Showing posts with label Filipino Poetry. Show all posts
Showing posts with label Filipino Poetry. Show all posts

Friday, November 4, 2016

Para sa Kapilas ng Aking Langit



Mahalin mo ako gaya ng langit
na sa una mong pagsilip, sayo’y nagpapapikit
maliwanag at nakasisilaw sa iyong balintataw
ngunit langit pa rin sa iyong pananaw

Gaya ng umagang gigising sa iyong tabi
pagmamasdan ang iyong paghinga, ang iyong labi
na kay sarap bakasin ng dulo ng aking daliri
habang iginuguhit ko sa isip ang iyong pagngiti

Mahalin mo ako gaya ng langit
na iyong tinitingala sa kabila ng pagkabigong paulit-ulit
sa mga pangarap kong hindi ko maitawid-tawid
yakap ako sa paghikbi, nariyan ka, walang subalit

Gaya ng kung paano mo 'ko minamasdan 
hanggang sa ang ating mga tingin ay magkahiyaan
sa pagitan ng gabi at umaga, naroon ka, humahanga
hindi mo ikinukubli ang pag-ibig sa iyong mga mata

Mahalin mo ako gaya ng langit
kung saan ang ulap ay sumisipol ng ating mga awit,
sumasayaw at gumuguhit ng ating mga larawan 
na hangad mong pagmasdan habang nakahiga sa damuhan

Gaya ng pagsipol mo ng mga tonong nais mong aking lapatan
ng mga salitang alam mong ikaw lamang ang laman
lumilikha ng musika na kapwa puso’y matatandaan
lumipas man ang panahon, ang mga ulap, sa ating pagitan

Mahalin mo ako gaya ng langit
na kahit sa gabi, sa isipa’y hindi mo maiwaglit 
gaya ng pangarap mong ako’y hagkan 
sa ilalim ng ambon at liwanag ng buwan

Gaya ng paghalik mo sa aking kalungkutan
yayakapin ako at ang aking kaibuturan
saksi at hindi bibitiw anuman ang hantungan
dahil lahat ng kasiyahan, ikaw lang ang pag-aalayan

Mahalin mo ako gaya ng langit
na may amihang yumayakap sa bawat pintig ng pag-ibig
nagpapalipad ng aking isipa't ulirat sa himpapawid
wari’y habagat, daluyong na hinahagip ang aking dibdib

Ngunit ako’y gigising sa aking pananaginip,
dahil ang langit ko, kapilas ka man, hindi mo pa batid.


Tuesday, October 25, 2016

Kabalintunaan

Tula ng Pag-ibig: Pag-ibig sa Tula 

May pag-ibig sa tula.
Mamahalin ka
matapos mong ibigay
ang iyong buong puso
sa bawat kataga,
sa bawat pyesa,
sa bawat konseptong
niyakap at iniukit sa alaala.

Magmamahal na lamang ako ng tula.

May pag-ibig sa pag-iisa,
matapos mong paglaanan
ng panahon ang kalungkutan,
na bumalot sa iyo nang
ika'y nakikipagbuno
sa mga demonyo
ng nakaraan:
yaong umuungkat
ng ibinaon mo nang sakit,
yaong tumutuklap
sa langib ng mga sugat,
yaong kumukurot
sa pilat na kumikirot
sa bawat yakap.

May pag-ibig sa pag-iisa.
Gaya ng pag-ibig na dulot ng tula.
       
***


Tula ng Pag-asa: Pekeng Alapaap

Hindi na nagungusap ang mga mata
Hindi na saya ang bumabalot sa kanila
Sa bawat tingin mo, hindi na nalulusaw
Hindi na tumitibok ang pusong nauuhaw

Hindi na hinahaplos ng iyong mga labi
ang kasawian ng mga halik na may pagsisisi
ng mga yakap na hindi na umiinit
ng lahat ng ikaw na binabawi kong pilit

Yayakapin ka ng mahigpit, kakapit
sa pag-ibig na dumudulas, kumakalas

Haharap sa salamin, saka muling magsisinungalin
saka muling kakabigin ang tali ng damdaming
'di mabitiw-bitiwan ng alaalang umaalipin

Nabubuhay sa pangarap na muling mananaginip
gaya ng pagpapanggap na ang hangin ay umiihip
sa pekeng alapaap, sa nagkukunwaring langit
nalulunod na sa luhang nagtatanong kung bakit

Hanggang kailan kakapit sa nakaraan?
Ang kwentong 'di matapos sa malamig na paglisan,
Laging bumabalik sa dulo ng sinimulan.

