Monday, November 7, 2022

May Mali Ba Kay Toto? Ang Kwento ng Prinsesang Nakatago

 

May Mali Ba Kay Toto?

Ang Kwento ng Prinsesang Nakatago




    Kapag tinatanong ang pangalan ko, sasabihin ko, “Ako po si Toto.” Hindi na ulit nila ‘ko tatanungin. Toto na lagi ang tawag nila sa ‘kin. Wala namang nakasulat na Toto sa birth certificate ko, pero ‘yun pa rin ang tawag nila.

    ‘Yung kalaro ko nga ang tawag nila, si Pidot. Walang nakakaalam kung bakit naging gano’n ang palayaw n’ya, kahit Lester ang pangalan n’ya sa eskwelahan. Pero Pidot din ang sinasabi n’ya sa mga kalaro n’ya kapag may bagong saltang bata sa may eskinita para makilaro sa ‘min.


    Meron bang taong nagsabi na, “Hindi nga? Toto ba talaga ang pangalan mo?” Wala pa naman nagtanong sa ‘kin ng gano’n. Pero kapag may nagtanong sa ‘kin kung lalaki ako at sinabi kong, “Babae po,” hindi pa rin ako babae para sa kanila.

    Kaya naman usap-usapan ng mga tsismosa sa kabilang kanto, “May mali yata kay Toto.”

    Hindi ko alam ang ibig nilang sabihin no’ng bata pa ‘ko. Pareho lang naman kami ng katawan ng mga kalaro ko. Wala lang akong bestida at palda. Pero gano’n naman talaga. Hindi nakukuha ng bata ang lahat ng gusto n’ya.

    Sina Mama at Papa kasi ang bumibili ng damit, laruan, at kahit gamit sa eskwela. Gagamitin ko lang. Wala naman akong magagawa, hindi ba? Magtatampo sila kapag inayawan ko ang regalo nila. Si Kristine nga, ayaw n’ya ng Little Mermaid na bag n’ya. Gusto ko nga sanang makipagpalit, pero ayaw rin naman n’ya ng Batman na bag ko.

    Lahat ng bata ay may gusto at ayaw sa mga bagay na ibinibigay sa kanila. Wala lang talaga silang magawa kahit ayaw nila. Kaya kaya kong sabihin sa mga tsismosa sa kanto na “Walang mali kay Toto.”

    Noong lumalaki na ako, kagaya ko rin naman ang mga batang kalaro ko. Pawisan sa pakikipaghabulan, madungis, at amoy-araw kapag galing sa laruan. Nakikipagtawanan rin ako kagaya ng ibang bata.

    Napapaaway din ako sa tuksuhan. Masakit nga sa anit makipagsabunutan. Hindi na ‘ko umulit nang maranasan ko nang isang beses. Masama talagang makipag-away, ano?

    Wala rin namang mali kahit mag-mother ako sa chinese garter, hindi ba? Ako lang kasi ang marunong mag-cartwheel sa mga kakampi ko. Kapag nataya sila, ako ang babawi. Sa huli, lagi kaming panalo! Kaya naman kaya kong iyabang sa mga tsismosa sa kanto, “Walang mali kay Toto.”

    Magaling nga ‘ko sa lahat ng mga bagay na gusto kong ginagawa. Minsan nga, daig ko pa ang ibang bata. Pero sabi ng mga kapitbahay mali daw na kumekembot ang lakad ko o kung ginagaya ko ang mga ginagawa ni Mama.

    Gusto ko ang mga ginagawa ni Mama. Nagluluto s’ya lagi sa bahay, kaya naman sa garden, inuulit ko ang niluluto n’ya gamit ang mga dahon at bato sa lutu-lutuan. Akala ko nga, magiging chef ako.

    Kumbinsido ako na walang mali sa akin hanggang sa nagbago ang lahat pagtapak ko sa hayskul.

    Nakasusuklam ang katawang nasa repleksyon sa salamin. Nakatatakot. Para akong isang kaluluwang sumapi sa katawang hindi ko kilala.

    Hindi ito ang katawan ko. Hindi ko gusto ang nangyayari sa kanya. Ayaw ko ng bigote o balbas. Ayaw ko ng malapad na balikat. Ayaw ko nitong lahat. Hindi ito si Toto. Hindi akin ang katawang ito.

    Ngayon, hindi na ‘ko makahaharap sa mga tsismosa sa kanto. Parang gusto ko nang sumang-ayong “May mali nga yata kay Toto.”

    Kagaya nang may mali kay Pina nang s’ya ay naging pinya.

    Sa Alamat ng Pinya na binasa dati sa akin ni Mama, naisip kong napakalungkot siguro ni Pina nang s’ya ay maging pinya. Lahat ng gusto n’yang gawin bilang tao, hindi na n’ya pwedeng magawa. Isa na lamang s’yang prutas na naka-ugat sa lupa, walang pwedeng marating kung hindi ang mesa kapag inihain na s’ya bilang meryenda.

    Laging bumubulong sa ‘kin ang salita ng mga tsismosa, “May mali kay Toto.” Paulit-ulit. Hindi tumatahimik. At luha lang ang meron ako para ipagluksa ang nakatagong prinsesa na unti-unti nang binubura ng pagkabinata.

