Showing posts with label buhay. Show all posts
Showing posts with label buhay. Show all posts

Monday, December 30, 2013

Hindi Lang New Year's Resolution ang Pwedeng Ihanda sa Bagong Taon

Sa paglipat ng bagong taon, hindi naman nawawala ang mga pamahiin, pangako ng panibagong simula, paniniwala sa swerte at pag-iwas sa malas. Wala namang masama sa lahat ng ito. Huwag lang natin kakalimutan ang nagdaang taon. Sakit na kasi ng mga Pinoy ang pagkalimot---kung paano nakalimutan ang Hacienda Luisita case, ang Hello Garci scandal, at Maguindanao massacre. Ok, 'wag pulitika. Marami tayong nakakalimutan: pamilya, magsaya, matuto sa pagkakamali, at minsan nakakalimot na pati sa sarili. Huwag natin kalimutan ang 2013.


Heto ang pwedeng gawin maliban sa maglista ng new year's resolution---ilista ang lahat ng natutunan natin sa nagdaang taon: pagkakamaling hindi na gagawin, mga napagtanto mo, mga aral na sapilitang pinapulot sayo ng mga pagkakamali mo at marami pang iba. Uunahin ko na ang listahan ko.

Dear Jem, 
  1. Masayang maglakwatsa kapag marami kang kasamang kaibigan.
  2. Dapat bino-block ang mga lalaking committed at nanlalandi.
  3. Ang bumabalik na ex ay nakikipaglandian lang.
  4. Yumakap ng isang mahalagang tao kada araw para hindi ka malungkot.
  5. Ang trabaho ay hindi nauubos kaya dapat mag-recharge.
  6. Makipagkilala sa mga bagong kaibigan at palawakin ang mundo mo.
  7. Laging may taong naghihintay na mapakinggan mo pero huwag araw-arawin ang Starbucks dahil magiging acidic ka na naman.
  8. Maging blessing para sa lahat ng makakahalubilo mo.
  9. Dapat alam mo kung ano ang gusto mo at matuto kang panindigan 'yon.
  10. Kailangan mo ng love life maniwala ka man o hindi.

Lovelots,
Jem 2014

Ok na siguro ang sampu. Mahina ang memory ko eh. Ikaw, ano ang sa'yo?

Thursday, December 12, 2013

Babangon ka ba? Bakit?



Bakit ka bumabangon?

Narinig mo na 'yan sa commercial, di ba?
Pero napakasarap isipin kung bakit nga ba. Dahil kasunod ng tanong na ito ang muli mong pagbilang ng mga biyaya at responsibilidad na meron ka sa panibagong araw.



Bakit ako bumabangon?
Marami akong dahilan:



  • Maging ina sa aking nag-iisa at pinakamamahal na AJ. Kailangang bumangon para kumita ng sapat at mapagtapos s'ya sa magandang eskwelahan. Kailangan ko rin maging ina mula sa paggising ko sa tabi n'ya hanggang sa paghimbing niya sa tabi ko pagsapit ng gabi. Siya ang literal at malalim na dahilan ng pagbangon ko.
  • Maging biyaya sa ibang tao. Sa lahat aking ginagawa, hangga't maaari, nais kong maging dahilan para magpasalamat sa Diyos ang iba. Minsan nga, sa dami ng gusto kong gawin, nauubusan na ko ng oras para sa iba. Hindi rin naman ako perpekto. Alam kong kahit may intensyon akong maging mabuti sa lahat, dumadating din ang topak ko. Sa mga ganoong pagkakataon, umaasa na lamang ako sa pang-unawa ng aking mga tunay na kaibigan.
  • Makabawi sa lahat ng kabutihan ng mga magulang ko sa akin. Bilang bunso at babae, inako ko na ang responsibilidad ng pagiging ulirang anak hanggang sa huli. Tingin ko naman, hindi lang ako ang ganun. Ugaling Pinoy naman kasi ang pag-aaruga sa magulang lalo na sa panahong kailangan na nila ng mag-aasikaso sa kanila.
  • Makakilala ng mga bagong kaibigan. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon makakilala ng maraming kaibigan noong hayskul at kolehiyo, kaya naman ang bawat kaibigan ko matapos akong mag-aral ay bahagi ng mga natatanging tao sa buhay ko. Iilan lang kasi ang mga naging kaibigan ko nung bata-bata pa 'ko. Mga 10. hehe. Ngayon, mga 20 na. haha. Ewan ko ba. Mahiyain lang yata talaga ako. O kaya dahil ang first impression ng aking mga kakilala ay snob daw ako. Hindi po 'yon totoo. Hindi lang talaga pantay ang kilay ko. 
  • Matuto. Sa sitwasyon, sa problema, sa paglalakbay, sa pagbabasa, sa pakikisalamuha, sa lahat ng ginagawa natin sa araw-araw, lagi tayong may matututunan. Minsan may pagka-tanga lang tayo kaya hindi natin agad makita yung aral sa bawat sakit, saya, o kawalan. Pero meron 'yun. Minsan kailangan mo lang talagang pag-isipan kung ano.












  • Maging dahilan ng pagbangon ng iba. Kung marami na akong dahilan para bumangon at tingin ko'y sapat na ang mga iyan, nararapat lang na pati ang iba bumangon rin na kasing sigla ko. Sa abot ng aking makakaya, nais ko rin maging dahilan ng pagdilat, pag-iinat at pagbangon ng mga taong kayang abutin ng aking ngiti. 

Ikaw? Bakit ka bumabangon?