Monday, November 7, 2022

Bakit Hindi Lumayas Si Elisa Magbanwa


Bakit Hindi Lumayas Si Elisa Magbanwa




    Tahimik ang gabi sa presinto. Curfew lang madalas ang problema sa lugar, kaya naman iilan lang ang mga panggabi. Gaya ng mga ibang gabi, tutok muna sa mga report ang kapulisan hangga’t walang kailangang respondehan.

    Tumunog ang telepono. Isa pang ring. Sa ikatlong ring ay sinagot ng naka-duty sa Municipal Tactical Operation Center ang tawag.

    “Hello!” halos sumisigaw na ang babae sa kabilang linya.

    “Pwede po ba kayong magpadala ng pulis dito?! 23 Waling-Waling St., Brgy. Sta. Ana. Pakibilisan po! Baka mapatay na po ‘yung babae! Nagbasag na po ng mga gamit yung asawa n’ya!” ani ng nanginginig na boses ng babae sa kabilang linya.

    Bumilis ang oras nang gabing ‘yon. Ang mga kamay ng orasan ay matulin na pinaikot ng buhay na kailangang isalba.


***


    Nakayuko na naman si Elisa. Ayaw na naman n’yang sagutin ang tanong sa kanya ng psychiatrist. Tila isang kulungan para sa kanya ang mga puting dingding ng National Center for Mental Health. At sa tuwing naaalala n’ya kung bakit s’ya naroon, lalo lang s’yang nangungulila kay Nilo.

    Nagsusulat sa notebook ang doktor, saka s’ya tumingin kay Elisa, “Elisa, uulitin ko ang tanong, ha?”

    Tumango si Elisa.

    “Kahit naaktuhan na si Nilo sa pambubugbog sa’yo at naospital ka nang dahil sa pananakit n’ya, bakit hindi mo itinuloy ang kaso? Nakakulong na s’ya, itutuloy mo na lang ang pagsasampa.”

    Sumagot si Elisa nang may pagtatanggol sa asawa, “Hindi nyo kasi kilala si Nilo. Mabuti s’yang tao. Mabuti s’ya sa mga kaibigan at kamag-anak n’ya. Lagi s’yang maasahan kaya s’ya ang laging hinihingan ng tulong kapag may problema ang mga kakilala n’ya. Ganun ang tiwala ng mga tao sa kanya. Kaya nga kahit nagsabi ako dati sa kaibigan ko nung unang beses n’ya kong sinampal, hindi s’ya makapaniwala. Kaya alam namin na nabigla lang s’ya. Hindi s’ya masamang tao. Hindi n’ya kailangan makulong nang dahil nagalit lang s’ya.”

    Napailing ang doktor.

    “Direkta nating sagutin ito, Elisa. Oo o hindi lang. Sinaktan ka ba ni Nilo?”

    “Opo,” mahina nyang sagot.

    “Naospital ka dahil doon?”

    “Opo,” mas humina pa ang kanyang sagot.

    “Alam mo ba na pwede kang mamatay sa pagkakataong ‘yon?”

    Panandaliang katahimikan. Makalipas ang ilang segundo, “Opo.”

    “Base sa lahat ng ‘yan, masasabi mo bang mabuti sa’yo si Nilo? Sa’yo, ha? Hindi sa ibang tao. Mabuti ba sa’yo si Nilo?”

    Nakabibingi ang pagtahimik ni Elisa.

    Ang doktor na ang sumagot, “Elisa, ang mabuting tao sa’yo, kahit magalit, hindi ka pagtatangkaang patayin. Hindi ka bubugbugin. Hindi ka gagawan ng masama. May kakayahan ang isang normal na tao na pigilan ang galit n’ya para hindi s’ya makapanakit ng iba.”

    Yumuko muli sa Elisa. Tila nahihiyang isinuklob ang mahaba nyang buhok sa kanyang mukha. Matapos ang isang buntong-hininga, nag-angat s’yang muli ng mukha.

    “Pero hindi naman nananakit si Nilo nang walang dahilan. Laging meron. Minsan, hindi ko lang talaga alam kung ano, pero meron. Saka bumabawi naman s’ya palagi. Pinararamdam n’ya sa ‘kin na totoong magbabago s’ya—na hindi na s’ya uulit. Minsan, nagseselos s’ya kasi may mga lalaking lumalapit. Normal lang ‘yun sa mga mag-asawa, ‘di ba?” Tila nagmamakaawa si Elisa sa pagsang-ayon ng doktor. Subali’t ibinalik nito ang tanong sa kanya.

