Friday, December 27, 2013

Pagdaan sa Ilalim ng Karayom: Natintahan Ka Na Ba?


Ang disenyo at paglalapat nito ay likha ni
Herbert Ebok Pinpiño. Siya rin ang kumuha at nag-edit
ng larawang ito. Ang phoenix na makikita sa larawan ay
may mga elemento ng tulips at mga ulap upang makalikha
ng oryental at pambabaeng istilo ng pagkakalapat. Ginawa
ito sa loob ng limang oras.

Maraming tao ang tumataas ang kilay kapag tattoo ang pinag-uusapan. Bakit nga ba?

Ang tattoo, gaya ng alam ng marami ay hinuha pa sa kulturang Pilipino bago pa man tayo masakop ng mga dayuhan. Ito ay sumisimbulo ng karangyaan, posisyon sa lipunan at kadakilaan lalo na ng pinanggalingang angkan. Ito rin ay sining na simbolo ng kagandahan.

Paano nga ba nag-iba ang tingin ng maraming konserbatibong Pinoy sa tattoo?

Maaaring naging isang dahilan ang pagkabura ng malaking bahagi ng katutubong kultura na mayroon tayo nang ninais ng mga dayuhan na 'linisin' ang ating sistema at ipayakap sa atin ang mga dayuhang kaugalian. Halos hindi na nga natin kayang kilalanin ang mga katutubong kultura ng mga Pilipino dahil na rin sa tila sapin-sapin at halu-halong kulturang ating niyakap sa loob ng napakatagal na panahon.

Isa pang posibleng dahilan ay ang pagkakaroon ng masamang konotasyon ng tattoo dahil sa paglaganap nito sa mga bilangguan bilang simbolo ng pagkakabilang sa iba't-ibang mga gang. Dahil na rin sa kakayahan ng tattoo na  magbigay tanda sa isang pagkakabuklod gaya ng silbi nito sa mga angkan noong unang panahon, ang mga taong miyembro ng isang organisasyon, mabuti man o hindi, ay ginamit ito para sa permanenteng pagkakakilanlan.

Bakit nagpapa-tattoo ang mga tao?

Ilan sa mga dahilan ng pagpapa-tattoo ay:
1. pagpapahayag ng saloobin o ng pagiging malikhain
2. pagkakaroon ng permanenteng simbolo ng mga bagay o taong pinahahalagahan
3. pakikiisa sa mga kaibigang mayroon na rin tattoo
4. mapagtagumpayan ang sakit ng pagpapalagay nito
5. magkaroon ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal o pangkat

Ano ang mga paghahanda bago magpa-tattoo?


1. Pag-isipan mabuti kung saan nais ipalagay ang tattoo

May mga bahagi ng katawan na masakit kapag nilagyan dahil mabuto o kaya naman ay manipis ang balat. Mayroon din namang parte na kapag kitang-kita, magiging problema mo kapag ang iyong trabaho sa maselan sa ganitong bagay. Pag-isipan ang mga pagkakataon na maaari kang malimitahan ng iyong tattoo. Ipalagay mo s'ya sa bahagi na hindi mo poproblemahin ang pagkakaroon nito sa kahit na anong pagkakataon.

2. Ihanda mo ang sarili sa sukdulang sakit.

Gaano ba kasakit ang pagpapa-tattoo? Isipin mo na lang ang kirot ng karayom na itinusok sa'yo para kuhanan ka ng dugo. Hindi ganoon kalalim. Gagasgasan lamang ang iyong balat para pumasok ang tinta. Ang problema lang, 9 na karayom na mabilis ang pagtusok ang gamit para sa paunang pagguhit ng tattoo. Bukod pa ang 15 karayom na kailangan para naman sa shading. Palitan ang paggamit noon depende sa paglikha ng artist. Mas malaki ang tattoo, mas matagal at mas masakit ang proseso. Hindi maaaring sa kalagitnaan ng proseso ay aayaw ka. Bakit? Hindi maganda ang hindi natapos na tattoo. Magmumukha lamang itong sugat.

3. Ihanda ang disenyo na hindi kailanman magbabago para sa iyo.

Ano ba ang ipalalagay mo? Cartoon character ba? Pangalan ng kasintahan mo? Paboritong banda mo? Isipin mo ang mga bagay na permanente. Hanggang kailan mo mamahalin ang cartoon na gustung-gusto mo ngayon? Nakikita mo pa ba ang sarili mo na may Pooh bear sa braso kapag 55 taong gulang ka na? Paano kung niloko at iniwan ka ng kasintahan mo? O kaya naman nagbago isip mo? Kung ang mag-asawa nga naghihiwalay, magkasintahan pa kaya? Baka naman matapos ang ilang taon, hindi na sikat ang paborito mong banda o mang-aawit. Halos lahat ng naging bahagi ng pop(ular) culture ay nalalaos din. Baka hindi mo na gustong nakatinta sa'yo ang mga iyan buong buhay mo. Pwede ang pangalan ng anak mo; hindi naman iyon magbabago. Pwede ang mga mahal sa buhay, prinsipyo, simbolo ng pagkatao mo, o kung anumang permanente sa iyo.

Ano ang kailangang gawin matapos ang pagpapa-tattoo?

Ang pagpapagaling ng tattoo ay tulad rin ng pagpapagaling ng karaniwang sugat. Ang pagkakaiba lang, may disenyo ito at may tinta na hindi dapat mabura habang nagpapagaling. Kailangang hindi magkaroon ng impeksyon, hindi dapat malapatan ng kahit na anong maaaring bumura sa tinta, at lagyan ng gamot na pampabilis ng paghilom. Ang paggaling nito ay gaya rin ng ibang sugat na nagsisimula sa pananakit maging ng kalamnan at susundan ng lubhang pagkati ng sugat habang naghihilom. Hindi dapat tanggalin ang langib at hayaan na lamang itong maalis ng kusa.

Kung nais mong magkaroon ng tattoo, dapat mo muna itong pag-isipan o pagplanuhan dahil ito ay isang bagay na permanente. Pwede naman daw ipabura. Oo, pwede. Mas masakit nga lang at mas mahal.


2 comments:

  1. Naalala ko ang parents ko dahil sa post mong ito. Noon ay may nanligaw sa akin na may tattoo. Talagang sa unagn kita pa lang nila sa tao ay pinagsabihan na nila ako na iwasan siya. At iyon ay dahil lamang sa tattoo. Mababait naman ang mga magulang ko. Pero ewan kung bakit ganun sila ka-allergic sa tattoo. Nalungkot ako sa totoo lang na hinusgahan nila ang taong iyon sa ganung dahilan lang. Naisip ko, marahil dahil sa matatanda na sila. At ang nakatatak sa isip nila ay iyong masamang konotasyon na nabanggit mo dito sa blogpost mong ito.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ang opinyon na iyon ay halaw sa dokumentaryo ng I-witness tungkol sa mga burdado. Totoong lumaganap ang tattoo sa mga bilangguan dahil sa mga pagkakapangkat-pangkat nila ayon sa kanilang mga kinabibilangang gang. Sa susunod, ang isusulat ko naman ay tungkol sa malapit nang mawalang kultura ng pagta-tattoo sa norte at ang mga nagta-tattoo sa makabagong paraan at panahon. Maraming salamat sa pagbabasa! :D

      Delete