Monday, January 20, 2014

Magdamag sa Pulag

Kirot ng pag-iisa, naibsan ng pagdampi
Sa aking balat, sa aking mukha, sa aking labi
Pagtangi mo, Amihan, sa aki’y saklolo
Sa pagpanik, iyong ihip, mailap na paghinga
Pagsilip sa tabing ng iyong mga ulap
Sa pagniniig, aking lungkot, iyong langit

Lamig ay nanunuot sa balat
Kumukurot sa hibla ng laman
Yapos mo ang tanging kaulayaw
Sa paninindig ng balahibo
Sa paghinga ng malalim
Sa pagtusok ng ginaw sa kaibuturan
Mahigpit na kapit na lamang sa sarili
Nakatalungko para sa kakaunting init

Masuyong humahagod ang ginaw
Bumubulong ng dalangin ng sikat ng araw
Haplos ng hangin na nakapanghihina
Umuubos ng ulirat, katinuan

Napaso man sa lamig ng lumipas na magdamag
Amihan, muli’t muli kitang babalikan

2 comments:

  1. pulidong-pulido na ang pagkakahabi ng tulang ito. sa kabila ng pagod, hirap at sakripisyo sa Pulag tiyak na may ganda at hindi maipaliwanag na saya.

    akalain mong nakagawa ng tula sa inspirasyong Pulag.

    ReplyDelete
  2. pulidong-pulido talaga? salamat... :3 dahil yan sa mga kritiko sa Kunwaring Literary Circle ng mga Taga-SBA. ^_^ pangarap ko kasing umakyat muli sa pulag. sa susunod, sana hindi na ko nag-iisa. :D

    ReplyDelete