    “Tama bang pagselosan ang magtataho na suki mo tuwing umaga dahil lang nakangiti ka noong nag-abot ka ng bayad?” Hindi sumagot si Elisa.

    “Tama bang sabihin n’yang nanlalalaki ka kaya patay ang cellphone mo? Noong nagpaliwang ka ba sa kanya na na-empty-batt ka, naniwala ba s’ya sa’yo?” patuloy na pagtatanong ng doktor.

    Hindi sinagot ni Elisa ang tanong. Bagkus, nagdagdag s’ya ng pagdadalihan para sa Nilo.

    “Minsan kasi nagkakamali rin ako,” patuloy na paliwanag ni Elisa. “Kasi ang tanga-tanga ko talaga minsan. Naiiwan ko kung saan ang cellphone ko o kaya naiiwan ko ang powerbank kapag lalabas ako. Eh, na-empty-batt ako kaya ‘di ko alam na tumatawag s’ya at hinahanap n’ya ko. Natural lang na magalit s’ya kasi nag-aalala s’ya, eh. Kasalanan ko ‘yon.”

    “Sinabi ba n’ya na kasalanan mo tuwing nagagalit s’ya?” Tumango si Elisa. “May mga pagkakataon din ba na hindi mo maalala ang sinasabi nya’ng kasalanang ginawa mo?” Tumango ulit si Elisa.

    “Ang tawag doon, gaslighting,” paliwanag ng doktor. “Pinaniniwala ka n’ya na ikaw ang may problema at dapat sisihin. Ginagawa ka n’yang makakalimutin, tanga, at hindi kapani-paniwala para sa sarili mo. Para ikaw mismo, magduda ka. Para sa kanya ka lang lagi maniwala at isisi mo ang lahat sa sarili mo,” mariin ang pagpapaliwanag ng doktor. Saglit s’yang tumigil sa pagsasalita at mahinahong kinausap muli si Elisa.

    “Hindi masama na makalimutan mo ang gamit mo o magkamali ka paminsan-minsan. Hindi kasi tayo perpekto. Hindi mo kailangang mabuhay sa takot na baka masaktan ka kapag nagkamali ka. Pero masama na punuin nya ng pasa ang katawan mo. Nag-aalala sya kamo na may mangyayaring masama sa’yo? Kaya ka n’ya binugbog at itinali ang kamay at paa nang dalawang araw? Hindi ba mas nakakapag-alala ang ginawa n’ya sayo?”

    Tumahimik muli si Elisa, tila naghahagilap ng dahilan na katanggap-tanggap para sa kausap n’ya. Sumagot s’yang muli matapos mag-isip.

    “Hindi ko alam kung bakit pero sigurado ‘ko stressed lang s’ya sa trabaho. Nakakapagod naman talagang magtrabaho, ‘di ba?” May paaalangan ang boses ni Elisa. Kahit si Elisa ay hindi kumbinsido sa kanyang tinuran.

    “Nalaman mo ba ang dahilan sa mga pagkakataon na hindi mo alam kung bakit s’ya nagalit?” patuloy na tanong ng doktor.

    Tumahimik ulit si Elisa. Dahan-dahan s’yang umiling.

    “Hindi s’ya nag-sorry ‘di ba? Hindi rin s’ya nagpapaliwanag. Parang wala lang nangyari. Tapos, bati na kayo ulit kung nasa mood na sya, tama?”

    Dahan-dahang tumango muli si Elisa.

    “Pero nung nakakulong kasi s’ya, sabi n’ya magbabago na kasi s’ya, eh” patuloy na pagdadahilan ni Elisa. Hindi na para sa kausap, bagkus para sa sarili.

    “Lahat naman ng nakakulong sasabihin ‘yun kung ang kapalit ay paglaya nila. Kaya nga s’ya laging nakakalaya, hindi ba?”

    Hindi na nasagot ang tanong na ito ng doktor, kaya inilabas n’ya ang photo album na matagal nang iniingatan ni Elisa.

    “Ang tyaga mo rin mag-ipon ng mga pictures. Puro travel pictures pa! Bakit mo pa pinapa-print? Pwede namang online mo na lang itabi ang mga pictures n’yo. Hindi pa masisira,” komento ng psychiatrist sa mga makukulay na larawan.

