Friday, October 26, 2018

Paanyaya




Nais ko lamang ibahagi ang aking sanaysay na nailathala sa INQUIRER.NET
Nawa'y inyong magustuhan. Salamat sa pagbabasa. 

Thursday, October 25, 2018

Mga Tulang Tahimik

"Dilim"

Niyayakap ng dilim
ang katahimikan
sa pagkakataong walang imik

tulad ng pagdampi ng kamay
sa puke ng walang malay

tulad ng paghaplos sa hita
ng walang muwang na bata

tulad ng mariin na pagdikit
ng unahan sa likuran

tulad ng pagsagi ng siko
sa tagiliran ng suso

tulad ng pagtitig, pagkindat,
pagdila at pagsipol

tulad ng pagkomento
sa katawan ng kahit sino

tulad ng pagsasalsal
sa larawang ‘di idinulot sa’yo

Walang imik ang pagkakataon
nang katahimikan na ang nagpayakap
sa dilim.

***

"Kapangyarihan"

Sinusukat ng kapangyarihan
maging ang ating pagkatao
sa kung sino ang tatapakan
at kung sino ang irerespeto

Sa lipunan ng mga lalake
nangingibabaw ang pagpuputa
nang makaamot ng kaunting
kapangyarihan si Eba

Ngunit hindi lahat ng puta
ay sumisingil ng pera

Mayroong para sa pag-ibig
Mayroong para sa diploma
Mayroong para sa ikabubuhay
Mayroong para sa karera

Ngunit hindi lahat ng puta
ay binabayaran ng pera

May ginagahasa ng asawa
May pangakong nagmistulang bula
May kahubdang ibinalandra
May paulit-ulit na sinasamantala

Subali’t ‘di na puta ang ngalan
ng laman na ‘di binabayaran
Malinaw na pananamantala
ng kapangyarihan sa kahinaan.

***

"Laman"

Ang laman ng lalake
ay walang kaibahan
sa laman ng babae
maging ang kahubdan

Walang kasarian,
ang laman,
ang libog,
ang krimen ng laman.

Walang tatak ang laman
ng kung sino’ng may-ari
kaya’t walang kasarian
ang hayok na lalapastangan

Ang laman ay sinusukat,
tinitimbang,kinukurot
pinipisil, nilalapirot
ngunit hindi binibili.

Walang kasarian ang laman,
may edad man o kabataan,
at ‘di na tao ang tingin sa atin,
bagkus tingi-tinging kasangkapan.


Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2018 sa Tula








Monday, October 22, 2018

Buhatin Natin Ang Buwan

      “Hinihila ko na lamang ang buwan na ‘to,” sabi ni Tatay kay Nanay matapos maghubad ng medyas na binutas na ng pagod at tagulumin. Marahil napakabigat ng buwan kaya ganoon na lamang ang pagod ni Tatay sa tuwing uuwi s'ya ng bahay.  Pinipilit man n'yang ngumiti sa tuwing s'ya ay dumarating at kami ay nagmamano sa kanya, bakas pa rin ang pagkahapo sa mga mata n'yang tila hindi nakararanas ng pagpikit.

Ngayon, ang mapungay na mata ni tatay ay malamlam na. Siguro dahil hindi namin s'ya nakakasama sa kwentuhan. Madalas kasi, paggising namin, nakapasok na sa trabaho si Tatay. Kapag umuwi s'ya nang hapunan, magpapahinga na s'ya matapos kumain. Buti na lang may hapunan. Nakakausap pa namin s'ya kahit saglit. Tuwing hapunan, nakikita ko ang maliliit na guhit sa gilid ng kanyang mga mata – kaunting senyales na nabawasan namin ang kanyang pagod.
“Tay, buhatin mo na lang po 'yung buwan. Mas mahirap po yata kapag hinihila lang,” sabi ko kay Tatay nang isang hapunan na napipikit na s'ya sa harap ng hapag-kainan. Napangiti si Tatay.
“Hindi pa kayang buhatin anak. Malayo pa kasi ang buwan. Hihilahin ko na muna. Kapag malapit na, kahit tumulong ka pa sa pagbuhat,” sagot ni Tatay.
“Opo, Tay! Pagtulungan po natin para hindi ka po masyadong napapagod.”
        Bigla akong napaisip. Natigilan.
        “Hindi po pala kita matutulungan, Tay. Hindi naman ako nakatatayo para buhatin ang buwan.”
        Nilapitan ako ni Tatay, iniharap n'ya sa kanya ang wheelchair ko. Hinawakan n'ya ng dalawang kamay ang dalawa kong binti na kaytagal nang nagpahinga.
        “Kaya mong gawin ang kahit anong gusto mo, anak. Walang pwedeng makapigil sa’yo. Bubuhatin natin ang buwan.”
        Mula noon, naniwala na akong kaya kong buhatin ang buwan.

