Ano ba ang pinagkaiba ng mga kabataan ngayon sa dati? Bukod na mas marami sa kanila ang nahuhumaling sa mga elektronik na pagkakaabalahan at pinipiling nakakulong sa bahay; bukod sa marami sa kanila ang maagang nakikipagrelasyon; bukod sa mas malaki na ang impluwensya ng media sa kanila kaysa sa pamilya at eskwelahan, mayroon pang nakababahalang pagkakaiba ang mga kabataan ngayon kaysa dati. Marami na sa kanila ang sumubok sa hindi ligtas na pakikipagtalik. Kung dati ay pre-marital sex ang problema ng mga kabataan, ngayon ay hindi na lamang iyon. Dumarami na rin ang sumusubok sa pakikipagtalik hindi lamang sa kanilang karelasyon, maging sa hindi nila kapareha. Dito pumapasok ang problema ng mabilis na pagtaas ng porsyento ng mga taong nakakaroon ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS).
Gaano ba kabilis ang paglaganap nito? Tinatayang sa loob ng isa't kalahating oras, may isang taong nagkakaroon ng AIDS. Ang bilang na ito ay patuloy na tumataas sa Pilipinas. Paano nga ba masosolusyunan ang ganitong problema?
Nitong Disyembre, ang eskwelahan na pinagtatrabahuhan ko ay naglunsad ng isang programa na magtatalakay sa sekswalidad at HIV AIDS. Ang mga mag-aaral na dumalo sa seminar na ito ay nabibilang sa ikatlo at ika-apat na baitang ng sekundarya. Ang mga kabataang ito na may edad 14-17 taong gulang ay napisil na angkop na tagapakinig sa ganitong talakayan. Dito tinalakay ang kahalagahan ng pagkilala ng isang tao sa kanyang sekswalidad at ng respeto sa kanyang katawan. Sa itinakbo ng talakayan, makikita ang kaalaman ng mga kabataan ngayon sa kanilang sekswalidad. Hiwalay nilang nakikita sa pagkatao ng iba ang sekswalidad. Kaya naman nagkakaroon ng pagkakataon na ang pakikipag-ugnayan ng iba ay nakabase lamang sa sex at hindi upang magkaroon ng kapareha na mamahalin, irerespeto at makakasama hanggang sa huli. Mapapansin na mas nagingibabaw ang pagtingin nila sa kanilang kapwa kabataan bilang sex object kung hindi rin lang nila kakilala.
Dito rin tinalakay ang diskriminasyon na ibinabato sa mga taong may AIDS. Totoong nakakatakot ang mga bagay na hindi natin naiintindihan, kaya naman ang nararapat na sagot upang matigil ang diskriminasyon ay bigyan ng kaalaman ang mga tao hinggil sa totoong kondisyon ng mga taong may AIDS, paano ito maiiwasan at kung ano ang dapat gawin upang hindi na lumaganap.
Paano ito naipapasa?
Isang importanteng kaalaman na tinandaan ko ay kung paano maaaring maipasa ang AIDS: kapag may fluid na sangkot. Anu-ano ang mga fluid na ito? Semen, vaginal fluid, at dugo. Hindi totoo na ang AIDS ay naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagkamay, paghiram ng mga gamit, paghalik, o kahit na anong paraan ng pakikihalubilo sa iba. Ito ay isang kondisyon na maaari lamang makahawa kung magkakaroon ng contact sa fluid ng taong may virus.
Ano ang nangyayari sa taong positibo sa AIDS?
Ang taong napag-alamang positibo sa AIDS ay posibleng makakuha ng karamdaman dahil sa pagbagsak ng immune system. Kaya naman may mga gamot na kailangang inumin sa tamang oras at tamang dosage upang mapanatiling malusog ang katawan. Oo, kaya pa rin maging malusog ng isang taong may AIDS. Maihahalintulad ito sa sakit na Hypertension o mas kilala bilang high blood, gayun din sa Diabetes dahil sa pangangailangan nito ng atensyong medikal. Ito ay nangangailangan ng panghabambuhay na gamutan dahil kapag nagkaroon ka na nito, hindi na ito mawawala. Kinakailangan lang ng patuloy na paggagamot upang manatiling malusog ang pangangatawan.
Paano ito maiiwasan?
Dahil alam na natin kung paano ito naipapasa, ilang lang ang mga ito sa maaari nating gawin upang maiwasan ang virus:
- Hindi pakikipagtalik sa hindi asawa.
- Ligtas na pakikipagtalik.
- Siguraduhing ang kapareha ay hindi nakikipagtalik sa iba.
- Ang mga gawaing gaya ng pagpapa-tattoo, pagpapahikaw o anumang gawain na sangkot ang dugo ay dapat sa mapagkakatiwalaang artist o body piercer upang makasiguro sa sanitasyon at bagong kagamitan.
- Higit sa lahat, hintayin ang basbas ng kasal bago pa ang lahat.
Paano tayo makakatulong sa pagsupil sa patuloy nitong paglaganap?
Dalawang bagay ang maaari nating gawin:
- Iwasan ang mga gawain kung saan maaari mong makuha ang virus.
- Kung sa tingin mo ay may posibilidad na ikaw ay magkaroon, magpa-test agad. Ang testing, counseling, at mga gamot ay libre. Pangangalagaan rin ang iyong pagkakakilanlan kung ikaw ay magpapa-test. Walang sinuman ang makakaalam ng pagpunta mo, ng proseso at lalo na ng resulta. Saan? Pumunta lamang sa website ng Love Yourself kung saan mayroon nang form na maaaaring sagutan kung nais mong magpa-test.
Panahon na para pag-usapan ang mga bagay na isinasara ng ating pagiging konserbatibo at pinalalala ng ating kawalan ng kaalaman. Panahon na para mahalin ng mga kabataan ang kanilang sarili, alamin ang kanilang kalagayan, pangalagaan ang kanilang katawan at sekswalidad, tulungan ang iba upang makaiwas sa sakit at higit sa lahat, masugpo ang patuloy na paglaganap ng AIDS.
Kailangan lamang natin ay bukas na isipan, tapang, disiplina at pagmamahal sa ating sekswalidad.
curiosity killed your virginity este masarap ang bawal kaya hayaang matuto mismo sa kanilang pagkakamali. hindi titino ang mga shameless peeps hanggat walang shit happened na ngyayari sa kanila. hindi maiiwasan ang pagiging curious.
ReplyDeleteyan ang problema ng mga kabataan ngayon, curious sa lahat at malalakas ang loob na subukan lahat. sana matutunan muna nila ang magbasa at alamin ang mga pinapasok nila.
Deletesalamat sa pag share.... sa panahon ngayon dapat mag ingat.... kaya mahalagang mahalin at ingatan ang sarili...
ReplyDeleteMaging loyal na rin sa mga asawa para maka iwas sa sakit....
Pero sana gumaling na ang may mga ganitong karamdaman...
sana nga magkaroon na ng lunas ang ganitong karamdaman. ang pinakamabisa talagang pag-iwas ay ang pagiging faithful sa kapareha. ganun din ang pagrespeto sa sarili. salamat sa pagbabasa. :)
Delete