Showing posts with label tula. Show all posts
Showing posts with label tula. Show all posts

Thursday, October 25, 2018

Mga Tulang Tahimik

"Dilim"

Niyayakap ng dilim
ang katahimikan
sa pagkakataong walang imik

tulad ng pagdampi ng kamay
sa puke ng walang malay

tulad ng paghaplos sa hita
ng walang muwang na bata

tulad ng mariin na pagdikit
ng unahan sa likuran

tulad ng pagsagi ng siko
sa tagiliran ng suso

tulad ng pagtitig, pagkindat,
pagdila at pagsipol

tulad ng pagkomento
sa katawan ng kahit sino

tulad ng pagsasalsal
sa larawang ‘di idinulot sa’yo

Walang imik ang pagkakataon
nang katahimikan na ang nagpayakap
sa dilim.

***

"Kapangyarihan"

Sinusukat ng kapangyarihan
maging ang ating pagkatao
sa kung sino ang tatapakan
at kung sino ang irerespeto

Sa lipunan ng mga lalake
nangingibabaw ang pagpuputa
nang makaamot ng kaunting
kapangyarihan si Eba

Ngunit hindi lahat ng puta
ay sumisingil ng pera

Mayroong para sa pag-ibig
Mayroong para sa diploma
Mayroong para sa ikabubuhay
Mayroong para sa karera

Ngunit hindi lahat ng puta
ay binabayaran ng pera

May ginagahasa ng asawa
May pangakong nagmistulang bula
May kahubdang ibinalandra
May paulit-ulit na sinasamantala

Subali’t ‘di na puta ang ngalan
ng laman na ‘di binabayaran
Malinaw na pananamantala
ng kapangyarihan sa kahinaan.

***

"Laman"

Ang laman ng lalake
ay walang kaibahan
sa laman ng babae
maging ang kahubdan

Walang kasarian,
ang laman,
ang libog,
ang krimen ng laman.

Walang tatak ang laman
ng kung sino’ng may-ari
kaya’t walang kasarian
ang hayok na lalapastangan

Ang laman ay sinusukat,
tinitimbang,kinukurot
pinipisil, nilalapirot
ngunit hindi binibili.

Walang kasarian ang laman,
may edad man o kabataan,
at ‘di na tao ang tingin sa atin,
bagkus tingi-tinging kasangkapan.


Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 2018 sa Tula








Friday, November 4, 2016

Para sa Kapilas ng Aking Langit



Mahalin mo ako gaya ng langit
na sa una mong pagsilip, sayo’y nagpapapikit
maliwanag at nakasisilaw sa iyong balintataw
ngunit langit pa rin sa iyong pananaw

Gaya ng umagang gigising sa iyong tabi
pagmamasdan ang iyong paghinga, ang iyong labi
na kay sarap bakasin ng dulo ng aking daliri
habang iginuguhit ko sa isip ang iyong pagngiti

Mahalin mo ako gaya ng langit
na iyong tinitingala sa kabila ng pagkabigong paulit-ulit
sa mga pangarap kong hindi ko maitawid-tawid
yakap ako sa paghikbi, nariyan ka, walang subalit

Gaya ng kung paano mo 'ko minamasdan 
hanggang sa ang ating mga tingin ay magkahiyaan
sa pagitan ng gabi at umaga, naroon ka, humahanga
hindi mo ikinukubli ang pag-ibig sa iyong mga mata

Mahalin mo ako gaya ng langit
kung saan ang ulap ay sumisipol ng ating mga awit,
sumasayaw at gumuguhit ng ating mga larawan 
na hangad mong pagmasdan habang nakahiga sa damuhan

Gaya ng pagsipol mo ng mga tonong nais mong aking lapatan
ng mga salitang alam mong ikaw lamang ang laman
lumilikha ng musika na kapwa puso’y matatandaan
lumipas man ang panahon, ang mga ulap, sa ating pagitan

Mahalin mo ako gaya ng langit
na kahit sa gabi, sa isipa’y hindi mo maiwaglit 
gaya ng pangarap mong ako’y hagkan 
sa ilalim ng ambon at liwanag ng buwan