Nang nalipat ang aming klase sa silid-aralan ng Agham, namangha ako sa nakasabit na mga makukulay na bilog.
“Planeta ang mga iyan,” sagot ni Ma’am Cruz sa akin nang itanong ko kung ano ang mga nakasabit sa kisame ng aming silid.
“Hayun ang Daigdaig, katabi ng buwan,” sabay turo ni Ma’am Cruz sa isang sulok malapit sa araw.
“Malapit lang pala ang buwan! Darating ang panahon, mabubuhat na namin s’ya ni Tatay!”
         Buong-buo ang aking pag-asa para sa nasabing pangarap. Napangiti si Ma’am Cruz.
“Pwede mo namang puntahan ang buwan kapag naging Astronaut ka.”
Bigla akong napaisip: kung napupuntahan pala ang buwan, hindi na s’ya kailangang hilahin. Mukha kasing mabigat. Pero bumalik sa akin ang lahat ng gabi na umuuwi si Tatay na pagod na pagod. Ilang medyas na ang paulit-ulit na nabutas, sinulsihan at nabutas hanggang sa hindi na kayang sulsihan pa. Ilang sapatos na ang paulit-ulit na idinidikit ng rugby ang swelas hanggang sa napunit na ang tagiliran nito. Ilang madaling araw hanggang maghapon, minsa’y magdamag pa nga, ang pinagtyagaan ni Tatay para lamang mailapit sa amin ang buwan. Nanlumo ako bigla. Sayang naman ang paghila ni Tatay. Baka sumama ang loob n’ya kapag nabalewala ang pagod nya, at nalaman n’yang kaya naman pala itong puntahan.
“Bubuhatin ko na lamang po ‘yun paglaki ko! May nakita po akong lalaking buhat ang Daigdig doon sa silid-aklatan. Kaya ko rin po iyon! Mas maliit naman po ang buwan!”
Lalo akong nabuhayan ng loob nang maalala ang imahe ng tinatawag nilang Atlas. Nagkaroon pa sya ng aklat! Tumawa si Ma’am Cruz sa aking determinasyon, at saka n’ya tinapik ang aking balikat.
“Kaya mong buhatin ang kahit na anong mabigat. Maniwala ka lamang.”

Lumipas ang panahon at napagtanto kong hindi naman talaga pwedeng buhatin ang buwan. Napagtanto ko rin na ang karaniwang tao ay pupuntahan na lamang ito kaysa buhatin. Hindi ko rin naging linya ang agham o baka dahil hindi rin namin kayang makapag-aral ako upang maging astronaut. Nasa mamahaling pamantasan kasi iyon. Bagkus na buwan, napagtanto ko na ang hinihila pala ni Tatay ay ang mga kargada sa malalaking truck na minamaneho ng katrabaho n'ya araw-araw. Pasan n'ya ang lahat ng dumaraan mula bagsakan ng mga paninda hanggang pamilihan. Araw man o gabi, hindi sya binibigo ng kanyang mga binti at braso. Tumigas na sa pagkakayukod ang likod n'yang pumapasan ng lahat ng bigat ng bigas, karne, prutas at kung anu-ano pa.

Sa paglipas ng panahon, liham na lamang ni Tatay ang tanging naiwan n’ya upang patuloy akong palakasin ng kanyang alaala. At sa tuwing ako’y pinanghihinaan ng loob, paulit-ulit ko itong binabasa.


Anak,
Pasensya ka na kung hindi ko nailapit sa iyo ang buwan. Alam ko naman na kaya mong buhatin ito kahit mag-isa ka lang. Pero hindi ko natapos ang paghila. Masyado pala itong mabigat. Patawad kung hindi ko naibigay sa iyo. Kapag malungkot ka, tingin mo ay mag-isa ka na lang, at ramdam mo ang pagpapahirap ng buhay, alalahanin mo ako. Hanggang sa huling sandali, sinikap kong ilapit ang buwan sa iyo. Malayo na ang narating natin mula nang nangarap tayo. Tapusin mo ang laban. Huwag kang susuko. Hinihintay ka ng buwan upang angkinin mo s’ya.
        Sa tuwing hinihila mo na lamang ang mga araw, subukan naman natin buhatin ang buwan.

