Tuesday, December 31, 2013

Zonal Status: Saang Banda Ka Ba?

Malamang alam na ng marami kung ano ang zonal status. May Friendzone, Seenzone,  Kzone, Sentzone, at kung anu-ano pa. Hindi na kailangan ng malalim na pagninilay kung bakit dumarami ang ganitong mga status. Mula pa noong una meron na nito, pero iisa lang ang tawag: unrequited love. High school na 'ko nang malaman ko ang ibig sabihin n'yan pero elementary pa lang ako, danas ko na yan. Ang punto ko: halos lahat ng tao ay nakaranas na hindi mahalin ng taong mahal nila. (Ouch!)

Sa kabila ng maraming pagkakataon na hindi ibinabalik ang pagtingin ng isang tao, ang mga Pinoy ay nakaisip ng iba't-ibang paraan para sabihing basted sila at walang pag-asa (euphemism, magaling tayo d'yan). Kaya naman nauso online ang mga nabanggit na zonal status. Isa-isahin natin:


  • Friend zone
Matalik na kaibigan. Hingahan ng sama ng loob. Alam mo lahat tungkol sa kanya at lahat ng pinagdaanan nya. Maraming pagkakataon na hiniling mo sa langit na sana ikaw na lang ang minahal nya at hindi na ang kolokoy na wala sa kalingkingan ng kagwapuhan kabaitan mo. Dahil ikaw ang kaibigan, alam mo lahat ng kwentong pag-ibig nya kahit sa loob mo ay nakatali sa katorpehan ang kagustuhan mong ligawan s'ya. (Soundtrack: Kung Ako Na Lang Sana by Bituin Escalante, Halaga by Parokya ni Edgar)

Eh sinubukan mong maglakas-loob. Sinabi mo ang nararamdaman mo, kasabay ng butil-butil na pawis, panlalamig ng mga kamay at tila nakahihimatay na pressure. Ang sabi n'ya, "Sorry, I can only offer friendship." Dumugo ang ilong puso mo kasabay ng (Soundtrack: Sinaktan Mo ang Puso Ko by Michael V., Kaibigan Lang Pala by Sheryl Cruz)
  • Abangers zone 
Sa mga na-friend zone, magpasalamat na kayo dahil mas ok na 'yan kesa naman nasa abangers zone kayo. Hindi pinakamatalik na kaibigan. May common friends lang o kaya naman, nakilala mo lang sa isang event at hindi masyadong nagkausap. Dahil meron na syang significant other, nganga ka na lang dahil hindi ka naman makaporma. Alam mo namang hindi hamak na mas malaki ang ab mo sa 6-pack nya, pero ganun talaga ang buhay. Pwede ka namang maging abangers forever at maging rebounder kapag may pagkakataon. (Soundtrack: Nandito Ako by Ogie Alcasid)
  • K zone
Pero mas mabuti pa rin na nasa abangers zone kaysa naman nasa Kzone ka. Kzone or K.zone or Okzone. Magkakilala kayo at hindi masyado magka-close pero may lakas ka ng loob i-PM, i-DM, i-text, i-IM sya. Kaso ang sagot lang sa'yo ay 'ok.' Mas masaklap naman ang 'k,' at hindi na kinayang lagyan ng 'o.' Pero mas nakakapanlumo ang 'k' dahil dalawang keys lang ang kaya nyang pindutin para sa'yo: 'k+enter'. Makinig ka na lang ng (Soundtrack: Bakit Nga Ba Mahal Kita by Roselle Nava)

