng kahulugan. Mahal kita sa paraang puso ko lamang ang kayang magpaunawa ng katuturan.
Musmos pa lamang tayo, pero talos kong hinog na ang pag-ibig na nananahan sa ating mga puso. At habang papalapit ang ikalawang buwan ng ating pagsasama, dama kong mas tumatatag pa ito. Ilang problema man ang nakaamba pa, alam kong kakayanin natin. Sapagkat hindi tayo tipikal. Sapagkat ang pagmamahalan natin ay astig at radikal.
Tanggapin mo nawa itong alay kong mga salita ng pagmamahal.
No comments:
Post a Comment