Nagmamahal,
Tatay


          Pasan ko na ang buwan, 'Tay. Baon ko ang malamlam mong mga mata. Lumalakad ako, mabigat man ang mga hakbang, patungo sa buwan na pangarap nating dalawa para sa akin. Mahirap pala talagang pasanin ang buwan upang magpatuloy sa buhay. Maraming hindi maniniwala na kayang buhatin ang buwan. Maraming tatawa dahil hindi sila naniniwalang kaya ko sa kabila ng aking kakulangan. Maraming tao na sasakyan pa ang buwan na buhat ko upang sila’y makapagpahinga at ako na lamang ang mapagod. Marami silang hindi naniniwala at nananamantala.
         Mabuti na lamang at kahit mahirap buhatin ang buwan, pasan ito ng mga alaala mo upang patuloy akong akayin. Buhat ko na ang buwan, ‘Tay. Ngunit ang pagbuhat ko’y iba sa iyong pagpasan dito. Nakakulong man ako sa aking upuan, lumilipad ang aking isipan at bumubuo ng maraming kwento ng buhay. Kwento ng mga batang, tulad ko, nananaginip buhatin ang buwan kaysa puntahan ito.
         Sa lahat ng pawis at hindi pagbitiw sa akin, marami pong salamat. Itinuro n'yo po sa akin na maaaring abutin ang lahat kahit pa ako'y naiiba at iba ang aking paraan. Hindi ako susuko. Hanggang sa huli, bubuhatin ko pa rin ang buwan na tinatanaw at pinupuntahan lang ng karamihan.





Ito ang lahok sa Saranggola Blog Awards 2018 Kwentong Pambata







Thursday, October 4, 2018

Hindi Ako Minahal ni Papa

   Sabi nila pamilya kami. Iyon ang tawag nila sa akin, kay Mama at kay Papa.

   "Lea! May pamilya ka na pala! Kumusta?" tanong ni Ka Mitring kay Mama. Siya ang labandera nila Mama noong dalaga pa raw s’ya. Ngayon, magaling nang maglaba si Mama kaya hindi na raw n’ya kinuha si Ka Mitring. Tinanong ko si Mama kung ano ang ibig sabihin ng pamilya.

   Sabi n’ya, "Parang tayo ng Papa mo."

   Matagal ko rin ‘yon inisip. Siguro Mama, Papa, at anak ang ibig sabihin ng pamilya. Siguro dahil pare-pareho kami ng apelyido. Kaya rin siguro kami pare-pareho ng kulay ng damit kapag nagsisimba. Pare-pareho kami sa maraming bagay. Ganun yata ang ibig sabihin ni Mama.

   Sobrang bait ni Mama. Lagi n’yang pinagsisilbihan si Papa. Nakikita ko kung paano n’ya asikasuhin si Papa kapag umuuwi ito galing sa sideline nyang trabaho o kaya naman ay sa bar. Madalas, sa bar. Hindi ko alam kung ano ‘yong bar, pero mukhang nakabubusog ‘don. Kasi sobra-sobra ang kinakain ni Papa, isinusuka na n’ya tuloy pagdating sa bahay. Pero si Mama, ‘di s’ya pinababayaan. Linis dito, linis doon. Pupunasan n’ya si Papa, saka bibihisan. Pagkatapos n’on, magmamahalan sila ni Papa bago matulog. Tapos kapag naririnig ko na ang hilik ni Papa, sasabayan na ito ng paghikbi ng Mama ko.

