Thursday, December 26, 2013

Ngayong pasko sa mata ng mga bata

Alam na naman nating matatanda kung ano ang Pasko at kung bakit tayo nagdiriwang. Alam nga ba natin o nagpapanggap lang tayo dahil DAPAT alam na natin? O kaya naman, alam natin pero ang tamad nating magturo ng tamang kaalaman sa mga bata? Bakit ko ba naitanong ang mga ito? Dahil kakaiba na ang Pasko sa mata ng mga bata ngayon. Lahat po ng ito ay halaw sa nasasaksihan ng may-akda sa araw ng Pasko.

  • Isang bata ang namasko sa ninong n'ya. May nakahandang malaking regalo, maganda ang pagkakabalot at halatang pinaghandaan. Ang sabi ng bata, "Ayoko n'yan. Gusto ko pera."
  • May nagka-caroling sa isang bahay. Tumakbo ang batang dalawang taong gulang. Binuksan ang pinto at sumigaw, "Patawad. Walang pera."
  • May batang ayaw kumain habang lahat ay ngumunguya. Ang sabi n'ya, "Bakit ba kasi maraming handa?" Ang sabi ng ina, "Para kumain ka ng marami." Ang sabi ng isa pang bata, "Hindi ba dahil birthday ni Jesus?" 
  • Umiiyak ang isang bata dahil ayaw pumayag ng nanay n'yang manood ng sine sa araw ng Pasko. Sabi ng nanay, "Maraming tao masyado sa mall." Kaya naman nagmanuhan na lamang sila. Gabi na nagsimba ang pamilya dahil sa dami ng pinuntahan nang araw na iyon. Pagdating sa simbahan, ang sabi ng bata, "Eh bakit po ang kaunti ng nagsisimba?"
  • Nagbigay ng regalo sa lahat ng pamangkin ang tiya. Lahat ay binigyan n'ya ng mga regalong pinili ayon sa tingin n'ya ay angkop sa edad, kinahihiligan at ikatutuwa ng bata. Nang magbukas na ng mga regalo, may isang umiyak sabay bato ng regalo n'ya. Nang nagtanong ang tiya kung bakit, ang sabi ng nanay, "Kasi gusto n'ya kung ano ang meron ang iba."
  • May batang hindi kaanu-ano ng isang babae pero dahil kapit-bahay, ipinagbalot n'ya ng regalo. Ang sabi ng bata, "Hindi po namin kayang i-assemble 'yong laruan." Sabay simangot.
  • May batang hindi pa marunong bumilang ng pera. Sabi n'ya, may limang papel na s'ya (dalawang 20-peso bills, at tatlong 100-peso bills). Ang sabi n'ya sa isa pang bata, "papalitan mo kay mommy 'yang pera mo para dumami!"
  • May batang natapos nang mamasko at ang sabi n'ya, "Mommy, akin na ang pera ko! Bibili ako ng maraming candy."
  • May batang ang pamilya ay hirap sa buhay. S'ya ay nagsabit ng plastic bag kaysa medyas, para raw malaki ang regalo ni Santa. Kinaumagahan, ang sabi, "Ano ba 'yan? Kahit maliit na chocolate wala."
  • May mga batang nagpunta sa isang tindahan at namasko. Ang sabi ng tindera, "Tapos na ang Pasko; kaninang umaga pa ako nagbigay." Umalis nang malungkot ang mga bata.
  • May batang gusto nang magbukas ng regalo n'ya kahit hindi pa bisperas. Ang sabi, "Akin naman 'yan ah!" Sabay pagbato sa nakabalot na babasaging laruan.
Hindi ko nilalahat ang mga bata ngayon, pero sa dami ng mga ito sa loob ng isang araw, malamang hindi na maganda ang bilang ng mga batang hindi na naiintindihan ang Pasko. Maaaring iba na ang nagiging oryentasyon ng mga magulang tungkol sa pagdiriwang at hindi na sila nagagabayan nang maayos. Nakakatakot isipin na ang pagmamanuhan ay iniisip na nilang paraan ng pagkakakitaan ng pera---ng maraming pera. O ang pasko ay para sa kainan lamang. O ang pagdaramot ay normal lamang sa isang araw ng pagbibigayan. O ang Pasko ay dapat sa mall isine-celebrate at hindi sa simbahan. O ang lahat ng gustong regalo ay dapat nilang makuha. O dahil tungkulin ni Santa o ng matatanda na sila ay bigyan. O ang regalo ay dapat 'yong gusto lamang nila.


Ikaw, alam mo ba kung para saan ang Pasko? Baka gusto mo rin ibahagi sa mga bata ang kaalaman mo.

Maligayang Pasko sa inyo!



No comments:

Post a Comment