           ***


Tula ng Pananampalataya: Panginoon

Sa pagpatid ng tali sa leeg at kamay,
unti-unti na nating makakalas
ang mga kadena ng bolang bakal sa mga binti.
Matagal na tayong itinali
at pinakakain ng kanilang mga itinatapon.
Taga-konsumo
ng mga bagay na pinagkakakitaan ng imperyo.
Tayo ang merkado
na kanilang binebentahan ng lahat ng produkto:
mga bago,
may depekto,
mga sobra,
mga luma,
at kahit mga damit na ibinasura na;
mga armas na walang bala,
dahil ang bala ay sa kaaway ibinebenta,
nang ang kalakal ay magpatuloy
at hindi mawalan ng pangangailangan.
Negosyo ang giyera.
Ninegosyo ang giyera.
Kasabay ng kanilang tUbo
sa larawan ng babaeng pinuputa.
Patuloy tayong ibinabaon sa
konsumerismo ng mga bagay na galing sa kanila
mula kape hanggang pelikula
kahit ang mga produkto natin
ay kayang mamayagpag sa ibang bansa.
Walang kakumpitensya
kaya naman sa kanila
ang monopolyo.
Tayo
ay mga dagang tumatakbo
sa karerang sila ang bumuo,
at umiikot ang pera ng tao
patUngo sa kanilang mga bulsa,
nabubusog habang tayo'y nagugutom dahil sa
imperyalismo
na bumuo ng imperyong
may mga panginoong maylupa
na patuloy na inaalipin
ang taong sa ati'y nagpapakain,
inaangkin ang atin,
upang sila'y patuloy sa pagkain
ng hindi nila pinagpaguran,
bagkus ay kinamkam lamang.
Pinayakap sa atin ang kaisipang
tayo ay tamad
kaya tayo hindi umuunlad,
upang hindi tayo magtaka
kung bakit sa ating pagpapakahirap
ay hindi tayo makaangat-angat.
Tayo ay hinati-hati
upang patuloy na maghilahan gaya
ng ginagawa ng marami 
na bagkus tumulong
ay patuloy na sinisiraan
ang gobyernong
pinipilit itayo ang dignidad ng isang bansang
matagal nang kolonya at may pekeng kasarinlan.
Nakakatawa na
ang sumisigaw ng 'gutom' 
ay ang mga taong may ipon,
at mga taong kumakayod
ng isang kahig at isang tuka
ay hindi nagrereklamo.
Bakit?
Dahil wala nang ikagugutom pa
ang mga taong nagugutom na
sa matagal nang panahon.

***

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 8






Saturday, October 8, 2016

Tuliro

Sa bawat paglapat ng mga palad mo
Sa palad ko
Puso'y tumitigil sa pagtibok,
Napapalunok
Hininga'y napipigilan
Sa ating pagitan
Walang naiintindihan
Sa mga tinuran
Namumutawi ay "ok lang"
O 'di kaya'y napiping tuluyan
Tumango, umiling,
ngumiti na lamang.

Sunday, October 2, 2016

Akap

from Akap by Imago
Pikit-mata 
kong iaalay ang buwan at araw
pati pa sapatos kong suot
Nagtatanong
simple lang naman sana ang buhay
kung ika'y lumayo...

***

Pikit-mata:
Buod ng ating pag-ibig sa iisang salita
Pag-ibig nga ba na binulag ng tadhana?
Tadhana'y naniwala na may iba
sa ating dalawa
na magiging panghabambuhay ang
nagtatamisang salita

Pikit-mata.
Inialay mo ang lahat ng meron ka
Inialay ko ang lahat ng aking magagawa
para sa mga pangarap na tila
maaabot ang langit ngunit...wala

Pikit-mata
na hinawakan ko ang iyong kamay
Nang sinabi mong hindi ako sa puso mo'y may taglay
humahabol sa pag-asang nawalan ka lamang ng kataga
kung paano ipaliliwanag ang kahulugang nawawala

Pikit-mata
kong minahal ang lahat: ang pait, ang sakit, ang pilat
ang pait, ang sakit, ang pilat
nang bawat sugat na sumulat
ng mga kwentong walang pamagat.

Pikit-mata
kong hinarap mag-isa ang katotohanang hindi talaga
maari ang pag-ari sa taong hindi kilala
na nakatago ang kaluluwa mula sa
mga taong nais bumasa, yumakap at tumula

Hanggang sa huli, bulag ako sa kung ano'ng totoo
sa mga ngiting pinagsaluhan
sa iilang pagkakataon ng katuturan
ng damdaming nahulog ngunit walang kahulugan.


Tuesday, August 2, 2016

Friday, July 8, 2016

Paalam

Hindi ko alam kung ito na ang huling liham ko sa'yo
Hindi rin sigurado kung bukas ay makakatula pa ako
Hindi mo man malaman ang inaawit ng pusong bigo
Hindi ako matatapos sa piniling pag-ibig sa tulad mo.

Ngunit matatapos ang paghihintay ng kulay sa ating kwento
Tutuldukan na ang huling salita na iginuhit ng alaala ko sa'yo
Dahil ang bawat musikang inialay mo at tayutay na tinula ko
Ay mistulang liham na pinaanod sa alon, nawala, naglaho.

