Sa panahon ng kapaskuhan, malamig na ang haplos ng hanging amihan. Dama ito sa madaling araw ng simbang gabi, sa madilim na panahon ng pangangaroling ng mga bata, at kung minsan taglamig lang talaga ang Pasko natin. Naaalala ko tuloy sa ganitong panahon ang mapangkalingang dampi ng sikat ng araw sa tuwing tag-init. Hindi alintana ang pagkasunog ng balat, 'di hamak na mas gusto ko ang pagyakap ng tag-araw lalo na ng katubigan. Ang tubig ang isa sa pinakanakakaengganyong puntahan tuwing tag-init. Ang bawat patak ng pawis, pangangati ng bungang-araw, pagkasilaw sa sinag ng tirik na araw, ang tila humihila ang ating mga paa sa dalampasigan ng malinaw na katubigan. Kaya naman ang pagbisita ko sa mga isla ng Caramoan ang aking yakap sa malamig kong kapaskuhan.
Nang sinabing sa Caramoan ang outing ng eskwelahan na pinagtatrabahuhan ko, ang unang pumasok sa utak ko, "Saan 'yun?" haha. Dahil hindi ako natuto ng marami sa heograpiya noong elementarya ako, wala akong ideya kung saan sa Pilipinas 'yon. Ang sagot lang nila sa akin, "Doon sa pinag-shooting-an ng Survivor Philippines!" At dahil nanonood naman ako ng Survivor, may ideya na 'ko. Ang akala ko ay tila magiging cast away experience ang pagpunta ko doon. Hindi naman pala.
Isang mahabang bus ride mula Rizal hanggang Naga City ang kinailangan namin. Kung may budget ka naman, pwede kang mag-eroplano para mas mabilis. Kapag sinabi kong mahaba ang byahe, 'yon ay tipong nakatulog ka na, nagising, natulog ulit, nagising ulit, at nagpa-ulit-ulit 'yon pero nasa kalsada ka pa rin. Tinatayang 11-12 na oras sa kalye. Hindi pa naman ako katandaan pero sumakit talaga ang balakang ko kahit nare-recline ang upuan ko sa bus. Hindi lang siguro talaga ako sanay sa mahabang biyahe. Ang ilang oras na paglalakbay ay mailalarawan ko sa ilang paghinto sa madaling araw, paghanap ng banyo, paghigop ng mainit na taho, pagpalis ng gutom, kagat ang tupig, bibingka, at pag-ihip sa umaasong papercup ng walang kasing sarap na 3-in-1 na kape. Sa mga ganitong pagkakataon, napakasarap kumain. Lalo na kapag hindi mo alam kung gaano katagal bago ka ulit makakababa para lamnan ang sikmura mo.
Dumating kami sa isang daungan kung saan naghihintay ang mga bangka na magsasakay sa amin papuntang isla ng Caramoan. Medyo tensyonado ako kasi hindi ako marunong lumangoy, kaya takot ako maglakbay sa tubig. Saka natatakot ako sa mga hindi ko naiintindihan at hindi ko nakikitang mga nilalang ng tubig. haha. Alam ko namang hindi totoo ang undin pero paranoid lang ako. haha. Ang mga bagahe namin ay isa-isang nilulunan sa mga bangka. Tanaw ko ang ilalim ng tubig sa sobrang linaw kaya naman naibsan ang aking takot sa mga hindi nakikita sa ilalim ng dagat. Ngunit hindi nagtagal ang lahat. Sa pag-usad ng aming bangka papunta sa mga isla, unti-unti, hindi ko na makita ang ilalim. Ang sabi ng isang kasama ko, mapapansin daw kung saan ang napakalalim na bahagi ng dagat---lahat daw ng bahagi na kulay asul. Gusto kong tumawa ng marinig ko ‘yon. Hindi ba’t puro asul ang kulay ng tubig? Tumanaw ako sa palibot, noon ko lang napagtanto na nagkaka-iba-iba pala ang pagka-asul ng dagat. Ang pinaka-asul ay nasa malayong bahagi. Nag-aagaw asul at luntian ang tubig na binabagtas ng aming bangka. Kahit pa ganoon, hindi ko pa rin kayang tanawin ang ilalim ng dagat. Para itong may lalim na walang hangganan.
Sa loob ng dalawang oras, niyakap ko ang aking takot sa paglalakbay sa tubig at nanalangin na matapos na ang aking pagtitiis sa pamamaluktot ng tuhod, nang hindi kumikibot sa loob ng dalawang oras. May kasikipan ang bangka na naglaman ng kulang isang daang katao. Ang tuhod ko ay nasa likod ng isa at tuhod naman ng iba ang nasa likod ko. Ang balikat ko at ng aking mga katabi ay tila magdudugtong na matapos ang dalawang oras. Kung maselan ka, hindi ka tatagal. Mabuti na lamang at kakilala ko lahat ng aking kasabay. Hindi ko alam kung pareho rin ang bangkang sinasakyan ng iba kasi may nakasalubong kaming malalaking ferry na mukhang napakasayang sakyang. Pihadong hindi sila siksikan at hindi nakakatakot kapag ang mga alon ay humahampas. Hindi sila tila idunuduyan ng mga alon na nagbabadyang itaob ang bangkang sa inyo'y naglululan. Sa bawat tilamsik ng tubig-alat mula sa pagsalpok ng mga alon sa katig ng bangka, nababasa ako ng takot kung makararating kami ng ligtas. Ngunit nang matapos ang lahat, walang katulad ang malaparaisong mga isla ng Caramoan!
