Bakit ka bumabangon?
Narinig mo na 'yan sa commercial, di ba?
Pero napakasarap isipin kung bakit nga ba. Dahil kasunod ng tanong na ito ang muli mong pagbilang ng mga biyaya at responsibilidad na meron ka sa panibagong araw.
Bakit ako bumabangon?
Marami akong dahilan:
- Maging ina sa aking nag-iisa at pinakamamahal na AJ. Kailangang bumangon para kumita ng sapat at mapagtapos s'ya sa magandang eskwelahan. Kailangan ko rin maging ina mula sa paggising ko sa tabi n'ya hanggang sa paghimbing niya sa tabi ko pagsapit ng gabi. Siya ang literal at malalim na dahilan ng pagbangon ko.
- Maging biyaya sa ibang tao. Sa lahat aking ginagawa, hangga't maaari, nais kong maging dahilan para magpasalamat sa Diyos ang iba. Minsan nga, sa dami ng gusto kong gawin, nauubusan na ko ng oras para sa iba. Hindi rin naman ako perpekto. Alam kong kahit may intensyon akong maging mabuti sa lahat, dumadating din ang topak ko. Sa mga ganoong pagkakataon, umaasa na lamang ako sa pang-unawa ng aking mga tunay na kaibigan.
- Makabawi sa lahat ng kabutihan ng mga magulang ko sa akin. Bilang bunso at babae, inako ko na ang responsibilidad ng pagiging ulirang anak hanggang sa huli. Tingin ko naman, hindi lang ako ang ganun. Ugaling Pinoy naman kasi ang pag-aaruga sa magulang lalo na sa panahong kailangan na nila ng mag-aasikaso sa kanila.
- Makakilala ng mga bagong kaibigan. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon makakilala ng maraming kaibigan noong hayskul at kolehiyo, kaya naman ang bawat kaibigan ko matapos akong mag-aral ay bahagi ng mga natatanging tao sa buhay ko. Iilan lang kasi ang mga naging kaibigan ko nung bata-bata pa 'ko. Mga 10. hehe. Ngayon, mga 20 na. haha. Ewan ko ba. Mahiyain lang yata talaga ako. O kaya dahil ang first impression ng aking mga kakilala ay snob daw ako. Hindi po 'yon totoo. Hindi lang talaga pantay ang kilay ko.
- Matuto. Sa sitwasyon, sa problema, sa paglalakbay, sa pagbabasa, sa pakikisalamuha, sa lahat ng ginagawa natin sa araw-araw, lagi tayong may matututunan. Minsan may pagka-tanga lang tayo kaya hindi natin agad makita yung aral sa bawat sakit, saya, o kawalan. Pero meron 'yun. Minsan kailangan mo lang talagang pag-isipan kung ano.
- Maging dahilan ng pagbangon ng iba. Kung marami na akong dahilan para bumangon at tingin ko'y sapat na ang mga iyan, nararapat lang na pati ang iba bumangon rin na kasing sigla ko. Sa abot ng aking makakaya, nais ko rin maging dahilan ng pagdilat, pag-iinat at pagbangon ng mga taong kayang abutin ng aking ngiti.
Ikaw? Bakit ka bumabangon?
Ah, maraming dahil kung bakit at kung para kanino tayo bumabangon. Ang mahalaga, malinaw sa atin ang mga dahilang ito at mapaninindigan natin sila ;-)
ReplyDeleteMagandang araw! :-)
Ang kalinawan ng bawat dahilan ay madali lamang, dahil ito ang mga inspirasyon, kahinaan at kalakasan natin. Ang panindigan ang mga dahilan na ito ang nangangailangan ng determinasyon. Maraming salamat sa pagbabasa!
Delete