Naiwan na lamang ay mga tilamsik ng alaala at ulan
Sa makulimlim na umaga at hanging sumisilip, dumaraan
Kulimlim na tumataklub sa lahat ng tubig na nag-aabang
Sa paghalik ng liwanag para sa bahagharing mamamaalam

May mga bagay na sapat nang pinapanaginipan na lamang
Dagling iniiwan sa ilalim ng unan, kinukumutan sa higaan
Sa gabi at dilim na lamang muling babalikan at hahalikan
Dahil ang panaginip na lang ang 'di nawawalan ng kailanman.

Monday, July 4, 2016

Hindi Mo Alam Kung Paano

Hindi mo alam kung paano malungkot kung ang lagi mong sinasabi ay "okey lang 'yan."
Huwag mong sabihing naiintindihan mo dahil hindi.
Dahil kahit ako, hindi ko malaman.
Napapagod na akong magpaliwanag sa mga nagtatanong kung bakit.
Hindi ko rin kasi alam.
Napapagod na akong makinig sa mga haka-haka nilang dahilan.
Pagod na rin akong tumango sa lahat ng sinasabi nilang dapat gawing paraan.
Hindi mo naiintindihang hindi ko rin naiintindihan.

Ang alam ko lang
mag-isa ako, sa gitna ng kwartong walang tao
at sa gitna ng mga taong may kanya-kanyang kwarto
Nakikita ko sila gaya ng nakikita ko ang nasa paligid ko
Nakikita nila ako at ang sanlibong mukhang gamit ko
Mga mukhang pinagpapalit-palit ko
sa kunwari'y tapat sa kung ano'ng dapat
Mga ngiting nakapinta para sa bawat pagkikita

Ang alam ko lang
kaya kong magpalipas ng maghapon na walang tumatakbo sa isipan
Na ang kawalan ng nararamdaman ang pilit kong pinaglalabanan
Na ang dilim ng paligid ay tila, kahit ng umaga, hindi maiibsan
Sa dilim magkasiping ang nawawalang damdamin at kaisipan

Hindi mo alam kung bakit ko sinasaktan ang sarili ko
Dahil hindi ko rin maipaliwanag ang pakiramdam na dulot nito
Hindi mo alam dahil hindi ka naniniwalang kaya ko
Ngunit alam mo bang hindi ko rin naman ito ginusto?

Hindi mo alam kung paano malungkot kung ang lahat ng luha mo ay may dahilan
Dahil ang sa aki'y dumadaloy sa kawalan, sa kawalan ng nararamdaman
Hindi malaman ang katuturan ng lahat ng tumatakbo sa isipan
Paikot-ikot, masalimuot, kinukurot and bawat himay ng aking katauhan

Hindi mo alam kung paano malungkot
Kaya wala kang karapatang
Sabihing ito'y wala lang
o "magiging okey rin 'yan"

Hindi mo alam.
Hindi mo alam.

Oda Para Sa 'yo

Sa bawat pagsisid, ikaw ang hanging baon ko
Pinapawalan ng dahan-dahan, iniingatang mawala ng tuluyan
Pumupuno sa aking dibdib, nagpapatibok ng aking puso
Ibinabaon sa muling paglubog, paglisan, matapos sa ibabaw ay balikan

Ikaw ang baon kong buhay sa gitna ng tubig na yumayakap
Salungat man sa mga alon, mahapdi man ang alat ng dagat
Nagpapaanod sa damdaming sa kailaliman hinahanap
Sumisikad pa rin pabalik sa iyong hininga sa kagyat na pag-angat

Ikaw rin ang tubig na niyayakap ng aking kabuuan
Humihigit sa hininga habang pinapatid ang aking uhaw
Kailangan ko lamang lumubog at ako'y sa iyo na nang tuluyan
Patuloy akong lumulutang sa ilalim ng ating pag-uulayaw

Dalangin ko lamang na ito'y magtagal, magpatuloy
Sa kabila ng paglulunoy sa tubig, nang mata'y nakapikit
Pumapadyak sa kawalan, kumakampay, lumalangoy
Hinahawi ang tubig, hinahati ang dagat, sa alon kumakapit

Ngunit lalanguyin ko lamang ang lalim na kaya kong pangatawanan
ang lalim na kaya kong languyin, lisanin, balikan
ang lalim na hindi dudurog sa aking puso at katawan
ang lalim na hindi magpapalubog, lulunod sa akin nang tuluyan

Ikaw ang ulan sa bawat taglamig na dumarating at lumilisan
Sa bawat patak mo, ako'y nililinis, binabasa, pinapaliguan
Gumagapang ang iyong patak mula noo hanggang hangganan
Tinutulay, ginagalugad ang bawat himay ng aking katawan

