Hindi ko alam kung ito na ang huling liham ko sa'yo
Hindi rin sigurado kung bukas ay makakatula pa ako
Hindi mo man malaman ang inaawit ng pusong bigo
Hindi ako matatapos sa piniling pag-ibig sa tulad mo.
Ngunit matatapos ang paghihintay ng kulay sa ating kwento
Tutuldukan na ang huling salita na iginuhit ng alaala ko sa'yo
Dahil ang bawat musikang inialay mo at tayutay na tinula ko
Ay mistulang liham na pinaanod sa alon, nawala, naglaho.
Naiwan na lamang ay mga tilamsik ng alaala at ulan
Sa makulimlim na umaga at hanging sumisilip, dumaraan
Kulimlim na tumataklub sa lahat ng tubig na nag-aabang
Sa paghalik ng liwanag para sa bahagharing mamamaalam
May mga bagay na sapat nang pinapanaginipan na lamang
Dagling iniiwan sa ilalim ng unan, kinukumutan sa higaan
Sa gabi at dilim na lamang muling babalikan at hahalikan
Dahil ang panaginip na lang ang 'di nawawalan ng kailanman.
No comments:
Post a Comment