    “Mas madali ko kasing makuha sa tabi ng TV o ng kama. Kapag online kasi ang hirap hanapin sa social media lalo na kapag mahina ang internet ko,” ani Elisa na tila napapangiti sa pagkakita sa mga larawan.

    “Hindi ba dahil kinukuha ni Nilo ang cellphone mo kapag nag-aaway kayo?”

    “Oo, 'yun din,” kaswal na sagot ni Elisa na tila normal lang ang ganoong sitwasyon.

    “Tuwing kailan mo tinitingnan ang mga pictures nyo?” tanong ulit ng doktor.

    “Kapag gusto kong maalala lahat ng magandang pinuntahan namin. Yung mga kinain namin na bago sa panlasa ko, o yung pinakamasarap na ganitong pagkain na natikman ko. Kapag naaalala ko lahat ng pinuntahan namin, napapangiti ako. Alam ko na hindi ko kayang mawala sa ‘kin si Nilo. Kasi hindi ko naman magagawa ‘yun kung wala s’ya eh,” malamlam ang mga mata ni Elisa pero may kaunting ngiti sa sulok ng kanyang mga labi.

    “Marami pala kayong magagandang alaala ni Nilo. Alam mo ba na ang tawag d’yan ay trauma bonding? Lagi mong naiisip ang magagandang bagay sa tuwing malungkot ka. At dahil malungkot ka kapag nag-aaway kayo o kapag magkahiwalay na kayo, ang magagandang alaala n’yo ang pinipili mong isipin. Iyon kasi ang paraan mo para mapalubag ang loob mo. Pero hindi s’ya maganda kasi nakakalimutan mo ang mabibigat na dahilan para umalis ka,” paliwanag ng doktor.

    Nakatingin lang si Elisa sa doktor. Tila hindi matanggap na hindi pagmamahal ang nagpapabalik sa kanya kay Nilo.

    “Simplehan natin. Parang pag-inom ng pain killer ‘yan. Ang mga alaala na ‘yun ang pain killers mo. Kaya kapag masakit, saka mo sila binabalikan. Pero masama ang laging naka-pain killers. Kasi hindi nagagamot ang totoong sakit. Namamanhid ka lang hanggang sa sumuko na ang katawan mo dahil malala na,” Hinawakan ng psychiatrist ang isang kamay ni Elisa at marahang tinapik ito ng isa pa n’yang kamay.

    “Kaya ka nawalan ng malay sa presinto. Hindi na kasi kinaya ng katawan mo kahit gusto mo pang magtiis,” pagpapaalala sa kanya ng psychiatrist matapos ang huling pag-aresto kay Nilo.

    May inilabas na maliit na notebook ang doktor. May ipapabasa ako sa’yo tapos sabihin mo sa ‘kin kung ano dapat ang gawin ni Karen. S’ya yung may-ari ng diary.”

    Iniabot n’ya ang notebook kay Elisa, “Basahin mo ang page 7-9.” Saka tahimik s’yang naghintay na matapos ang pagbabasa ng kanyang pasyente.

    “Ano sa tingin mo ang dapat gawin ni Karen?”

    “Kailangan na nyang makipagbreak. Umalis na s’ya. Hindi kasi s’ya mahal nung boyfriend nya.”

    “Pwede mo bang basahin sa ‘kin ang part ng diary ni Karen na pinagbasehan mo ng payo mo sa kanya?”

    Marahang binuklat ni Elisa ang mga pahina ng diary. Huminto s’ya sa pagbuklat at saka nagbasa.

    “Nag-away kami gaya ng ibang mag-boyfriend, kaya ang sabi ko, magkita kami para magkaayos kami. Hindi ko kasi alam ang bahay ng parents n’ya. Ang alam ko lang, kung saan s’ya nagdo-dorm. Kaya mabilis akong nagpunta sa dorm kahit hindi ako marunong magbyahe. Nagtanong ako sa mga kakilala at nakipag-sapalaran bumiyahe papuntang Makati.

