Mahalin mo ako gaya ng langit
na sa una mong pagsilip, sayo’y nagpapapikit
maliwanag at nakasisilaw sa iyong balintataw
ngunit langit pa rin sa iyong pananaw
Gaya ng umagang gigising sa iyong tabi
pagmamasdan ang iyong paghinga, ang iyong labi
na kay sarap bakasin ng dulo ng aking daliri
habang iginuguhit ko sa isip ang iyong pagngiti
Mahalin mo ako gaya ng langit
na iyong tinitingala sa kabila ng pagkabigong paulit-ulit
sa mga pangarap kong hindi ko maitawid-tawid
yakap ako sa paghikbi, nariyan ka, walang subalit
Gaya ng kung paano mo 'ko minamasdan
hanggang sa ang ating mga tingin ay magkahiyaan
sa pagitan ng gabi at umaga, naroon ka, humahanga
hindi mo ikinukubli ang pag-ibig sa iyong mga mata
Mahalin mo ako gaya ng langit
kung saan ang ulap ay sumisipol ng ating mga awit,
sumasayaw at gumuguhit ng ating mga larawan
na hangad mong pagmasdan habang nakahiga sa damuhan
Gaya ng pagsipol mo ng mga tonong nais mong aking lapatan
ng mga salitang alam mong ikaw lamang ang laman
lumilikha ng musika na kapwa puso’y matatandaan
lumipas man ang panahon, ang mga ulap, sa ating pagitan
Mahalin mo ako gaya ng langit
na kahit sa gabi, sa isipa’y hindi mo maiwaglit
gaya ng pangarap mong ako’y hagkan
sa ilalim ng ambon at liwanag ng buwan
Gaya ng paghalik mo sa aking kalungkutan
yayakapin ako at ang aking kaibuturan
saksi at hindi bibitiw anuman ang hantungan
dahil lahat ng kasiyahan, ikaw lang ang pag-aalayan
Mahalin mo ako gaya ng langit
na may amihang yumayakap sa bawat pintig ng pag-ibig
nagpapalipad ng aking isipa't ulirat sa himpapawid
wari’y habagat, daluyong na hinahagip ang aking dibdib
Ngunit ako’y gigising sa aking pananaginip,
dahil ang langit ko, kapilas ka man, hindi mo pa batid.