Mata ko'y pumipikit at nananaginip na ika'y hinahagkan
Sa ilalim ng malakas na tikatik at bugso ng nagngangalit na ulan
Hayaan mong abutin ko ang iyong kamay upang aking maramdaman
Ang init sa gitna ng lamig, ang basa sa gitna ng lupang tigang

Ngunit mababasa lamang ako sa ilalim ng iyong mga patak
Sa panahong pipiliin kong itapon ang aking payong
Sa panahong ang tubig ay aagos sa puso kong bitak-bitak
Sa panahong 'di malulunod, 'di maghahangad ng pag-ahon

Ikaw ang tahanan na kung nasaan ay hindi ko pa nahahanap
Binabagtas ang kalsada, ang bayan, hanap ang haligi at bubungan
Umiikot sa mga kantong nagsasanga at palatandaang 'di mahagilap
Naliligaw sa mga eskinitang malabo at madilim ang lagusan

Ikaw ang marka ng pagpapahinga para sa puso kong pagod na
Magbubukas ng pinto bago pa man ako magsimulang magsalita
Sisilip sa bintana na nakukubli ng mga nagluluksang kurtina
Magpapatuloy sa patuloy na umaasang ako'y kukupkupin mo na

Subalit ang aking pagkakatunton sa'yo ay hindi inaasahan
Hindi ko alam kung makababalik pa kung ako'y lilisan
Kaya naman hangad kong manatili sa piling mo kailanman
At ipinid na ang pinto ng tahanang aangkinin ko nang lubusan

Ikaw ang lutong-bahay na palagi kong inaabangan
Nagpapabango sa kusina, nagpapasabik sa bawat hapunan
Nanunuot sa ilong ang amoy ng ginisa, ng sinangag, ng bawang
Kinukurot ng asim at tamis ang sikmurang walang laman

Ikaw ang lutong-bahay na madalang kong matikman
Bihirang makasama sa tuwing manananghalian
Hinahanap-hanap ang lasang lubusan nang kinasanayan
Dahil sa sangkap mo, pagmamahal yata, 'di ko alam

Ikaw ang tsinelas matapos ang maghapong pagod sa paglakad
Simple, maginhawa, mapagmahal sa mga pagal kong mga paa
Gaano man kamahal ang mga sapatos, saan man ako mapadpad
Ang tangi kong pahinga, sa iisang pares lamang makukuha

Pinapasan mo man madalas ang pagod ko sa lahat ng dinaanan
Hindi ka bumibitiw, di napipigtas, di ako binibigo
Kailangan mo mang yakapin ang lahat ng alikabok na tangan
Walang alinlangan, ako'y hinahagkan, marahan at masuyo

Ikaw ang unan sa pagitan ng lahat ng mga panaginip
Mga pangarap at hinahangad sa paghimbing at sa pagbangon
Nasa iyo na ang mga takot at pag-asang nakapinid
Pati kakaibang pangarap sa pagtulog na sa iyo'y nakabaon

Ikaw ang malambot na dantayan sa lamig ng gabi
ang aking niyayakap upang sa panaginip ay kapiling
ang kumakanlong sa aking mga pisngi at mga labi
sa init ng silid, sa gitna ng nag-aagawang liwanag at dilim

Ikaw ay libro na nagtatago ng lahat ng aking pag-ibig at pagkabuyo
Nasa pahina mo lamang ang aking mga kwento ng pagsuyo
Maging ang mga basang pahina, naninilaw at nilukot ng pagkabigo
Ikaw ang bawat kabanata, pahina, salita at tula ng aking puso

Masuyo kong hinahaplos ang bawat papel ng ating kwento
Itinuturo ng daliri ang mapagpalaya at masidhing salita para sa'yo
Inililipat ang mga pahinang saksi sa bawat paghanga, maging ng paglayo
At muling pagbalik sa nag-iisang balangkas, kasukdulang tanging iyo

Ikaw ang musika na paulit-ulit kong dinadama
ang bawat ritmo, bawat hagod, bawat salita
ang mga letra at nota na magkasiping sa paglaya
ng mga damdaming humuhulagpos, kumakawala

Ikaw ang tula na nabubuo ng pag-ibig at musika
Nagtatampisaw sa laro ng salita, ritmo, at tugma
Nagpapaabot ng mga damdaming nakahain, nakatala
Maging pag-ayaw sa pagsayaw sa saliw ng ibang musika

Ikaw lahat ng 'yan at marami pang ibang bagay na magaganda.
Dahil, mahal ko, ikaw lang naman talaga.
Wala nang iba.
Wala nang iba.

