Sunday, June 6, 2021

Kay B

Victoria, Laguna, 2017
    
B,

    Matagal kong itinanong sa sarili ko kung ano ang pinagkaiba ng kasal sa pagsasama. Maraming tao ang nagsasabing ang seremonya at papel ang pinag-uusapan. Kailangan ko ba ng apelyido mo? Kailangan ko ba ng kontrata? Kailangan ko bang maranasan ang rangya ng isang pagdiriwang?

    Matagal akong naniwala na papel at pagdiriwang ang kailangan para masabing kasal ka sa isang tao. At dahil sa paniniwalang ito, hindi ko namalayan na kasal na pala ang pinasok natin at hindi basta isang relasyon. Ikinasal ako sa iyo nang pinili kita higit sa buhay na mayroon ako.

    Mula pa noong hayskul, pinangarap ko na ang aking propesyon. Bata pa ako, kasama ko na ang mga aklat at panulat sa isang sulok ng bahay namin --- gumuguhit ng kahit ano, nagsusulat ng lahat ng maisipan. Nag-aral ako nang walang nakikitang limitasyon, nagpursigi na maging isang taong may maipagmamalaki sa lipunan, bitbit ang titulo ng propesyon nang makapagtapos. Nagsumikap akong patunayan sa nakararami na kaya kong maging mahusay sa kabila ng hamak kong pinagmulan. Salat man sa pribilehiyo, nagtagumpay ako sa pamantayang alam ko. Ang hindi ko alam, makasusumpong pa pala ako ng isang pangarap na hihigit pa sa karerang iyon. Ikaw.

    Sa loob ng matagal na panahon mula 2011, pinili kong manatili sa propesyon habang yakap ka sa aking tabi. Hindi man naging madali ang ating simula, niyakap natin ang kumplikadong sitwasyon na parang walang makapipigil sa ating dalawa. Ginawa nating simple ang damdaming humahamon sa pamantayan ng lipunan at tinawag nating pagmamahal. 
    
    Mahal ko, ang bawat sandali ay ikaw at ang pag-ibig na patuloy kong pinaghahawakan hanggang sa ngayon. Tunay na hindi napupuno ng purong kasiyahan ang isang relasyon. Ang pag-ibig ay kailangang lahukan ng pait, tamis, sakit, saya, at maraming pagtitiis at pagpili. Hinarap natin ang lahat nang magkahawak-kamay, at sa tuwing nais nating talikuran ang isa't-isa, nananatiling magkayapos ang ating mga palad. Hindi tayo bumitiw. Hindi tayo bibitiw. Sa bawat pagkakataon na tayo ay nasasaktan, iniinda natin ang mga sugat, ngunit hindi tayo naghangad na iwan ang isa't-isa. Kapwa natin batid na ang mga pilat na iniiwan ng mga alaala ay kalakip ng bawat segundong walang kapantay na kapayapaan sa bawat yakap.

    Tinanggap ko ang lahat ng ikaw. Lahat. Niyakap ko ang bawat sulok ng iyong pagkatao kasama ang mga lihim na pawang tayo lamang ang nakaaalam sa pagitan ng gabi at madaling-araw. Nakilala kita higit sa pagkakakilala nang kahit na sino. At kahit malaking bahagi ng iyong pagkatao ay bago sa akin noon, alam ko, ikaw pa rin ang nag-iisang taong minahal ko nang higit sa aking mga pangarap.     
    
    Kaya naman sa tuwing tinatanong mo ako kung bakit kita mahal, ang lagi ko lang sagot nang buong sinseridad, "Dahil ikaw si B. Walang ibang B, ikaw lang." Mahal ko ang lahat ng ikaw, at walang makapapantay sa lahat ng mayroon at wala ka, mga piraso ng pagkatao mo na bumubuo sa nag-iisang taong minamahal ko.

    Yakap ka, tumalon ako nang pikit-mata upang liparin natin ang balik-tanaw. Hindi ako lumingon dahil sapat na ang lahat ng mayroon ako --- ikaw. Iniwan ko ang buhay na binuo ko sa loob ng tatlumpung taon, at nagsimula ako sa aking bagong pangarap: ang makapiling ka hanggang sa huli. Salamat sa pagyakap sa akin mula noon hanggang ngayon.

    Sa mga panahon ng ating pagsusumikap na magmahal sa bawat araw, hindi naging mapagbigay ang buhay. Naging madamot ang mga pagkakataon at tanging mga kamay na lamang ng isa't-isa ang kaya nating panghawakan. Dinatnan tayo ng sakit at nalubog ako sa kumunoy ng pighati. Minahal mo pa rin ako. Niyakap at pilit iniahon sa pagkakasadlak. Patuloy mong hinawakan ang aking kamay sa kabila ng iyong unti-unting pagkapagod. 

    Ngayon na ikaw naman ang sinusubok ng karamdaman, asahan mong hindi ako mawawala sa iyong tabi. Patuloy kitang aalagaan sa abot ng aking makakaya. Buong buhay man ang kailangan nating ilaan upang masumpungan ang kagalingan, lagi tayong magpapatuloy. 

    Dahil hanggang ngayon at hanggang sa huli, ikaw pa rin ang pangarap ko. Ang bawat sandali ng buhay natin ang naglilimbag ng pangakong walang hanggan. Ikinasal man ako sa'yo nang hindi ko namalayan, pinipili kong manatiling kasal sa'yo hanggang sa huli. At sa susunod na habambuhay, ang aking pinili ay mananatili. Sa pagtatapos ng bawat araw, sa'yo at sa'yo pa rin uuwi. 

    Mahal kita. Lagi't lagi. 

    Lalo na ngayong ika-anim na araw ng buwan. Unang araw na pinili kitang halikan. 

    

    

    

   

No comments:

Post a Comment