Hindi mo alam kung paano malungkot kung ang lagi mong sinasabi ay "okey lang 'yan."
Huwag mong sabihing naiintindihan mo dahil hindi.
Dahil kahit ako, hindi ko malaman.
Napapagod na akong magpaliwanag sa mga nagtatanong kung bakit.
Hindi ko rin kasi alam.
Napapagod na akong makinig sa mga haka-haka nilang dahilan.
Pagod na rin akong tumango sa lahat ng sinasabi nilang dapat gawing paraan.
Hindi mo naiintindihang hindi ko rin naiintindihan.
Ang alam ko lang
mag-isa ako, sa gitna ng kwartong walang tao
at sa gitna ng mga taong may kanya-kanyang kwarto
Nakikita ko sila gaya ng nakikita ko ang nasa paligid ko
Nakikita nila ako at ang sanlibong mukhang gamit ko
Mga mukhang pinagpapalit-palit ko
sa kunwari'y tapat sa kung ano'ng dapat
Mga ngiting nakapinta para sa bawat pagkikita
Ang alam ko lang
kaya kong magpalipas ng maghapon na walang tumatakbo sa isipan
Na ang kawalan ng nararamdaman ang pilit kong pinaglalabanan
Na ang dilim ng paligid ay tila, kahit ng umaga, hindi maiibsan
Sa dilim magkasiping ang nawawalang damdamin at kaisipan
Hindi mo alam kung bakit ko sinasaktan ang sarili ko
Dahil hindi ko rin maipaliwanag ang pakiramdam na dulot nito
Hindi mo alam dahil hindi ka naniniwalang kaya ko
Ngunit alam mo bang hindi ko rin naman ito ginusto?
Hindi mo alam kung paano malungkot kung ang lahat ng luha mo ay may dahilan
Dahil ang sa aki'y dumadaloy sa kawalan, sa kawalan ng nararamdaman
Hindi malaman ang katuturan ng lahat ng tumatakbo sa isipan
Paikot-ikot, masalimuot, kinukurot and bawat himay ng aking katauhan
Hindi mo alam kung paano malungkot
Kaya wala kang karapatang
Sabihing ito'y wala lang
o "magiging okey rin 'yan"
Hindi mo alam.
Hindi mo alam.
No comments:
Post a Comment