Wednesday, June 29, 2016

Sa Ating Pagitan


(halaw sa I'm Coming ng BennyBunnyBand)

Ilang oras na lamang
muli ka na namang mamamaalam
habang gising ang aking mundo,
panaginip mo'y ibabaon sa mga unan
bukas paggising mo mahal,
hahagkan ko ang hangin
na sana sa iyo'y makarating
dahil ako naman ang mananaginip
na muli kang makapiling

Nasanay na tayo sa mga larawan
ng mga bagay na hindi nahahawakan
hindi man pigilan, walang mahahagkan
walang nararamdaman,
maliban sa pag-ibig na namamagitan

Mahal ko, patawad
sa tuwing nais kong hagkan ang iyong palad
o ilapat ang aking kamay
mga daliri ko'y tumulay
sa mga linyang sa ati'y nag-uugnay

Patawad mahal ko sa mga panahon
na nais kitang yakapin, ikahon
sa tuwing ang puso ko'y nababaon,
nauubusan na ng pagkakataon
huminga at huminahon
naiiyak, nanghihina
sa pangungulila
sanlibong luha na bumasa
sa mga kobre kamang
niyayakap mag-isa

Nais ko muling kumapit
sa iyong mga balikat
ang aking mukha
sa iyo'y marahang ilapat
damhin ang iyong paghinga
ang init ng ating pagkakadikit

Patawad mahal ko sa aking panaginip
na muli kang marinig sa tainga'y malapit
Gigising sa iyong tabi
Babasahin ang ngiti
ng iyong labi
halik sa mata'y dadampi

Isayaw mo 'kong muli mahal ko
sa awiting alam na alam natin ang ritmo
Sa bawat galaw, bawat hakbang, kapit ko
Susunod ang katawan sa galaw mo
Isayaw mo ako muli mahal ko
Sa ilalim ng buwan, at sa lahat ng pagitan
ng mga haplos na 'di mamamaalam
kailanman

Ilang oras na lamang
muli na akong mamamaalam
habang gising ang iyong mundo,
panaginip ko'y ibabaon sa mga unan
bukas paggising ko mahal,
hagkan mo ang hangin
na sana sa aki'y makarating
dahil ikaw naman ang mananaginip
na muli akong makapiling.

Saturday, June 25, 2016

Gusto Kong Magmahal

The ultimate question: What is Love?
Gusto kong magmahal pero hindi ko alam kung paano
Parehas ba ito ng mga binabasa kong kwento?
May prinsesa at prinsipe bang kahit hindi ko kaanyo?
May hantungang hindi alam kung saan patungo?

Gusto kong magmahal pero hindi ko alam kung sino
Nararapat bang ang lalaki ay gwapo at matipuno?
Nararapat bang ang babae ay balingkinitan at pino?
May habang-buhay ba kapag ang larawan ay perpekto?

Pero gusto kong magmura dahil akala ko prinsipe ka
Nang tinanong mo 'ko kung maari mo 'kong gawing reyna
Ako naman 'tong si tanga, naniwala, nagtiwala
Nahulog, nadurog, nakuha ng maling akala.

Pero gusto kong magmura dahil sa 'kin mas maganda ka pa
Kaya kahit kailan, sarili mo lamang ang parati mong nakikita
Dahil ang sabi mo, ang babaeng para sayo ay dapat pino
Balingkinitan at tropeyo na kaiingitan ng barkada mo. Oo, hindi ako.

Pero gusto kong magmahal para malaman kung paano
Tataas nga ba ang aking isang paa kapag hinalikan mo ako?
May mga paru-paro nga bang sa sikmura ko'y magkakagulo?
Kapag hawak mo ang aking kamay, bibilis ba ang pintig ng puso?

Kaya gusto kong magmahal kahit hindi ko alam kung sino
Ang magpapabilis ng tibok ng palaging ligalig kong puso
'Yung magpapa-blush sa 'kin, aakyat sa mukha ko ang dugo
'Yung mapapansin at tutuksuhin ng lahat na nahulog na sa'yo

Pero gusto kong magmura dahil hindi tumaas ang aking paa
Bagkus puno ng kalyo sa pagtayo habang ilang oras na hinihintay ka
Dahil wala ni isang paru-parong dumapo sa pag-alis at pagbalik mo sa aking kama
At kapag hinatak mo ang aking kamay, alam ko galit ka na

At gusto ko talagang magmura dahil kung paano matakot sa tao, alam ko na
Yung tipong kabisado ko ang pagbukas ng seradura kapag nariyan ka na
At hindi ako pwedeng magkamali kung ayaw ko ng dugo sa aking mukha
Dahil sawa na akong pagtawanan ng mga tao sa aking mga pasa.

Pero gusto ko pa rin magmahal kahit di ko na alam kung sino
Ang magmamahal sa babaeng naging tanga, naging basura na para sa'yo
Kaya nagtiis ako, akala ko, pagmamahal kapag hinintay ang pagbabago
Na darating ang araw, ang mga sugat mo, mapaghihilom ng mga sugat ko

Kaya gusto ko pa rin magmahal kahit hindi ko alam kung paano
Ibinigay ko ang lahat ng makakapagsaya sa'yo
Naging sunud-sunuran, naging personal assistant, naging yaya mo.
At kahit anong gusto mo, ayaw ko man, ginawa ko.

