Ngayon, ang mapungay na mata ni tatay ay malamlam na. Siguro dahil hindi namin s'ya nakakasama sa kwentuhan. Madalas kasi, paggising namin, nakapasok na sa trabaho si Tatay. Kapag umuwi s'ya nang hapunan, magpapahinga na s'ya matapos kumain. Buti na lang may hapunan. Nakakausap pa namin s'ya kahit saglit. Tuwing hapunan, nakikita ko ang maliliit na guhit sa gilid ng kanyang mga mata – kaunting senyales na nabawasan namin ang kanyang pagod.
“Tay, buhatin mo na lang po 'yung buwan. Mas mahirap po yata kapag hinihila lang,” sabi ko kay Tatay nang isang hapunan na napipikit na s'ya sa harap ng hapag-kainan. Napangiti si Tatay.
“Hindi pa kayang buhatin anak. Malayo pa kasi ang buwan. Hihilahin ko na muna. Kapag malapit na, kahit tumulong ka pa sa pagbuhat,” sagot ni Tatay.
“Opo, Tay! Pagtulungan po natin para hindi ka po masyadong napapagod.”
Bigla akong napaisip. Natigilan.
“Hindi po pala kita matutulungan, Tay. Hindi naman ako nakatatayo para buhatin ang buwan.”
Nilapitan ako ni Tatay, iniharap n'ya sa kanya ang wheelchair ko. Hinawakan n'ya ng dalawang kamay ang dalawa kong binti na kaytagal nang nagpahinga.
“Kaya mong gawin ang kahit anong gusto mo, anak. Walang pwedeng makapigil sa’yo. Bubuhatin natin ang buwan.”
Mula noon, naniwala na akong kaya kong buhatin ang buwan.
Nang nalipat ang aming klase sa silid-aralan ng Agham, namangha ako sa nakasabit na mga makukulay na bilog.
“Planeta ang mga iyan,” sagot ni Ma’am Cruz sa akin nang itanong ko kung ano ang mga nakasabit sa kisame ng aming silid.
“Hayun ang Daigdaig, katabi ng buwan,” sabay turo ni Ma’am Cruz sa isang sulok malapit sa araw.
“Malapit lang pala ang buwan! Darating ang panahon, mabubuhat na namin s’ya ni Tatay!”
Buong-buo ang aking pag-asa para sa nasabing pangarap. Napangiti si Ma’am Cruz.
“Pwede mo namang puntahan ang buwan kapag naging Astronaut ka.”
Bigla akong napaisip: kung napupuntahan pala ang buwan, hindi na s’ya kailangang hilahin. Mukha kasing mabigat. Pero bumalik sa akin ang lahat ng gabi na umuuwi si Tatay na pagod na pagod. Ilang medyas na ang paulit-ulit na nabutas, sinulsihan at nabutas hanggang sa hindi na kayang sulsihan pa. Ilang sapatos na ang paulit-ulit na idinidikit ng rugby ang swelas hanggang sa napunit na ang tagiliran nito. Ilang madaling araw hanggang maghapon, minsa’y magdamag pa nga, ang pinagtyagaan ni Tatay para lamang mailapit sa amin ang buwan. Nanlumo ako bigla. Sayang naman ang paghila ni Tatay. Baka sumama ang loob n’ya kapag nabalewala ang pagod nya, at nalaman n’yang kaya naman pala itong puntahan.
“Bubuhatin ko na lamang po ‘yun paglaki ko! May nakita po akong lalaking buhat ang Daigdig doon sa silid-aklatan. Kaya ko rin po iyon! Mas maliit naman po ang buwan!”
Lalo akong nabuhayan ng loob nang maalala ang imahe ng tinatawag nilang Atlas. Nagkaroon pa sya ng aklat! Tumawa si Ma’am Cruz sa aking determinasyon, at saka n’ya tinapik ang aking balikat.
“Kaya mong buhatin ang kahit na anong mabigat. Maniwala ka lamang.”
Lumipas ang panahon at napagtanto kong hindi naman talaga pwedeng buhatin ang buwan. Napagtanto ko rin na ang karaniwang tao ay pupuntahan na lamang ito kaysa buhatin. Hindi ko rin naging linya ang agham o baka dahil hindi rin namin kayang makapag-aral ako upang maging astronaut. Nasa mamahaling pamantasan kasi iyon. Bagkus na buwan, napagtanto ko na ang hinihila pala ni Tatay ay ang mga kargada sa malalaking truck na minamaneho ng katrabaho n'ya araw-araw. Pasan n'ya ang lahat ng dumaraan mula bagsakan ng mga paninda hanggang pamilihan. Araw man o gabi, hindi sya binibigo ng kanyang mga binti at braso. Tumigas na sa pagkakayukod ang likod n'yang pumapasan ng lahat ng bigat ng bigas, karne, prutas at kung anu-ano pa.
Sa paglipas ng panahon, liham na lamang ni Tatay ang tanging naiwan n’ya upang patuloy akong palakasin ng kanyang alaala. At sa tuwing ako’y pinanghihinaan ng loob, paulit-ulit ko itong binabasa.
Anak,
Pasensya ka na kung hindi ko nailapit sa iyo ang buwan. Alam ko naman na kaya mong buhatin ito kahit mag-isa ka lang. Pero hindi ko natapos ang paghila. Masyado pala itong mabigat. Patawad kung hindi ko naibigay sa iyo. Kapag malungkot ka, tingin mo ay mag-isa ka na lang, at ramdam mo ang pagpapahirap ng buhay, alalahanin mo ako. Hanggang sa huling sandali, sinikap kong ilapit ang buwan sa iyo. Malayo na ang narating natin mula nang nangarap tayo. Tapusin mo ang laban. Huwag kang susuko. Hinihintay ka ng buwan upang angkinin mo s’ya.
Sa tuwing hinihila mo na lamang ang mga araw, subukan naman natin buhatin ang buwan.
Nagmamahal,
Tatay
Pasan ko na ang buwan, 'Tay. Baon ko ang malamlam mong mga mata. Lumalakad ako, mabigat man ang mga hakbang, patungo sa buwan na pangarap nating dalawa para sa akin. Mahirap pala talagang pasanin ang buwan upang magpatuloy sa buhay. Maraming hindi maniniwala na kayang buhatin ang buwan. Maraming tatawa dahil hindi sila naniniwalang kaya ko sa kabila ng aking kakulangan. Maraming tao na sasakyan pa ang buwan na buhat ko upang sila’y makapagpahinga at ako na lamang ang mapagod. Marami silang hindi naniniwala at nananamantala.
Mabuti na lamang at kahit mahirap buhatin ang buwan, pasan ito ng mga alaala mo upang patuloy akong akayin. Buhat ko na ang buwan, ‘Tay. Ngunit ang pagbuhat ko’y iba sa iyong pagpasan dito. Nakakulong man ako sa aking upuan, lumilipad ang aking isipan at bumubuo ng maraming kwento ng buhay. Kwento ng mga batang, tulad ko, nananaginip buhatin ang buwan kaysa puntahan ito.
Sa lahat ng pawis at hindi pagbitiw sa akin, marami pong salamat. Itinuro n'yo po sa akin na maaaring abutin ang lahat kahit pa ako'y naiiba at iba ang aking paraan. Hindi ako susuko. Hanggang sa huli, bubuhatin ko pa rin ang buwan na tinatanaw at pinupuntahan lang ng karamihan.
Ito ang lahok sa Saranggola Blog Awards 2018 Kwentong Pambata
No comments:
Post a Comment