Sumubok ka ulit magmessage at na demote ka tuloy sa sumunod na zone. 
  • Seen zone
Dahil makulit ka at hindi ka payag na 'k' lang ang isasagot n'ya, nagbukas ka ng bagong topic na pag-uusapan. At ang tingin n'ya ay nang-aabala ka dahil busy sya sa pagpopost ng selfie nya, kaya tiningnan lang nya ang post mo at bumalik na sa kanyang importanteng status na 'feeling.' (Soundtrack: Kailan by Smokey Mountain)
  • Sent zone
Kahit nasa seenzone ka na, hindi ka pa rin sumuko. Alam mong balang araw, kakausapin ka rin nya at napagtatanto nya ang alindog at karismang meron ang kaibigan mo ka. Nag-PM ka ulit at sa lahat ng PM mo, hindi man lang lumalabas ang 'seen.' Malamang sa malamang, ni-click lang n'ya ang messages pero nang makitang ikaw, hindi na n'ya binuksan. Tapos 'marked unread.' Habang ikaw ay naghihintay na makita man lang n'ya ang kakesohan mo, bumalik na s'ya sa pagpose para sa OOTD n'ya. (Soundtrack: Naghihintay by Jacob)
  • Offline zone
Lagi kang nag-PPM sa tuwing makikita mo syang online, at napansin nyang lagi kang updated kung anong oras sya maglolog-in. Kaya naman nag-customize na sya ng settings ng chatbox nya at nakaoffline na sya sa specific people named YOU. Paano mo malalaman na ganoon na ang status mo? Kapag nakikita mo pa rin sya sa newsfeed at nakikipag-interact sa lahat ng friends nya samantalang sa kanya ay offline ka. Bigyan natin ng benefit of the doubt: Baka naman nakaoffline talaga sya sa lahat. Kung sya ay sikat na tao, maaaring umiiwas sa spot interview; kung kagandahan, umiiwas sa stalker. Asa ka pang magoonline sya? Ikaw ang bahala. (Soundtrack: Umaasa by 6 Cycle Mind)
  • Fan zone
Dahil offline sya lagi, napunta ka na sa Fan zone. Nag-lalike ng status, nagreretweet ng "JWU" nya, hindi makapag-comment dahil hindi naman sya sumasagot sa thread. Nagbubukas ka na lang ng profile nya  maya't maya para malaman kung may bagong post. Sya na ang laman ng bookmarks mo para sa bawat bukas ng laptop o ng cp mo ay page nya ang una mong pupuntahan. Binabasa mo ang lahat ng post nya hanggang makarating ka sa "Joined Facebook _____" part ng timeline. Kung personal ang pagkakakilala ng nasa friendzone sa isang nagugustuhan, ang fan naman ay detayaldo mula sa laman ng birth certificate, baptismal, facebook, twitter, blog, plurk, at kung anu-ano pa. In short, nakasubscribe sa buong pagkatao ng taong sinusundan. (Soundtrack: Suntok sa Buwan by Eraserheads)
  • Stalker zone
May napakanipis na linyang naghihiwalay sa isang fan at isang stalker. Ang fan ay kaaya-aya, ang stalker ay pangit. The end. (Wala kang soundtrack kasi malamang malapit ka na nyang i-block. Move on ka na lang.)

Para sa lahat ng sawi at magbabagong-taon mag-isa: Cheers! Masayang maging single kesa dumami ang  soundtrack na maririnig mo. Ktnxbye.


*Tagalog po ang blog na ito kaya ipagpatawad nyo kung puro OPM ang nilagay ko. Alam ko, marami kayong paboritong emo foreign songs pero pagbigyan nyo na ko. Happy new year!

Monday, December 30, 2013

Hindi Lang New Year's Resolution ang Pwedeng Ihanda sa Bagong Taon

Sa paglipat ng bagong taon, hindi naman nawawala ang mga pamahiin, pangako ng panibagong simula, paniniwala sa swerte at pag-iwas sa malas. Wala namang masama sa lahat ng ito. Huwag lang natin kakalimutan ang nagdaang taon. Sakit na kasi ng mga Pinoy ang pagkalimot---kung paano nakalimutan ang Hacienda Luisita case, ang Hello Garci scandal, at Maguindanao massacre. Ok, 'wag pulitika. Marami tayong nakakalimutan: pamilya, magsaya, matuto sa pagkakamali, at minsan nakakalimot na pati sa sarili. Huwag natin kalimutan ang 2013.


Heto ang pwedeng gawin maliban sa maglista ng new year's resolution---ilista ang lahat ng natutunan natin sa nagdaang taon: pagkakamaling hindi na gagawin, mga napagtanto mo, mga aral na sapilitang pinapulot sayo ng mga pagkakamali mo at marami pang iba. Uunahin ko na ang listahan ko.

Dear Jem, 
  1. Masayang maglakwatsa kapag marami kang kasamang kaibigan.
  2. Dapat bino-block ang mga lalaking committed at nanlalandi.
  3. Ang bumabalik na ex ay nakikipaglandian lang.
  4. Yumakap ng isang mahalagang tao kada araw para hindi ka malungkot.
  5. Ang trabaho ay hindi nauubos kaya dapat mag-recharge.
  6. Makipagkilala sa mga bagong kaibigan at palawakin ang mundo mo.
  7. Laging may taong naghihintay na mapakinggan mo pero huwag araw-arawin ang Starbucks dahil magiging acidic ka na naman.
  8. Maging blessing para sa lahat ng makakahalubilo mo.
  9. Dapat alam mo kung ano ang gusto mo at matuto kang panindigan 'yon.
  10. Kailangan mo ng love life maniwala ka man o hindi.

Lovelots,
Jem 2014

Ok na siguro ang sampu. Mahina ang memory ko eh. Ikaw, ano ang sa'yo?

