Tuesday, October 25, 2016

Kabalintunaan

Tula ng Pag-ibig: Pag-ibig sa Tula 

May pag-ibig sa tula.
Mamahalin ka
matapos mong ibigay
ang iyong buong puso
sa bawat kataga,
sa bawat pyesa,
sa bawat konseptong
niyakap at iniukit sa alaala.

Magmamahal na lamang ako ng tula.

May pag-ibig sa pag-iisa,
matapos mong paglaanan
ng panahon ang kalungkutan,
na bumalot sa iyo nang
ika'y nakikipagbuno
sa mga demonyo
ng nakaraan:
yaong umuungkat
ng ibinaon mo nang sakit,
yaong tumutuklap
sa langib ng mga sugat,
yaong kumukurot
sa pilat na kumikirot
sa bawat yakap.

May pag-ibig sa pag-iisa.
Gaya ng pag-ibig na dulot ng tula.
       
***


Tula ng Pag-asa: Pekeng Alapaap

Hindi na nagungusap ang mga mata
Hindi na saya ang bumabalot sa kanila
Sa bawat tingin mo, hindi na nalulusaw
Hindi na tumitibok ang pusong nauuhaw

Hindi na hinahaplos ng iyong mga labi
ang kasawian ng mga halik na may pagsisisi
ng mga yakap na hindi na umiinit
ng lahat ng ikaw na binabawi kong pilit

Yayakapin ka ng mahigpit, kakapit
sa pag-ibig na dumudulas, kumakalas

Haharap sa salamin, saka muling magsisinungalin
saka muling kakabigin ang tali ng damdaming
'di mabitiw-bitiwan ng alaalang umaalipin

Nabubuhay sa pangarap na muling mananaginip
gaya ng pagpapanggap na ang hangin ay umiihip
sa pekeng alapaap, sa nagkukunwaring langit
nalulunod na sa luhang nagtatanong kung bakit

Hanggang kailan kakapit sa nakaraan?
Ang kwentong 'di matapos sa malamig na paglisan,
Laging bumabalik sa dulo ng sinimulan.

           ***


Tula ng Pananampalataya: Panginoon

Sa pagpatid ng tali sa leeg at kamay,
unti-unti na nating makakalas
ang mga kadena ng bolang bakal sa mga binti.
Matagal na tayong itinali
at pinakakain ng kanilang mga itinatapon.
Taga-konsumo
ng mga bagay na pinagkakakitaan ng imperyo.
Tayo ang merkado
na kanilang binebentahan ng lahat ng produkto:
mga bago,
may depekto,
mga sobra,
mga luma,
at kahit mga damit na ibinasura na;
mga armas na walang bala,
dahil ang bala ay sa kaaway ibinebenta,
nang ang kalakal ay magpatuloy
at hindi mawalan ng pangangailangan.
Negosyo ang giyera.
Ninegosyo ang giyera.
Kasabay ng kanilang tUbo
sa larawan ng babaeng pinuputa.
Patuloy tayong ibinabaon sa
konsumerismo ng mga bagay na galing sa kanila
mula kape hanggang pelikula
kahit ang mga produkto natin
ay kayang mamayagpag sa ibang bansa.
Walang kakumpitensya
kaya naman sa kanila
ang monopolyo.
Tayo
ay mga dagang tumatakbo
sa karerang sila ang bumuo,
at umiikot ang pera ng tao
patUngo sa kanilang mga bulsa,
nabubusog habang tayo'y nagugutom dahil sa
imperyalismo
na bumuo ng imperyong
may mga panginoong maylupa
na patuloy na inaalipin
ang taong sa ati'y nagpapakain,
inaangkin ang atin,
upang sila'y patuloy sa pagkain
ng hindi nila pinagpaguran,
bagkus ay kinamkam lamang.
Pinayakap sa atin ang kaisipang
tayo ay tamad
kaya tayo hindi umuunlad,
upang hindi tayo magtaka
kung bakit sa ating pagpapakahirap
ay hindi tayo makaangat-angat.
Tayo ay hinati-hati
upang patuloy na maghilahan gaya
ng ginagawa ng marami 
na bagkus tumulong
ay patuloy na sinisiraan
ang gobyernong
pinipilit itayo ang dignidad ng isang bansang
matagal nang kolonya at may pekeng kasarinlan.
Nakakatawa na
ang sumisigaw ng 'gutom' 
ay ang mga taong may ipon,
at mga taong kumakayod
ng isang kahig at isang tuka
ay hindi nagrereklamo.
Bakit?
Dahil wala nang ikagugutom pa
ang mga taong nagugutom na
sa matagal nang panahon.

***

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 8






No comments:

Post a Comment