Kaya naman gusto ko nang magmura sa kung paano mo ko inabuso
Na pinagsabay mo kaming dalawang babae mo
Dahil ang sabi mo, may naibibigay s'yang higit sa kaya ko.
Pero ayaw mo kong mawala, dahil ako pa rin ang mahal mo.

Kaya gusto ko talagang magmura dahil dinuraan mo na ko
Pero ang gusto mo, hindi ako aalis at humalik ako sa talampakan mo
Ano sya? Ano ako? Ganun din kaya sa kanya'y sinabi mo?
Ganun nga ba talaga kapag mahal mo ang tao? Kung di kaya ng isa, dalawahin mo?

Kaya gusto kong magmahal dahil hindi ko alam kung paano
Dapat ba sa mabait at relihiyosong tao?
Dapat ba sa maingat sa kilos at hindi nasasangkot sa gulo?
Dapat ba yung disente, naka-formal at maganda ang trabaho?

Gusto ko nang magmahal ng tama kahit di ko alam kung sino
Dapat ba yung marami nang napatunayan sa mundo?
'Yung mala-libro ang resume na hindi kailangan para magkatrabaho?
'Yung kaya akong regaluhan ng mga bagay na bibilhin ang pagkatao ko?

Kaya gusto kong magmura dahil sabi nila tama ka, pero
hindi ko kailanman naramdaman na mahal mo ako
Laman lagi ng isip mo ang trabahong kikita para sa pangarap mo
Hindi ko lang alam kung kasama ako sa marami mong mga plano

Kaya gusto ko rin talagang magmura dahil laging tama ang lahat, maliban ako
Dahil ang mga gusto ko, hindi dapat, hindi pwede, hindi disente gaya mo
Dahil hindi mo matanggap ang lahat ng pinagdaanan, pinagkamalian ko
Ang gusto mo kasi, yung hindi nagkamali, yung tamang tao kagaya mo.

Kaya gusto kong magmahal para malaman kung paano
Pero ayaw ko nang sumugal, masyado nang durog ang mapaghanap kong puso
Hindi ko pa rin alam ang tama sa dami ng pagkakamali ko
Ang gusto ko lang naman: romansa, responsibilidad at respeto
Kung kaya ko naman 'yan ibalik sa'yo, mahirap pa ba ang hinahanap ko?

Gusto kong magmahal, pero
 ********* lang talaga! Pagod na ko.


Wednesday, June 22, 2016

Bugso

(Halaw sa 43 Sunsets ni Burn Mercado)

Binabasag na naman ng ulan ang larawan ng nakaraan
Basang-basa na ang daan, umaagos ang luha ng kalangitan
Nakikiramay sa damdamin kong binabaha na ng tuluyan
Nilulunod ako sa dalamhating humahati sa aking kaibuturan

Nasaan ka na kaya sa malamig na panahong gaya nito?
Muli mo bang isusuot ang mga medyas na pareho tayo?
Magkukulubong ka pa rin ba ng kumot gaya ng  dating gawi mo?
Oo, makasama kang muli sa ilalim ng kumot ang gusto ko

Binubugbog ng hangin ang bintanang kasing rupok ng puso ko
Na pasa-pasa na sa paasang dinimdim ko para lang manatili sa'yo
Ngunit nangingitim na ang mga markang dapat paghihilumin mo
Kasing dilim ng kulimlim na hindi mahahawi hanggang sa paglayo

Ngayong inaagos na ng tubig ang gamit, buhay at alaalang matatangay nito
Dalangin ko rin na tangayin ng agos ang nalulunod na rin lang na puso
Wala nang sasagip dahil walang lalangoy sa pusali at tubig kanal ng 'tayo'
Ng pagmamahal na tinawag mong 'tayo' pero lagi na lamang tungkol sa 'yo

Nakatunganga pa rin ako sa bintana, sa kawalan ng buhay, sa kawalan
Nakakahon sa pader ng ating mga away, sinemento, pinagtibay, sinaraduhan
Nakalimutan mo mahal, na lagyan ng pintuan bago mo pinapalitadahan
Nang mapagtanto ko, mag-isa ko na lamang inilatag ang ating higaan

Higaang naging saksi sa mga larawan ng saya, galit, lungkot, takot
Lahat ng mayroon tayo, sa gitna ng magdamag sa ilalim ng kumot
Pero di ka nanatili gaya ng pagbaon ng iyong mga daliri sa aking balikat,
nag-iwan ng sugat, ng pilat nang hindi mo maikakailang ako'y naging sapat

'Di mo man lang nilagyan ng bisagra ang pintuan upang kita'y masundan
Hindi man lamang kandado na may susing itinago, hahanapin ko na lamang
Hindi mo hangad na ako'y lumabas ng kwartong nilisan mo ng walang balikan
Gayong ang bugso ng damdamin ko ay hihigit pa sa delubyong dala ng ulan

Sa gitna ng tikatik ng ulang bumibingi, higit pa sa hinagpis ng katahimikan
Sa loob ng tuyong kwarto na binasa na ng luha at natigang sa tawanan
Mga luhang naghihintay ng habangbuhay, ng pagpapahingalay, ng kawalan ng saysay
Habang humahangos ang hangin, hinahabol ang dapit-hapon hanggang bukang-liwayway

Ang kulimlim ay naging dilim at bumalot na muli sa akin
Isang magdamag na naman ng mga panaginip na hindi ka kapiling.

