Sa bawat pagsisid, ikaw ang hanging baon ko
Pinapawalan ng dahan-dahan, iniingatang mawala ng tuluyan
Pumupuno sa aking dibdib, nagpapatibok ng aking puso
Ibinabaon sa muling paglubog, paglisan, matapos sa ibabaw ay balikan
Ikaw ang baon kong buhay sa gitna ng tubig na yumayakap
Salungat man sa mga alon, mahapdi man ang alat ng dagat
Nagpapaanod sa damdaming sa kailaliman hinahanap
Sumisikad pa rin pabalik sa iyong hininga sa kagyat na pag-angat
Ikaw rin ang tubig na niyayakap ng aking kabuuan
Humihigit sa hininga habang pinapatid ang aking uhaw
Kailangan ko lamang lumubog at ako'y sa iyo na nang tuluyan
Patuloy akong lumulutang sa ilalim ng ating pag-uulayaw
Dalangin ko lamang na ito'y magtagal, magpatuloy
Sa kabila ng paglulunoy sa tubig, nang mata'y nakapikit
Pumapadyak sa kawalan, kumakampay, lumalangoy
Hinahawi ang tubig, hinahati ang dagat, sa alon kumakapit
Ngunit lalanguyin ko lamang ang lalim na kaya kong pangatawanan
ang lalim na kaya kong languyin, lisanin, balikan
ang lalim na hindi dudurog sa aking puso at katawan
ang lalim na hindi magpapalubog, lulunod sa akin nang tuluyan
Ikaw ang ulan sa bawat taglamig na dumarating at lumilisan
Sa bawat patak mo, ako'y nililinis, binabasa, pinapaliguan
Gumagapang ang iyong patak mula noo hanggang hangganan
Tinutulay, ginagalugad ang bawat himay ng aking katawan
Mata ko'y pumipikit at nananaginip na ika'y hinahagkan
Sa ilalim ng malakas na tikatik at bugso ng nagngangalit na ulan
Hayaan mong abutin ko ang iyong kamay upang aking maramdaman
Ang init sa gitna ng lamig, ang basa sa gitna ng lupang tigang
Ngunit mababasa lamang ako sa ilalim ng iyong mga patak
Sa panahong pipiliin kong itapon ang aking payong
Sa panahong ang tubig ay aagos sa puso kong bitak-bitak
Sa panahong 'di malulunod, 'di maghahangad ng pag-ahon
Ikaw ang tahanan na kung nasaan ay hindi ko pa nahahanap
Binabagtas ang kalsada, ang bayan, hanap ang haligi at bubungan
Umiikot sa mga kantong nagsasanga at palatandaang 'di mahagilap
Naliligaw sa mga eskinitang malabo at madilim ang lagusan
Ikaw ang marka ng pagpapahinga para sa puso kong pagod na
Magbubukas ng pinto bago pa man ako magsimulang magsalita
Sisilip sa bintana na nakukubli ng mga nagluluksang kurtina
Magpapatuloy sa patuloy na umaasang ako'y kukupkupin mo na
Subalit ang aking pagkakatunton sa'yo ay hindi inaasahan
Hindi ko alam kung makababalik pa kung ako'y lilisan
Kaya naman hangad kong manatili sa piling mo kailanman
At ipinid na ang pinto ng tahanang aangkinin ko nang lubusan
Ikaw ang lutong-bahay na palagi kong inaabangan
Nagpapabango sa kusina, nagpapasabik sa bawat hapunan
Nanunuot sa ilong ang amoy ng ginisa, ng sinangag, ng bawang
Kinukurot ng asim at tamis ang sikmurang walang laman
Ikaw ang lutong-bahay na madalang kong matikman
Bihirang makasama sa tuwing manananghalian
Hinahanap-hanap ang lasang lubusan nang kinasanayan
Dahil sa sangkap mo, pagmamahal yata, 'di ko alam
Ikaw ang tsinelas matapos ang maghapong pagod sa paglakad
Simple, maginhawa, mapagmahal sa mga pagal kong mga paa
Gaano man kamahal ang mga sapatos, saan man ako mapadpad
Ang tangi kong pahinga, sa iisang pares lamang makukuha
Pinapasan mo man madalas ang pagod ko sa lahat ng dinaanan
Hindi ka bumibitiw, di napipigtas, di ako binibigo
Kailangan mo mang yakapin ang lahat ng alikabok na tangan
Walang alinlangan, ako'y hinahagkan, marahan at masuyo
Ikaw ang unan sa pagitan ng lahat ng mga panaginip
Mga pangarap at hinahangad sa paghimbing at sa pagbangon
Nasa iyo na ang mga takot at pag-asang nakapinid
Pati kakaibang pangarap sa pagtulog na sa iyo'y nakabaon
Ikaw ang malambot na dantayan sa lamig ng gabi
ang aking niyayakap upang sa panaginip ay kapiling
ang kumakanlong sa aking mga pisngi at mga labi
sa init ng silid, sa gitna ng nag-aagawang liwanag at dilim
Ikaw ay libro na nagtatago ng lahat ng aking pag-ibig at pagkabuyo
Nasa pahina mo lamang ang aking mga kwento ng pagsuyo
Maging ang mga basang pahina, naninilaw at nilukot ng pagkabigo
Ikaw ang bawat kabanata, pahina, salita at tula ng aking puso
Masuyo kong hinahaplos ang bawat papel ng ating kwento
Itinuturo ng daliri ang mapagpalaya at masidhing salita para sa'yo
Inililipat ang mga pahinang saksi sa bawat paghanga, maging ng paglayo
At muling pagbalik sa nag-iisang balangkas, kasukdulang tanging iyo
Ikaw ang musika na paulit-ulit kong dinadama
ang bawat ritmo, bawat hagod, bawat salita
ang mga letra at nota na magkasiping sa paglaya
ng mga damdaming humuhulagpos, kumakawala
Ikaw ang tula na nabubuo ng pag-ibig at musika
Nagtatampisaw sa laro ng salita, ritmo, at tugma
Nagpapaabot ng mga damdaming nakahain, nakatala
Maging pag-ayaw sa pagsayaw sa saliw ng ibang musika
Ikaw lahat ng 'yan at marami pang ibang bagay na magaganda.
Dahil, mahal ko, ikaw lang naman talaga.
Wala nang iba.
Wala nang iba.