"Lea! May pamilya ka na pala! Kumusta?" tanong ni Ka Mitring kay Mama. Siya ang labandera nila Mama noong dalaga pa raw s’ya. Ngayon, magaling nang maglaba si Mama kaya hindi na raw n’ya kinuha si Ka Mitring. Tinanong ko si Mama kung ano ang ibig sabihin ng pamilya.
Sabi n’ya, "Parang tayo ng Papa mo."
Matagal ko rin ‘yon inisip. Siguro Mama, Papa, at anak ang ibig sabihin ng pamilya. Siguro dahil pare-pareho kami ng apelyido. Kaya rin siguro kami pare-pareho ng kulay ng damit kapag nagsisimba. Pare-pareho kami sa maraming bagay. Ganun yata ang ibig sabihin ni Mama.
Sobrang bait ni Mama. Lagi n’yang pinagsisilbihan si Papa. Nakikita ko kung paano n’ya asikasuhin si Papa kapag umuuwi ito galing sa sideline nyang trabaho o kaya naman ay sa bar. Madalas, sa bar. Hindi ko alam kung ano ‘yong bar, pero mukhang nakabubusog ‘don. Kasi sobra-sobra ang kinakain ni Papa, isinusuka na n’ya tuloy pagdating sa bahay. Pero si Mama, ‘di s’ya pinababayaan. Linis dito, linis doon. Pupunasan n’ya si Papa, saka bibihisan. Pagkatapos n’on, magmamahalan sila ni Papa bago matulog. Tapos kapag naririnig ko na ang hilik ni Papa, sasabayan na ito ng paghikbi ng Mama ko.
Hindi ko alam kung bakit umiiyak si Mama. Minsan, tinanong ko siya kung bakit s’ya umiiyak sa gabi. Natigilan s’ya saglit, saka s’ya nagpaliwanag. Ang sabi n’ya, inuunahan na raw n’ya ang paparating na sakit para sa kanya na pumunta at hindi na sa akin. S’ya na lang daw ang iiyak kaysa ako. Tinatawag pala ng mga iyak ni Mama ang sakit na pwede naming maramdaman ni Papa. Napakabuti n’ya talaga. Kaya naman sa tuwing nagkakasugat ako o masakit ang ngipin ko, pupunta ako kay Mama. Hindi pa n’ya tinatawag ang sakit para pumunta sa kanya, kaya inihahatid ko na lang. Hahalikan n’ya ang masakit sa akin at mabilis na mawawala! Sa gabi, maririnig ko ang pag-iyak n’ya. Hanggang sa mas napapadalas na ang pag-iyak ni Mama. Kahit habang nagluluto o naglalaba s’ya. Sorry, Mama. Ayaw ko kasi ng sakit kaya ibinibigay ko lahat sa’yo. Sabi n’ya marami daw kasing masakit sa katawan ni Papa gawa ng pagtatrabaho n’ya. Kaya si Mama na ang bahalang sumalo ng mga sakit na iyon.
Napakalakas ni Mama. Kinakaya n’yang saluhin lahat. Sinasalo n’ya lahat ng sakit para makapasok sa trabaho si Papa kinabukasan. Kaya napagdesisyunan ko, hangga’t maaari, ‘di ko na daragdagan ang sakit n’ya. Natuto akong ‘di umiyak at balewalain ang sakit ng mga sugat ko. Binubuhusan ko ng alcohol hanggang sa mamanhid na sa sakit. Malamig ang alcohol. Saglit lang ang kirot kahit pa abot langit, tapos lilipas din. Para kay Mama, magtitiis ako.
Sana ganun rin kabilis mawala ang sakit kapag minamahal ni Papa. Mahal ni Papa si Mama. Palagi. Ako rin mahal ni Papa pero minsan lang n’ya ko minamahal. Kaya ang madalas na ginagawa n’ya kay Mama sa gabi, ginagawa rin n’ya minsan sa akin sa umaga kapag wala si Mama. Minsan nga may kasamang pinsang babae si Papa sa kwarto at ganoon rin ang ginagawa nila. Tapos minsan may baon pa silang alak at pang-ineksyon. Siguro may sakit ang mga pinsan ni Papa at kailangan nila ng gamot. Mapagmahal ang Papa ko. Marami syang kayang mahalin na pinsan n’ya. Siguro nalulungkot din sila kaya lumalapit sila kay Papa para mahalin sila.
Kabaligtaran naman si Mama. Nalulungkot s’ya lagi matapos nilang magmahalan ni Papa. Siguro dahil masakit. Alam ko na masakit iyon kasi kahit ako nasasaktan. Kapag naiiyak ako sa sakit, sasabihin ni Papa masakit daw talaga magmahal kaya tiisin ko lang. Naririnig ko nga iyon sa mga kapitbahay naming kabataan. Masakit nga raw magmahal. Kaya naman hindi na ako umiiyak kapag minamahal ako ni Papa. Pinipiit ko ang pag-iyak kasi baka malaman ni Mama, tapos gaya ng lagi n’yang ginagawa, saluhin na naman niya ang lahat ng sakit. Ayoko nang makadagdag pa sa sakit na iniinda ni Mama.