***

If you like the poem, you can listen to it here.

Tuesday, June 21, 2016

PS

(Halaw sa PS Laarni ng BennyBunnyBand)

Ubos na ang mga tintang tinuyo ng paglisan
Naninilaw na ang mga sobre ng kahapon at walang hanggan
Hindi matatawarang paalam sa lahat ng sinimulan
Nariyan ka pa ba para tanggapin ang basang-basa kong liham?

Tadhana ang sabi nilang magbabalik sa ating panahon
Sa bawat selyong inipon, bawat sobreng nilikom
Hindi pa rin tumatak ang destinasyon ng kahapon
May bukas pa nga ba sa pagtanging pilit mong itinapon?

Hindi mo ba naaalala ang awit ng ating mga puso?
Nagpapaindayog sa iyong balikat, pababa ng iyong pulso
Nagdidikit na mga palad na 'sing init ng pagsuyo
Sa iyong malambot na labi'y humahaplos, pumupuno.

Ngunit ngayo'y ibang ritmo na ang nagpapaindak sa iyo
Tingin ko'y hawig naman sa musikang inialay ko
Ngunit ibang palad pa rin ang pinipisil ng mga kamay mo
at humahaplos sa labing araw-araw ay pangarap ko.

Nag-iisa pa rin ako sa bawat araw na ika'y nakikita
Pumupunit, kumakayas, dumudurog sa aking pag-asa
Tuwing mababakas ko ang ligaya sa iyong magandang mukha
Hindi ko na kayang supilin ang pait ng lahat sa ati'y nawala

Mistula nang lukot na sobre ang puso kong 'di mo nilingon
Na dati'y iyong iniingatan, marahang binabasa buong maghapon
Dati man ay halik ang kalakip ng mga salitang sa aki'y pabaon
Ngayo'y iyo nang dinuraan at sa mukha ko'y dagling itinapon

Dalangin ko na lamang na ang pag-ibig nya'y hindi panandalian
At magpapaagos ng mga luhang hindi ko kailanman natunghayan
Bagkus bumura ng aking ulirat at sumakop sa aking katinuan
Naglulunoy sa tila dagat ng kalungkutang sa aki'y iyong iniwan

Sa tingin mo man ako ay paulit-ulit, pumipihit, nagpapakasakit
Hindi ako hihinto sa siklo ng pagsuyo, hindi man nagpupumilit
Hayaan mo akong mahalin ka, na parang linya ng korong binabalikan
Sa tuwing natatapos ang mga berso na tinuldukan mo na ng tuluyan.

Balang araw, mararating ko rin ang hantungan ng mga nilisan
Magpapahinga ang pusong pagal nang magmahal kahit tinalikuran
Tapos na. Tapos na ba?
Sa iyo, oo. Sa akin, hindi pa.



***

If you like the poem, you can listen to it here. 

Sunday, June 19, 2016

Ikaw Na

(Ibang anggulo ng pag-ibig sa Ikaw Na Ang Anghel Bow! ng BennyBunnyBand)

Gusto kong maniwala na makikilala mo rin ako
Sa likod ng mga taong naghihiyawan, umiindak at nagkakagulo
Sa dilim ng gabi na kahit anong pilit ng mata, liwanag ay susuko
Nagtatago ba ako? Oo. Sa 'yo.

Ikaw ang tipo na nabubuhay sa gitna ng entablado
at ako, nakukuntento na nasa harapan at nanonood sa 'yo
pilit tinatanaw ang bawat kilos, indayog na dala ng musika mo
habang ang mga tao ay pader na humaharang sa ating mga mundo

Nakalulunod man ang dami ng taong humihiyaw ng pangalan mo
Sa bawat "mahal kita" na ibinabato maya't maya ng mga tao
Walang tumitinag, kumukurot, nagpapalingon sa iyong pihikang puso
at huwag kang mag-alala, marami mang naghihintay, pero hindi ako

Alam ko naman ang hangganan ng mga taong tulad ng kalibre ko
Hindi naman ako nangangarap mahulog sa taong hindi naman sasalo
Hindi ko lang talaga alam kung bakit nagkakilala pa tayo
Ayan. Nabubuhay ako't namamatay sa magdamag, pagtula tungkol sa'yo.