Gaya ng paghalik mo sa aking kalungkutan
yayakapin ako at ang aking kaibuturan
saksi at hindi bibitiw anuman ang hantungan
dahil lahat ng kasiyahan, ikaw lang ang pag-aalayan

Mahalin mo ako gaya ng langit
na may amihang yumayakap sa bawat pintig ng pag-ibig
nagpapalipad ng aking isipa't ulirat sa himpapawid
wari’y habagat, daluyong na hinahagip ang aking dibdib

Ngunit ako’y gigising sa aking pananaginip,
dahil ang langit ko, kapilas ka man, hindi mo pa batid.


Wednesday, November 2, 2016

Sa Dulo


Sa lahat ng pagitan na pilit mong tinatawid,
at lahat ng pangarap na pilit mong kinakamit,
heto ang aking kamay, kapit lang hanggang paalam,
dahil hindi nagtatagal ang kahit anong ugnayan.

Sa dulo ng kwento, mag-iisa at mag-iisa ka lamang.

Natatakot ka ba sa bukas na hindi mo makita?
O sa ngayon na makikita sana pero ikinukubli ng iba?
Nabubuhay ka pa ba sa anino ng kahapong ibinaon,
kahit pinili mo na ang dilim nang tuluyan itong ikahon?

Sa dulo ng kwento, parehong may liwanag at anino.

Sa dulo ng kwento, meron lang ikaw o ako. Walang tayo.

Tuesday, November 1, 2016

Panaginip

Bumibilang na ng araw at gabi,
ang iyong magdamag sa aking tabi.
Nakakabisa ko na ang iyong kwento,
mga alaalang pumupuno sa puso mo.

Palagi ko man pilitin ika'y abutin,
sa panaginip ay lagi lamang nagigising.
Ang nagbubukas ng araw ay 'yong tinig
sa paulit-ulit na awit ng pag-ibig.

Sa wakas, may larawan na!
Ika'y nagkaroon na ng mukha.
Sa aking harapan, marahang nagsalita.
Sandali'y saglit pinatigil ng kaba.

Naging bahagi ako
ng iyong mundo
Sa isang sulyap,
sa isang pag-uusap,
sa isang pagtango,
at isang ngiting kabado.

Dumagdag sa mga piraso
ng kung sino ka nga ba
Kulang man para mabuo,
kulayan natin ng pag-asa.

Muling pagkikita'y hihintayin na lang,
sa pagitan ng unan at kawalan.
Nawa'y mahanap nang tuluyan,
bahaging nawawala sa ating larawan.

Muling Magsisimula


Babalik kung saan ang lahat ay nawawala:
Ang mga ngiti sa likod ng bawat katagang pinadala
Mga damdaming pinalipad ng mga letra at musika
Umawit at nagpatahimik sa pusong nababahala
Ng takot na muling masaktan at umasa
Ang ninais lamang ay ang hahabi ng aking mga salita
Sa ritmong puso mo ang maglalapat at kakanta

Dahil ako ay ang aking tula
Dahil ikaw ang aking musika
Nang ang ating akda ay naging isa.

Babalik na ako kung saan ang lahat ay nawawala:
Kasabay ang pagpatak ng luha sa panatag na lawa
Aagos ang alaala ng saglit na pagkakaunawa
Sa kung sino'ng mahal, mahalaga at tama
Aanurin ng marahan, papalayo, saka muling magsisimula
Dahil ang damdamin ng tula at musika ay hindi nagtutugma.

Tuesday, October 25, 2016

Kabalintunaan

Tula ng Pag-ibig: Pag-ibig sa Tula 

May pag-ibig sa tula.
Mamahalin ka
matapos mong ibigay
ang iyong buong puso
sa bawat kataga,
sa bawat pyesa,
sa bawat konseptong
niyakap at iniukit sa alaala.

Magmamahal na lamang ako ng tula.