    Nagtext ako na nasa loob na ‘ko ng gate ng dorm, pero hindi raw s’ya papasok sa school kaya hindi s’ya pupunta sa dorm. Hindi ako naniwala. Alam ko kasing mahalaga sa kanya ang grades n’ya. Kaya naghintay ako hanggang inabot na ‘ko ng gabi. Kumain ako ng inilalakong tinapay para makapaghintay pa. Hanggang sa alas-onse na pala ng gabi. Nakatulog na ‘ko sa upuan sa labas ng dorm. Wala na ‘kong pakialam sa lahat ng dumadaan na nakatingin sa ‘kin na para bang pulubi ako. Sa wakas, nakita ko ang pamilyar na motor. Dumating s’ya kahit hindi n’ya ko nilingon.”

    umigil si Elisa sa pagbabasa at sinabing, “Paano mo magagawa ‘yun sa taong mahal mo?”

    Ngumiti lang ang psychiatrist. Saka s’ya ulit nagsalita. “Punta tayo sa page 20-22. Pakibasa mo nga nang malakas,” mahinahong utos ng doktor kahit alam na n’ya kung ano ang susunod na mangyayari. O dahil alam na n’ya ang susunod na mangyayari. Tumahimik muli ang psychiatrist at naghintay.

    Nagsimula muling magbasa si Elisa.

    “Hindi ko alam ang nangyari. Bigla na lamang s’yang tumalikod at ayaw magsalita. Kinulit ko s’ya para mag-usap kami. Ayaw kong matulog nang magkaaway kami, lalo na at hindi ko alam kung bakit.

    Sa pangungulit ko, bumangon s’ya at inabot nya ang bentilador. Ibinato sa pader. Nakalas ang mukha ng bentilador at naputol ang elesi. Napatayo ako at napaatras palabas ng kwarto. Humakbang s’ya palapit sa ‘kin at sinubukan kong tumakbo.

    Pero hinila n’ya ‘ko sa buhok. Bumagsak ako sa sahig. Tumama ang likod ko. Namilipit ako sa sakit. Hila ang buhok ko, kinaladkad n’ya ko mula kusina hanggang sa may pintuan. Saka n’ya ko pinagsusuntok sa braso habang nakatalungko ako sa sulok.

    Sigaw s’ya nang sigaw pero hindi ko na s’ya maintindihan. Ang alam ko lang ay masakit na ang katawan ko.

    Hanggang sa nakita kong nakabukas ang ilaw ng CR. Itinulak ko s’ya at saka ako tumakbo at nagkulong sa banyo. Yakap ko ang aking tuhod habang ‘nakaupo sa sulok ng banyo. Nanginginig ang mga kamay ko. Nangangatal ang panga ko at ayaw tumigil. Hindi ko alam kung makakalabas pa ‘ko nang buhay sa bahay namin.”

    Tumigil sa pagbabasa si Elisa. Tumulo ang luha n’ya. Nasundan ng paghikbi. Nanginginig na ang kanyang mga kamay kaya nabitawan na n’ya ang notebook. Matapos ang ilang sandali ng pag-iyak, saka sya nagtanong na tila bumubulong.

    “Bakit ito nandito?” tanong ni Elisa.

    “Sulat kamay ko ‘yan, pero ‘yan ang salaysay mo sa unang beses na hinuli si Nilo,” sabi ng doktor.

    Isang napakatagal at nakabibinging katahimikan.

    “Matapos ang pangyayaring ‘yan, maraming beses na rin n’yang sinabing magbabago na s’ya. Pero naulit pa rin nang naulit. Hanggang sa narito na tayo ngayon,” paliwanag ng doktor.

    “Elisa, pareho tayo ng payo sa mas batang Elisa. At hindi s’ya ibang tao sa Elisa ngayon na kausap ko. Hanggang ngayon, ganyan pa rin ang mundo mo hangga’t hindi mo pinipiling umalis sa siklo ng pananakit-paglalambing-pakikipagbati-at muling pananakit ni Nilo.

    Kailangan mong makita na nakakulong ka sa siklo na ‘yan. Kailangan mong makita ang mga rehas mo, at ang desisyon mo lang ang makapagpapabukas ng pinto para makalaya ka. Hindi ako. Hindi ang kaibigan mo. Hindi ang kahit na sino. Ikaw lang ang pwedeng makakita kung nasaan ang pinto at nasa iyo ang susi.”

    Natapos ang payo ng doktor subali’t hindi sigurado kung kayang gawin ni Elisa ang payo n’ya sa sarili.