Hinahagilap ko pa ang lakas ng loob ko na ipunin ang aking mga letra
Pagkumpul-kumpulin at ibato sa 'yo ang mapagmahal kong mga salita
Dalangin ko lang na maaari pa 'kong lumiham lakip ang pag-ibig kong kataga
Dahil wala na akong ibang paraan upang marating ang 'di maabot na tala

Oo, isa kang tala na bumihag sa akin at sa puso kong ayaw nang umasa
Ngunit sa bawat kislap mo, hindi ko maipaliwanag, patuloy akong namamangha
Binibighani ng tinig mo sa bawat musikang iyong likha
Sa ritmong humahaplos sa kaluluwa ko na dala ng iyong musika

Umiikot ang mundo mo na hindi kailanman magtatapon sa akin ng pag-asa
Ngunit hindi iyon sapat upang ako'y durugin at tuluyan nang bumitiw sa paghanga
Pagtatagni-tagniin ko na lamang ang puso ko gamit ang iyong alaala
Saka ko pupunuin ng nag-uumapaw na pagmamahal kong hindi mo makikilala

Matatapos na naman ang magdamag na hindi mo ako binabasa
Ngunit patuloy akong tutula, hanggang sa ang sakit ay tuluyang maubos na
Kahit hindi ko alam kung ang sinasaktang puso ay nagmamahal pa
May magagawa pa ba 'ko? Eh, ikaw na. Ikaw na nga talaga.

***


If you like the poem, you can listen to it here.

Thursday, June 16, 2016

Sa Uulitin

sunrise at Mt. Pulag

Sa bawat sulyap
na nagpapatigil ng lahat, maliban sa umiikot at tuliro kong malay

Sa bawat sulyap
na tila pagtikhim sa matagal nang pangarap na paglasap at pagsilay

Heto ka,
nanunukso sa iyong bawat ngiti, sa bawat paggalaw ng iyong labi.

Heto ka,
nagpapakislot ng aking puso sa halakhak mong saglit sa ki'y kumikiliti

Mali nga ba
na sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay nakikita ko ang iyong mukha?

Mali nga ba
na bawat musikang naririnig ko, ikaw ang dulo at simula ng mga linya?

Hindi
man sa akin nakatingin ang iyong mga mata, nangungusap ito, tumutula

Hindi
man ako ang binibigkas ng iyong mga letra, ako'y nakikinig at nagpapaubaya

Oo,
sinasayawan ko ang ritmo ng iyong paghinga

Oo,
hindi nga kita kayang abutin kahit dulo man lang ng iyong hibla

Siguro
hindi sapat ang aking pagtula, nilalamay ko man ay hindi mo man lamang binabasa

Siguro
nga mag-isa kong niyayakap ang lamig ng magdamag upang gising na panaginipan ka

Tama nang
ako na lamang ang nagtatahi ng tagpi-tagpi kong pangarap at paghanga

Tama nang
hindi kita kasama sa paglulunoy ko sa sakit ng katotohanang hindi akin ka

Mahal kita
sa paraang natitira sa aking nakatatawa, nakaaawa, nakahahabag na paraan

Mahal kita
sa kabila ng pag-asang tila dinuraan na ng lahat ng hatinggabi't umagang namagitan

Mahal kita
sa bawat sulyap.
Tama nang
mahal kita.




Monday, June 6, 2016

Out of Reach

You are a memory I try to dream of
Within my grasp, you're out of reach

Across the infinite, a definite me
Falling, breaking for a chance of you

Seconds of glance,minutes of talk
Hours of night that seem so long

Resounding images, repeating till fade
and bid goodbye with a hopeless state.

Thursday, May 26, 2016

A Pocketful of Feels Part 5

The fifth installment of my Twitter verses! Enjoy!

















































































































Thursday, January 21, 2016

Gabi ay Musika

Kung umaawit man ang pag-ibig
Bulong ba nito ang sa aki'y kumabig?
Wika ba nya ang ngalan ko?
Sambit ba ang katagang pagsuyo?

Kung sambit ng pag-ibig ang letra
At ito'y sumasayaw sa musika
iindak ka bang kamay ko'y tangan na?
O ang gabi ay maghihintay pa?

Finding Home

A restless soul needs
a comforting one
to finally believe that he is home.

Àt the end of all adventures,
still, we would always seek home.
Lucky you if you've found yours.

The Guessing Game

What do your eyes speak
when one winks
then the other peeks
as you speak my name?

What do your eyes speak
when they look away
every single time
I return the stare?

What do your eyes speak
as they pierce through mine
on that silent moment
capped by a smile?

What do your eyes speak
that mimed your thoughts
on seven hours of words
in the middle of the night?

Doubts

When confusions cast shadows that scare you
When uncertainties cloud your chance on chance
Keep it real, one moment at a time
Until fears fade, be cautious yet be brave.