May pag-ibig sa pag-iisa,
matapos mong paglaanan
ng panahon ang kalungkutan,
na bumalot sa iyo nang
ika'y nakikipagbuno
sa mga demonyo
ng nakaraan:
yaong umuungkat
ng ibinaon mo nang sakit,
yaong tumutuklap
sa langib ng mga sugat,
yaong kumukurot
sa pilat na kumikirot
sa bawat yakap.

May pag-ibig sa pag-iisa.
Gaya ng pag-ibig na dulot ng tula.
       
***


Tula ng Pag-asa: Pekeng Alapaap

Hindi na nagungusap ang mga mata
Hindi na saya ang bumabalot sa kanila
Sa bawat tingin mo, hindi na nalulusaw
Hindi na tumitibok ang pusong nauuhaw

Hindi na hinahaplos ng iyong mga labi
ang kasawian ng mga halik na may pagsisisi
ng mga yakap na hindi na umiinit
ng lahat ng ikaw na binabawi kong pilit

Yayakapin ka ng mahigpit, kakapit
sa pag-ibig na dumudulas, kumakalas

Haharap sa salamin, saka muling magsisinungalin
saka muling kakabigin ang tali ng damdaming
'di mabitiw-bitiwan ng alaalang umaalipin

Nabubuhay sa pangarap na muling mananaginip
gaya ng pagpapanggap na ang hangin ay umiihip
sa pekeng alapaap, sa nagkukunwaring langit
nalulunod na sa luhang nagtatanong kung bakit

Hanggang kailan kakapit sa nakaraan?
Ang kwentong 'di matapos sa malamig na paglisan,
Laging bumabalik sa dulo ng sinimulan.

           ***


Tula ng Pananampalataya: Panginoon

Sa pagpatid ng tali sa leeg at kamay,
unti-unti na nating makakalas
ang mga kadena ng bolang bakal sa mga binti.
Matagal na tayong itinali
at pinakakain ng kanilang mga itinatapon.
Taga-konsumo
ng mga bagay na pinagkakakitaan ng imperyo.
Tayo ang merkado
na kanilang binebentahan ng lahat ng produkto:
mga bago,
may depekto,
mga sobra,
mga luma,
at kahit mga damit na ibinasura na;
mga armas na walang bala,
dahil ang bala ay sa kaaway ibinebenta,
nang ang kalakal ay magpatuloy
at hindi mawalan ng pangangailangan.
Negosyo ang giyera.
Ninegosyo ang giyera.
Kasabay ng kanilang tUbo
sa larawan ng babaeng pinuputa.
Patuloy tayong ibinabaon sa
konsumerismo ng mga bagay na galing sa kanila
mula kape hanggang pelikula
kahit ang mga produkto natin
ay kayang mamayagpag sa ibang bansa.
Walang kakumpitensya
kaya naman sa kanila
ang monopolyo.
Tayo
ay mga dagang tumatakbo
sa karerang sila ang bumuo,
at umiikot ang pera ng tao
patUngo sa kanilang mga bulsa,
nabubusog habang tayo'y nagugutom dahil sa
imperyalismo
na bumuo ng imperyong
may mga panginoong maylupa
na patuloy na inaalipin
ang taong sa ati'y nagpapakain,
inaangkin ang atin,
upang sila'y patuloy sa pagkain
ng hindi nila pinagpaguran,
bagkus ay kinamkam lamang.
Pinayakap sa atin ang kaisipang
tayo ay tamad
kaya tayo hindi umuunlad,
upang hindi tayo magtaka
kung bakit sa ating pagpapakahirap
ay hindi tayo makaangat-angat.
Tayo ay hinati-hati
upang patuloy na maghilahan gaya
ng ginagawa ng marami 
na bagkus tumulong
ay patuloy na sinisiraan
ang gobyernong
pinipilit itayo ang dignidad ng isang bansang
matagal nang kolonya at may pekeng kasarinlan.
Nakakatawa na
ang sumisigaw ng 'gutom' 
ay ang mga taong may ipon,
at mga taong kumakayod
ng isang kahig at isang tuka
ay hindi nagrereklamo.
Bakit?
Dahil wala nang ikagugutom pa
ang mga taong nagugutom na
sa matagal nang panahon.

***

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 8