Wednesday, October 26, 2016

At Sunset

I want to believe that in the horizon,
the sea and sky could hold a kiss,
long enough for the colors to spread,
warm enough to keep everything red.

And so the sea asked, "If I would hold your hand,
will you hold my heart?"
The sky answered, "Take my hand, fly with me,
then we'll fall together down the heart of the sea."

Tuesday, October 25, 2016

Kabalintunaan

Tula ng Pag-ibig: Pag-ibig sa Tula 

May pag-ibig sa tula.
Mamahalin ka
matapos mong ibigay
ang iyong buong puso
sa bawat kataga,
sa bawat pyesa,
sa bawat konseptong
niyakap at iniukit sa alaala.

Magmamahal na lamang ako ng tula.

May pag-ibig sa pag-iisa,
matapos mong paglaanan
ng panahon ang kalungkutan,
na bumalot sa iyo nang
ika'y nakikipagbuno
sa mga demonyo
ng nakaraan:
yaong umuungkat
ng ibinaon mo nang sakit,
yaong tumutuklap
sa langib ng mga sugat,
yaong kumukurot
sa pilat na kumikirot
sa bawat yakap.

May pag-ibig sa pag-iisa.
Gaya ng pag-ibig na dulot ng tula.
       
***


Tula ng Pag-asa: Pekeng Alapaap

Hindi na nagungusap ang mga mata
Hindi na saya ang bumabalot sa kanila
Sa bawat tingin mo, hindi na nalulusaw
Hindi na tumitibok ang pusong nauuhaw

Hindi na hinahaplos ng iyong mga labi
ang kasawian ng mga halik na may pagsisisi
ng mga yakap na hindi na umiinit
ng lahat ng ikaw na binabawi kong pilit

Yayakapin ka ng mahigpit, kakapit
sa pag-ibig na dumudulas, kumakalas

Haharap sa salamin, saka muling magsisinungalin
saka muling kakabigin ang tali ng damdaming
'di mabitiw-bitiwan ng alaalang umaalipin

Nabubuhay sa pangarap na muling mananaginip
gaya ng pagpapanggap na ang hangin ay umiihip
sa pekeng alapaap, sa nagkukunwaring langit
nalulunod na sa luhang nagtatanong kung bakit

Hanggang kailan kakapit sa nakaraan?
Ang kwentong 'di matapos sa malamig na paglisan,
Laging bumabalik sa dulo ng sinimulan.

           ***


Tula ng Pananampalataya: Panginoon

Sa pagpatid ng tali sa leeg at kamay,
unti-unti na nating makakalas
ang mga kadena ng bolang bakal sa mga binti.
Matagal na tayong itinali
at pinakakain ng kanilang mga itinatapon.
Taga-konsumo
ng mga bagay na pinagkakakitaan ng imperyo.
Tayo ang merkado
na kanilang binebentahan ng lahat ng produkto:
mga bago,
may depekto,
mga sobra,
mga luma,
at kahit mga damit na ibinasura na;
mga armas na walang bala,
dahil ang bala ay sa kaaway ibinebenta,
nang ang kalakal ay magpatuloy
at hindi mawalan ng pangangailangan.
Negosyo ang giyera.
Ninegosyo ang giyera.
Kasabay ng kanilang tUbo
sa larawan ng babaeng pinuputa.
Patuloy tayong ibinabaon sa
konsumerismo ng mga bagay na galing sa kanila
mula kape hanggang pelikula
kahit ang mga produkto natin
ay kayang mamayagpag sa ibang bansa.
Walang kakumpitensya
kaya naman sa kanila
ang monopolyo.
Tayo
ay mga dagang tumatakbo
sa karerang sila ang bumuo,
at umiikot ang pera ng tao
patUngo sa kanilang mga bulsa,
nabubusog habang tayo'y nagugutom dahil sa
imperyalismo
na bumuo ng imperyong
may mga panginoong maylupa
na patuloy na inaalipin
ang taong sa ati'y nagpapakain,
inaangkin ang atin,
upang sila'y patuloy sa pagkain
ng hindi nila pinagpaguran,
bagkus ay kinamkam lamang.
Pinayakap sa atin ang kaisipang
tayo ay tamad
kaya tayo hindi umuunlad,
upang hindi tayo magtaka
kung bakit sa ating pagpapakahirap
ay hindi tayo makaangat-angat.
Tayo ay hinati-hati
upang patuloy na maghilahan gaya
ng ginagawa ng marami 
na bagkus tumulong
ay patuloy na sinisiraan
ang gobyernong
pinipilit itayo ang dignidad ng isang bansang
matagal nang kolonya at may pekeng kasarinlan.
Nakakatawa na
ang sumisigaw ng 'gutom' 
ay ang mga taong may ipon,
at mga taong kumakayod
ng isang kahig at isang tuka
ay hindi nagrereklamo.
Bakit?
Dahil wala nang ikagugutom pa
ang mga taong nagugutom na
sa matagal nang panahon.

***

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 8






Saturday, October 8, 2016

Tuliro

Sa bawat paglapat ng mga palad mo
Sa palad ko
Puso'y tumitigil sa pagtibok,
Napapalunok
Hininga'y napipigilan
Sa ating pagitan
Walang naiintindihan
Sa mga tinuran
Namumutawi ay "ok lang"
O 'di kaya'y napiping tuluyan
Tumango, umiling,
ngumiti na lamang.

Lost


I was lost
at that moment
you were looking at me
with eyes that feel
with silent intensity
listening intently
and I had to catch myself
from falling and failing
to keep my heart still
when everything else vanished
clouding my thoughts
of my throbbing within
and what stays is my reach
towards you, in between.

Notes for the Universe

















Sunday, October 2, 2016

Akap

from Akap by Imago
Pikit-mata 
kong iaalay ang buwan at araw
pati pa sapatos kong suot
Nagtatanong
simple lang naman sana ang buhay
kung ika'y lumayo...

***

Pikit-mata:
Buod ng ating pag-ibig sa iisang salita
Pag-ibig nga ba na binulag ng tadhana?
Tadhana'y naniwala na may iba
sa ating dalawa
na magiging panghabambuhay ang
nagtatamisang salita

Pikit-mata.
Inialay mo ang lahat ng meron ka
Inialay ko ang lahat ng aking magagawa
para sa mga pangarap na tila
maaabot ang langit ngunit...wala

Pikit-mata
na hinawakan ko ang iyong kamay
Nang sinabi mong hindi ako sa puso mo'y may taglay
humahabol sa pag-asang nawalan ka lamang ng kataga
kung paano ipaliliwanag ang kahulugang nawawala

Pikit-mata
kong minahal ang lahat: ang pait, ang sakit, ang pilat
ang pait, ang sakit, ang pilat
nang bawat sugat na sumulat
ng mga kwentong walang pamagat.

Pikit-mata
kong hinarap mag-isa ang katotohanang hindi talaga
maari ang pag-ari sa taong hindi kilala
na nakatago ang kaluluwa mula sa
mga taong nais bumasa, yumakap at tumula

Hanggang sa huli, bulag ako sa kung ano'ng totoo
sa mga ngiting pinagsaluhan
sa iilang pagkakataon ng katuturan
ng damdaming nahulog ngunit walang kahulugan.