Ngunit isang araw, hindi ko na talaga kaya ang sakit. Umiyak ako nang umiyak nang makita kong may dugo na ang higaan ko matapos akong mahalin ni Papa. Hindi rin alam ni Papa ang gagawin n’ya. Nagmamadali syang nagbihis at umalis ng bahay! Takot na takot akong naiwang mag-isa, puro dugo. Hindi ko na muling nakita si Papa mula noon. Natakot din siguro s’ya sa dugo. Nasira na ang aming pamilya. Minsan iniisip ko kung dapat bang hindi ako umiyak. Baka sakaling kasama pa namin si Papa ngayon.
Tumayo ako mula sa pagkakahiga at dahan-dahan akong pumunta sa pintuan.
“Tulong! Tulungan n’yo po ako,” sigaw ko sa mga kapitbahay.
Nakita kong tumatakbo papunta sa akin ang ilang mga kapitbahay, saka nagdilim ang paligid. Hindi ko na alam kung ano ang sumunod na nangyari.
Nagising ako sa kwartong puti. Naroon si Mama at namumugto ang kanyang mga mata. Siguro alam na n’ya ang tungkol sa sugat ko.
“Sorry, Mama. Umalis si Papa dahil sa akin.” Naiiyak na ako ngunit pinipigilan ko pa rin ang aking luha.
“Hindi ka dapat mag-sorry. Anong ginawa ng Papa mo?” halos tumaas ang boses ni Mama sa pagtatanong niya.
“Minahal lang naman po ako ni Papa. Masakit po raw talaga magmahal, sabi nya. Natakot lang po talaga ako dahil hindi ko alam na may dugo kapag minamahal ka. Dati naman po kasi masakit lang. Walang dugo,” pangangatwiran ko.
Natigilan ang Mama ko. Ilang segundo s’yang hindi nakapagsalita. Titig na titig s’ya sa akin. Tumulo ang luha sa mga mata n’ya nang hindi kumukurap. Saka n’ya ako niyakap nang mahigpit. Marahil masakit sa kanya ang pagkawala ni Papa.
Nagulat na lang ako sa sumunod n’yang sinabi: “Anak, hindi tayo mahal ng Papa mo. Ginamit n’ya tayo. Magkaiba iyon.” Niyakap n’ya akong muli at saka umiyak nang umiyak si Mama. Inaako na naman n’ya ang lahat ng sakit. Hindi ko pa rin alam kung paano nasabi ni Mama na hindi kami minahal ni Papa. Hindi panaginip ang dugo ko.
Sabi ni Mama nasa ospital kami dahil tinitingnan ng mga doktor kung maayos ang lagay ko. Tingin ko ayos naman ako. Kinuha na lahat ni Mama ang sakit. Nagtaka nga ako nang may dumating pang mga babaeng tutulong daw sa amin ni Mama. Pupunta daw sila sa prisinto. Kung saan man iyon, hindi raw ako isasama ni Mama, baka raw matakot ako.
Bagkus, nagpunta kami ni Mama sa isang klinika. Kukuhanan daw ako ng dugo para malaman kung may sakit ako.
Sabi ko, “Kinuha na po ni Mama lahat ng sakit ko. Huwag na po kayong mag-alala.”
Nginitian lamang ako ng babaeng may hawak na pang-ineksyon.
Matapang na ako. Kahit may alcohol ang bulak na inilagay sa sugat ko matapos akong tusukan ng hiringgilya, hindi ako umiyak. Tingin ko pambabaeng klinika ang pinuntahan namin ni Mama kasi may pink na nasa dingding ng klinika.
Nang bumalik kami ni Mama sa klinika, napaluhod na lamang s’ya nang binasa n’ya ang resulta.
Sabi ng babaeng nag-abot ng papel, “Ikinalulungkot ko misis. Positive din po ang anak n’yo.”
Ang alam ko kapag positive, mataas ang grade ko. Kaya naguluhan ako sa nangyari. Tinanong ko Mama kung bakit s’ya umiiyak.
Sabi n’ya, “Ang ibig sabihin ng positive ay meron kang sakit. Ako rin meron. Nakuha natin s’ya dahil ginamit tayo ng Papa mo. At kapag ang isang lalaki ay nanggagamit ng kung sinu-sinong babae, pwede s’yang magkasakit. At pwede n’yang maipasa ang sakit na iyon sa iba. Kaya tandaan mo: hindi tayo mahal ng Papa mo. Ang lalaking tunay na nagmamahal, isa lamang ang babaeng minamahal. Ang lalaking hindi pa handang magmahal ngunit may respeto sa iba ay hindi hahayaang mahawa o makahawa s’ya ng sakit. Kahit respeto sa atin ay wala si Papa mo. Walang kahit na sinong lalaki ang may karapatang gawin sa’yo ang ginawa ng Papa mo. Ang tawag doon ay pang-aabuso.”
“Opo, Mama,” kiming sagot ko habang nangingilid ang aking luha.
“Hindi tayo minahal ni Papa. Inabuso n’ya tayo,” wika ko nang buon kasiguruhan.
“Kailangan ba nating maospital, Mama?,” tanong ko.
“Lagi lang tayong kokonsulta at iinom ng gamot. Kapag lagi nating ginawa ‘yon, hindi tayo makakahawa. Huwag kang mag-alala, anak. Katulad ng ibang batang walang sakit, mararanasan mo pa rin ang iyong kabataan. Pangako ko iyan.” Gaya nang dati, si Mama pa rin ang bahala. At kampante na ako roon. Noon ako naliwanagan sa totoong ibig sabihin ng pamilya. Ang siyang nagmamahalan ang siyang tunay na pamilya. At iyon ay kaming dalawa ni Mama.
***
Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2018 Maikling Kwento
No comments:
Post a Comment