    “Pero hindi naman s’ya araw-araw gano’n. Hindi naman araw-araw mahal mo ang asawa mo, ‘di ba?” sagot ni Elisa sa pagitan ng kanyang mga hikbi.

    “Hindi araw-araw mahal ang asawa, oo. Hindi mo rin naman mahal ang kapitbahay mo. Pero hindi mo naman sila susuntukin sa mukha dahil hindi mo sila mahal, hindi ba? Hindi kailangang araw-araw kang sinasaktan para masabing delikado ang buhay mo kapag kasama mo s’ya. Tandaan mong sa isang iglap lang nangyayari ang lahat ng pagpatay.”

    Sa pagtatapos ng ikalawang sesyon ni Elisa sa NCMH, walang kasiguruhan kung babalik pa s’ya para sa huling sesyon, o kung nauunawaan na n’ya ang kanyang sinapit. Ang katotohanan ni Elisa ay nakakulong sa mga masasayang alaala nila ni Nilo. Pawang mga panaginip na nakakulong sa salamin na hindi kayang basagin ng mga suntok at sipa ng kanyang asawa.

    Naglakad si Elisa palabas ng NCMH. Mula sa puting pasilyo natanaw nya ang pamilyar na motor sa may tarangkahan.


***



    Wala nang buhay si Elisa. Nakadilat ang mga matang tila hindi makapaniwala sa nagawa ng kanyang asawa. Nakahiga sa sahig na saksi ng lahat ng kanyang sinapit mula pa sa simula. Sa ngalan ng pagmamahal. Ng kasal. Ng pinagsamahan. Ng pagpapatawad.

    Nakatayo sa harap ng bahay nila Elisa ang isang reporter at walang emosyong nagsalaysay. Hindi naman kasi bago o kakaiba ang sinapit ni Elisa. Ayon sa UN, tinatayang isang babae o bata ang namamatay kada 11 minuto araw-araw. May mga ilang hakbang na rin na ginagawa ang lipunan ukol dito. Subali’t may kulang. May isang tanong pa rin na mahirap sagutin para sa marami na kung nasagot sana, buhay pa si Elisa.

    “Magandang gabi, mga kababayan. Narito po kami ngayon sa harap ng isang bahay sa Makati kung saan natagpuan ang duguang bangkay ng babaeng kinilalang si Elisa Magbanwa, 35. Ang asawa ay sumuko sa pulisya matapos nyang mapatay sa saksak ang kanyang biktima. Aniya, ito ay dahil sa sobrang galit nang sila ay mag-away. Ngunit ang naturang biktima ay may record na sa pulisya bilang isang survivor ng domestic violence at ang asawa ay paulit-ulit na nakakalaya. Muli rin silang nagbabalikan matapos ang ilang araw o buwan na hiwalayan. Narito ang hepe ng Makati Police Station 13 para isang maiksing panayam,” sabay baling ng kamera at mic sa matandang lalaking nakauniporme.

    “Hepe, sabi po sa ilang panayam sa mga kapitbahay, naaresto na po dati ang lalaki sa pambubugbog sa biktima. Nakukulong saglit pero nakakalaya ulit. Lilipas lang ang ilang buwan, at babalik ulit ang biktima sa bahay kung saan naganap ang krimen. Tapos ganoon ulit. Ano po kaya ang nangyari? Bakit po hindi natatapos ang siklo ng ganitong kaso ng domestic violence? Bakit hindi lumayas si Elisa Magbanwa?”

    Huminga nang malalim ang Hepe. “Ang kaso ni Elisa Magbanwa ay gaya ng marami sa mga narespondehan namin, ma’am—bihira ang tumutuloy sa kaso.Nagbabago kasi ang isip ng biktima kapag nakalipas na ang magdamag. Lalo na at nakakulong ang suspek. May naawa, para raw sa pinagsamahan, nagpatawad, tapos mababalitaan mo na lang, nagbalikan na. Hindi rin namin alam kung bakit bumabalik at hindi na lang tuluyang lumayas si Elisa Magbanwa.”


***



Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12.












*Naging inspirasyon nito ang drama na pinamagatang, "When the Weather is Fine" na hango rin sa isang nobela. Pasasalamat sa pagpapaunlak sa isang maiksing panayam ng kaibigang pulis ukol sa mga kaso ng domestic violence.*



No comments:

Post a Comment