   Hindi ko alam kung bakit umiiyak si Mama. Minsan, tinanong ko siya kung bakit s’ya umiiyak sa gabi. Natigilan s’ya saglit, saka s’ya nagpaliwanag. Ang sabi n’ya, inuunahan na raw n’ya ang paparating na sakit para sa kanya na pumunta at hindi na sa akin. S’ya na lang daw ang iiyak kaysa ako. Tinatawag pala ng mga iyak ni Mama ang sakit na pwede naming maramdaman ni Papa. Napakabuti n’ya talaga. Kaya naman sa tuwing nagkakasugat ako o masakit ang ngipin ko, pupunta ako kay Mama. Hindi pa n’ya tinatawag ang sakit para pumunta sa kanya, kaya inihahatid ko na lang. Hahalikan n’ya ang masakit sa akin at mabilis na mawawala! Sa gabi, maririnig ko ang pag-iyak n’ya. Hanggang sa mas napapadalas na ang pag-iyak ni Mama. Kahit habang nagluluto o naglalaba s’ya. Sorry, Mama. Ayaw ko kasi ng sakit kaya ibinibigay ko lahat sa’yo. Sabi n’ya marami daw kasing masakit sa katawan ni Papa gawa ng pagtatrabaho n’ya. Kaya si Mama na ang bahalang sumalo ng mga sakit na iyon.

   Napakalakas ni Mama. Kinakaya n’yang saluhin lahat. Sinasalo n’ya lahat ng sakit para makapasok sa trabaho si Papa kinabukasan. Kaya napagdesisyunan ko, hangga’t maaari, ‘di ko na daragdagan ang sakit n’ya. Natuto akong ‘di umiyak at balewalain ang sakit ng mga sugat ko. Binubuhusan ko ng alcohol hanggang sa mamanhid na sa sakit. Malamig ang alcohol. Saglit lang ang kirot kahit pa abot langit, tapos lilipas din. Para kay Mama, magtitiis ako.

   Sana ganun rin kabilis mawala ang sakit kapag minamahal ni Papa. Mahal ni Papa si Mama. Palagi. Ako rin mahal ni Papa pero minsan lang n’ya ko minamahal. Kaya ang madalas na ginagawa n’ya kay Mama sa gabi, ginagawa rin n’ya minsan sa akin sa umaga kapag wala si Mama. Minsan nga may kasamang pinsang babae si Papa sa kwarto at ganoon rin ang ginagawa nila. Tapos minsan may baon pa silang alak at pang-ineksyon. Siguro may sakit ang mga pinsan ni Papa at kailangan nila ng gamot. Mapagmahal ang Papa ko. Marami syang kayang mahalin na pinsan n’ya. Siguro nalulungkot din sila kaya lumalapit sila kay Papa para mahalin sila.

   Kabaligtaran naman si Mama. Nalulungkot s’ya lagi matapos nilang magmahalan ni Papa. Siguro dahil masakit. Alam ko na masakit iyon kasi kahit ako nasasaktan. Kapag naiiyak ako sa sakit, sasabihin ni Papa masakit daw talaga magmahal kaya tiisin ko lang. Naririnig ko nga iyon sa mga kapitbahay naming kabataan. Masakit nga raw magmahal. Kaya naman hindi na ako umiiyak kapag minamahal ako ni Papa. Pinipiit ko ang pag-iyak kasi baka malaman ni Mama, tapos gaya ng lagi n’yang ginagawa, saluhin na naman niya ang lahat ng sakit. Ayoko nang makadagdag pa sa sakit na iniinda ni Mama.

   Ngunit isang araw, hindi ko na talaga kaya ang sakit. Umiyak ako nang umiyak nang makita kong may dugo na ang higaan ko matapos akong mahalin ni Papa. Hindi rin alam ni Papa ang gagawin n’ya. Nagmamadali syang nagbihis at umalis ng bahay! Takot na takot akong naiwang mag-isa, puro dugo. Hindi ko na muling nakita si Papa mula noon. Natakot din siguro s’ya sa dugo. Nasira na ang aming pamilya. Minsan iniisip ko kung dapat bang hindi ako umiyak. Baka sakaling kasama pa namin si Papa ngayon.

   Tumayo ako mula sa pagkakahiga at dahan-dahan akong pumunta sa pintuan.

   “Tulong! Tulungan n’yo po ako,” sigaw ko sa mga kapitbahay.

   Nakita kong tumatakbo papunta sa akin ang ilang mga kapitbahay, saka nagdilim ang paligid. Hindi ko na alam kung ano ang sumunod na nangyari.

   Nagising ako sa kwartong puti. Naroon si Mama at namumugto ang kanyang mga mata. Siguro alam na n’ya ang tungkol sa sugat ko.

   “Sorry, Mama. Umalis si Papa dahil sa akin.” Naiiyak na ako ngunit pinipigilan ko pa rin ang aking luha.

   “Hindi ka dapat mag-sorry. Anong ginawa ng Papa mo?” halos tumaas ang boses ni Mama sa pagtatanong niya.