Isang picture sa tubig at isa sa buhanginan. Ang unang larawan ang paborito kong isla. Hindi ko alam kung ano'ng tawag sa kanya ng mga taga-roon pero kung mapapansin n'yo, may mga nakadapa at hanggang leeg lang nila ang tubig. Ganoon talaga s'ya. Ang pinakamalalim ay hanggang dibdib lang. Para sa isang taong tulad ko na tila nalulunod na kapag hindi na abot ng paa ang ilalim ng tubig, isang napakalaking salt-water swimming pool ang tingin ko sa kanya. At ganoon lang s'ya kalalim kahit saang banda. Kaya naman para lang akong batang lumangoy ng buong pagkasabik sa tubig. Walang kahit na anong takot na sa pagtigil ko ay wala na akong maaapakang buhangin. Kung pwede lang sanang wag nang umalis doon kaso aabutan daw kami ng low tide at magiging buhanginan na ang marami sa bahagi ng islang iyon.
Ang isang isla naman ay ang napili naming tigilan para magtanghalian at mag-team-building. Ang tatanda na namin pero naglaro kami ng tiyakad at ng sack race, saka nagpaunahan makabuo ng giant puzzles at punuin ng tubig ang PVC pipe na puro butas. Noong una, nakakaalangan sumali kasi ang init. Pero noong nagsimula na, wala nang init-init! Heto ang aking team! Hindi man kami nanalo, masaya naman ang lahat. :D
Marami pa kaming pinuntahan sa island-hopping. Napakarami naman kasi ng mga isla. May mababato, may mababaw, may medyo malalim, may sobrang gandang pang-cover photo sa fb gaya nang unang larawan ko. Sobrang saya! Halata naman 'di ba?
Syempre, hindi naman matatapos ang lahat sa island-hopping. Meron din medyo mahirap pero nakakatuwang experience. Nagpunta kami sa groto ng Our Lady of the Holy Rosary. Hindi lang ang pag-akyat ang nakakapagod, pati rin ang pagdaong. Kinailangan namin maglakad sa malambot na putik dahil low tide. Sobrang kakaiba sa pakiramdam. Parang nakakatakot na nakakakiliti sa paa. Sobrang lambot at pino ng putik kaya para kang umaapak sa masa ng harina. Malambot, at bawat apak ay lumulubog ka hanggang binti. Tila kumunoy na lalamon sa iyo sa isang maliit na pagkakamali. Kinailangan naming magkapit-kapit para hindi kami bumuwal sa paglalakad. Patatagan ng binti at galing sa pagbalanse ang labanan.Nang marating namin ang ibaba ng groto, syempre, picture muna.
Medyo mahirap ang pag-akyat kasi hindi lahat ng hakbang ay pare-pareho. May malaki, may maliit, may mababa pero ang pinakamahirap, may mataas. Kaya naman magpapahinga lang ng kaunti, inom ng kaunti, pa-picture ng marami at titingin sa napakagandang tanawin sa pinanggalingang ibaba. Ganoon kami hanggang sa makarating sa itaas. Kung ilang baitang man iyon, hindi ko na nabilang. Nakakapagod magbilang habang umaakyat. Hindi talaga ako magaling mag-multi-task.
At nang matapos ang lahat ng paghigit sa hininga, nakarating din kami sa itaas. Kapag masyadong maiksi ang suot mo, may ipinapahiram silang balabal para kapag pumasok ka sa maliit na kapilya para magdasal, presentable ka naman. Malapit sa kapilya ang napakalaking imahe ni Mama Mary na kitang kita sa malayo kapag nasa dagat ka at papunta pa lang sa isla. Heto kami, nagpapahinga ng kaunti bago sumabak sa pagbaba. Syempre maraming picture-taking.
Pagpasensyahan n'yo na. 'Yan ang katuparan ng sarili kong post card. :P
At ang pangarap kong magkaroon ng alampay, ala-miss world.
Syempre pagkatapos ng lahat ng paglalakad, shower, at lubog ulit! Nariyan lang kami sa pool hanggang hapunan. Nang nagungulubot na ang balat sa sobrang babad at namimitig na ang mga binti sa kakakampay, naisipan din naming umahon.
Kinabukasan, sinimulan namin ang paglalakbay pauwi. Nagsimba muna bago tuluyan nang sumakay ng jeep papuntang daungan.
Bago umuwi, dumaan kami sa Lignon Hill kung saan may magandang view ng sunset. Ok, hindi sunset yan. Spotlight lang ang meron kami kasi may bayad ang pagpasok tapos maglalakad ka ng malayu-layo. Hindi kami tumuloy kasi ayaw na namin maglakad ulit pagkatapos ng groto experience. haha.
Ang punto ko, nakaka-miss ang init ng tag-araw. Oo, napakasaya ng kapaskuhan ngunit dapat rin lumipat ang taon at tumirik muli ang araw. Dahil hindi lahat ng nakakapagpasaya sa atin ay nasa iisang panahon lamang. Kailangang lumipas ang panahon, tumakbo ang oras, umikot ang mundo at maging ang ating buhay. Maligaya ang kapaskuhan ngunit hindi dapat doon nagtatapos ang kasiyahan. Sikapin nating masaya sa bawat buwan, linggo, araw, oras, minuto ng ating buhay. Maligayang Pasko at sa muling paglalakbay!
No comments:
Post a Comment