    Sa araw ng eskwela, isusuot ko ulit ang unipormeng panlalaki. Kailangang maitago na hindi lang dalawa ang kasarian ng tao. Para rin hindi malaman ng pamilya ko.

    Ayaw nila sa bakla. Ayaw nila sa baklang pinagtatawanan at ginagawang katatawanan. Kaya nga tumatawa ang mga tao sa lalaking nagbibihis babae kahit lalaki naman sila. Tingin ng mga tao, katatawanan ang maging bakla. Ayaw ng pamilya ko dahil iba ang nakatutuwa sa nakatatawa.

    Kung paanong tumatawa nang palihim ang mga kaklase ko nang umakyat ako sa stage sa Recognition Day kasabay ang Papa ko. Panlalaki ang lakad ko kaya sila tumatawa. May isang malaking sikreto na alam ng lahat maliban kay Papa.

    Pero hindi ako nagpapatawa.

    Masakit ang lahat ng pagkakataon na kailangan kong maging ibang tao sa harap ng pamilya ko. Nabanaag siguro ng titser ko ang sakit sa mga mata ko nang bigla s’yang tanungin ni Papa, “May napapansin po ba kayong mali kay Toto?”

    Tumingin sa akin si Ma’am. Ramdam ko ang kanyang pag-aalinlangan. Saka s’ya ngumiti kay Papa at sinabing, “Wala naman pong mali kay Toto. Magaling nga po s’ya sa eskwela. Tama lang po na nasa Pre-Law class s’ya,” sabay abot ng report card ko kay Papa.

    Nakahinga ako nang maluwag. Kailangan ko na lang magtagumpay kahit napakaliit ng mundo ko. Balang-araw, maipakikilala ko rin sa pamilya ko ang prinsesang nakatago.

    Mahusay ako sa eskwela. Alam ko ang talento ko. Alam kong kaya kong magtagumpay sa buhay at walang kinalaman ang pagiging babae ko. Balang araw, maitatama ko ang naging mali nang dumaan ang salot ng pagbibinata sa isang prinsesang nakatago. Pero paano?

    Laman ng parlor ang fairy godmother ko. Sa kanila ko nalaman na may mundo kung saan ko mahahanap ang kinagisnan kong katawan—katawang walang palatandaan ng pagiging lalaki. Ang tawag nila dito, World of Transitioning. Para akong si Cinderella na nakilala ang fairy godmother ko. At dahil sa “Bibbidi-Bobbidi-Boo,” magiging prinsesa akong muli.

    Pero hindi tulad ni Cinderella na sa isang iglap ay prinsesa na, kailangan kong tuluy-tuloy na pagsikapan ang dahan-dahang pagbalik sa dati kong katawan. Kailangan kong uminom ng gamot na hindi ibinigay ng doktor. Nakatatakot subali’t mas nakatatakot na tuluyang mawala kung sino ako.

    Isinugal ko ang kalusugan ko kapalit ng muli kong makita sa salamin ang prinsesang nakatago. Kailangang magtiis ng pagkahilo at iba pang epekto ng pills hanggang sa masanay ang katawan ko.

Ang pag-transition ay unti-unting pagkalap sa pira-pirasong bahagi ng pagkatao ko na pinunit at sinira ng mga taong ayaw akong makitang prinsesa, gaya ng mga step-sister ni Cinderella.

    Kaya hindi tamang sabihin na kaartehan ang pag-transition. Kasabay nito ang iba’t-ibang pakikialam ng ibang tao: ang pagkabigo ng pamilyang hindi ka kayang tanggapin, ang panlilibak ng mga hindi nakauunawa, ang pagtawa ng mga mapanghusga, at pagkamuhi ng mga taong galit lang talaga sa bakla.

    Ang prinsesang nakatago ay naka-baluti. Nakikipaglaban sa lahat ng gusto s’yang itumba. Kailangan n’yang patunayan ang galing n’ya sa lahat ng pagkakataon upang hindi s’ya pagtawanan, bagkus irespeto. Napakahirap makuha ng respeto ng ibang tao para sa pagkataong iyo naman talaga mula pa sa simula.

    Sa wakas! Tapos na ang pakikidigma. Naibalik ko na ang aking katawan na para sa aking kaluluwa. Hindi ko na muling itatago ang pagiging prinsesa. At dahil sa lahat ng ipinanalo kong digmaan, tama lang naman na tanghaling reyna, hindi ba?

    Sa huli, ang gusto ko lamang naman ay wala nang magsabing may mali kapag sinabing babae si Toto. Walang mali kay Toto. Ako po si Toto, at babae po ako.



***


Ang ilang bahagi ng kwentong pambata ay halaw sa danas ni Jek Dela Cerna, 
isang prinsesang dati’y nakatago, 
ngayo’y isa nang reyna, 
babae, 
at walang mali sa kanya.



Photo: Pageantology 101
Jek Dela Cerna, Queen of Hey Pretty 2022
Gown and Makeup: Eyhel Delloson




Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.








No comments:

Post a Comment