   “Minahal lang naman po ako ni Papa. Masakit po raw talaga magmahal, sabi nya. Natakot lang po talaga ako dahil hindi ko alam na may dugo kapag minamahal ka. Dati naman po kasi masakit lang. Walang dugo,” pangangatwiran ko.

   Natigilan ang Mama ko. Ilang segundo s’yang hindi nakapagsalita. Titig na titig s’ya sa akin. Tumulo ang luha sa mga mata n’ya nang hindi kumukurap.  Saka n’ya ako niyakap nang mahigpit. Marahil masakit sa kanya ang pagkawala ni Papa.

   Nagulat na lang ako sa sumunod n’yang sinabi: “Anak, hindi tayo mahal ng Papa mo. Ginamit n’ya tayo. Magkaiba iyon.” Niyakap n’ya akong muli at saka umiyak nang umiyak si Mama. Inaako na naman n’ya ang lahat ng sakit. Hindi ko pa rin alam kung paano nasabi ni Mama na hindi kami minahal ni Papa. Hindi panaginip ang dugo ko.

   Sabi ni Mama nasa ospital kami dahil tinitingnan ng mga doktor kung maayos ang lagay ko. Tingin ko ayos naman ako. Kinuha na lahat ni Mama ang sakit. Nagtaka nga ako nang may dumating pang mga babaeng tutulong daw sa amin ni Mama. Pupunta daw sila sa prisinto. Kung saan man iyon, hindi raw ako isasama ni Mama, baka raw matakot ako.

   Bagkus, nagpunta kami ni Mama sa isang klinika. Kukuhanan daw ako ng dugo para malaman kung may sakit ako.

   Sabi ko, “Kinuha na po ni Mama lahat ng sakit ko. Huwag na po kayong mag-alala.”

   Nginitian lamang ako ng babaeng may hawak na pang-ineksyon.

Matapang na ako. Kahit may alcohol ang bulak na inilagay sa sugat ko matapos akong tusukan ng hiringgilya, hindi ako umiyak. Tingin ko pambabaeng klinika ang pinuntahan namin ni Mama kasi may pink na nasa dingding ng klinika.

   Nang bumalik kami ni Mama sa klinika, napaluhod na lamang s’ya nang binasa n’ya ang resulta.

Sabi ng babaeng nag-abot ng papel, “Ikinalulungkot ko misis. Positive din po ang anak n’yo.”

Ang alam ko kapag positive, mataas ang grade ko. Kaya naguluhan ako sa nangyari. Tinanong ko Mama kung bakit s’ya umiiyak.

   Sabi n’ya, “Ang ibig sabihin ng positive ay meron kang sakit. Ako rin meron. Nakuha natin s’ya dahil ginamit tayo ng Papa mo. At kapag ang isang lalaki ay nanggagamit ng kung sinu-sinong babae, pwede s’yang magkasakit. At pwede n’yang maipasa ang sakit na iyon sa iba. Kaya tandaan mo: hindi tayo mahal ng Papa mo. Ang lalaking tunay na nagmamahal, isa lamang ang babaeng minamahal. Ang lalaking hindi pa handang magmahal ngunit may respeto sa iba ay hindi hahayaang mahawa o makahawa s’ya ng sakit. Kahit respeto sa atin ay wala si Papa mo. Walang kahit na sinong lalaki ang may karapatang gawin sa’yo ang ginawa ng Papa mo. Ang tawag doon ay pang-aabuso.”

   “Opo, Mama,” kiming sagot ko habang nangingilid ang aking luha.

   “Hindi tayo minahal ni Papa. Inabuso n’ya tayo,” wika ko nang buon kasiguruhan.

   “Kailangan ba nating maospital, Mama?,” tanong ko.

   “Lagi lang tayong kokonsulta at iinom ng gamot. Kapag lagi nating ginawa ‘yon, hindi tayo makakahawa. Huwag kang mag-alala, anak. Katulad ng ibang batang walang sakit, mararanasan mo pa rin ang iyong kabataan. Pangako ko iyan.” Gaya nang dati, si Mama pa rin ang bahala. At kampante na ako roon. Noon ako naliwanagan sa totoong ibig sabihin ng pamilya. Ang siyang nagmamahalan ang siyang tunay na pamilya. At iyon ay kaming dalawa ni Mama.


***



 Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2018 Maikling Kwento