Friday, December 27, 2013

Ang Kabataan Ngayon at ang HIV AIDS

*Hayaan n'yo ang may akda na talakayin ang isang isyu na napapanahon, kahit pa sensitibo at maaaring magpataas ng kilay ng mga mambabasa: HIV AIDS. Ang mga ito ay nakabase sa obserbasyon ng may-akda at sa ilang impormasyon na nasagap niya sa talakayan na kanyang nadaluhan.

Ano ba ang pinagkaiba ng mga kabataan ngayon sa dati? Bukod na mas marami sa kanila ang nahuhumaling sa mga elektronik na pagkakaabalahan at pinipiling nakakulong sa bahay; bukod sa marami sa kanila ang maagang nakikipagrelasyon; bukod sa mas malaki na ang impluwensya ng media sa kanila kaysa sa pamilya at eskwelahan, mayroon pang nakababahalang pagkakaiba ang mga kabataan ngayon kaysa dati. Marami na sa kanila ang sumubok sa hindi ligtas na pakikipagtalik. Kung dati ay pre-marital sex ang problema ng mga kabataan, ngayon ay hindi na lamang iyon. Dumarami na rin ang sumusubok sa pakikipagtalik hindi lamang sa kanilang karelasyon, maging sa hindi nila kapareha. Dito pumapasok ang problema ng mabilis na pagtaas ng porsyento ng mga taong nakakaroon ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS).

Gaano ba kabilis ang paglaganap nito? Tinatayang sa loob ng isa't kalahating oras, may isang taong nagkakaroon ng AIDS. Ang bilang na ito ay patuloy na tumataas sa Pilipinas. Paano nga ba masosolusyunan ang ganitong problema?

Nitong Disyembre, ang eskwelahan na pinagtatrabahuhan ko ay naglunsad ng isang programa na magtatalakay sa sekswalidad at HIV AIDS. Ang mga mag-aaral na dumalo sa seminar na ito ay nabibilang sa ikatlo at ika-apat na baitang ng sekundarya. Ang mga kabataang ito na may edad 14-17 taong gulang ay napisil na angkop na tagapakinig sa ganitong talakayan. Dito tinalakay ang kahalagahan ng pagkilala ng isang tao sa kanyang sekswalidad at ng respeto sa kanyang katawan. Sa itinakbo ng talakayan, makikita ang kaalaman ng mga kabataan ngayon sa kanilang sekswalidad. Hiwalay nilang nakikita sa pagkatao ng iba ang sekswalidad. Kaya naman nagkakaroon ng pagkakataon na ang pakikipag-ugnayan ng iba ay nakabase lamang sa sex at hindi upang magkaroon ng kapareha na mamahalin, irerespeto at makakasama hanggang sa huli. Mapapansin na mas nagingibabaw ang pagtingin nila sa kanilang kapwa kabataan bilang sex object kung hindi rin lang nila kakilala.

Dito rin tinalakay ang diskriminasyon na ibinabato sa mga taong may AIDS. Totoong nakakatakot ang mga bagay na hindi natin naiintindihan, kaya naman ang nararapat na sagot upang matigil ang diskriminasyon ay bigyan ng kaalaman ang mga tao hinggil sa totoong kondisyon ng mga taong may AIDS, paano ito maiiwasan at kung ano ang dapat gawin upang hindi na lumaganap.

Paano ito naipapasa?

Isang importanteng kaalaman na tinandaan ko ay kung paano maaaring maipasa ang AIDS: kapag may fluid na sangkot. Anu-ano ang mga fluid na ito? Semen, vaginal fluid, at dugo. Hindi totoo na ang AIDS ay naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagkamay, paghiram ng mga gamit, paghalik, o kahit na anong paraan ng pakikihalubilo sa iba. Ito ay isang kondisyon na maaari lamang makahawa kung magkakaroon ng contact sa fluid ng taong may virus.

Ano ang nangyayari sa taong positibo sa AIDS?

Ang taong napag-alamang positibo sa AIDS ay posibleng makakuha ng karamdaman dahil sa pagbagsak ng immune system. Kaya naman may mga gamot na kailangang inumin sa tamang oras at tamang dosage upang mapanatiling malusog ang katawan. Oo, kaya pa rin maging malusog ng isang taong may AIDS. Maihahalintulad ito sa sakit na Hypertension o mas kilala bilang high blood, gayun din sa Diabetes dahil sa pangangailangan nito ng atensyong medikal. Ito ay nangangailangan ng panghabambuhay na gamutan dahil kapag nagkaroon ka na nito, hindi na ito mawawala. Kinakailangan lang ng patuloy na paggagamot upang manatiling malusog ang pangangatawan.

Paano ito maiiwasan?
Dahil alam na natin kung paano ito naipapasa, ilang lang ang mga ito sa maaari nating gawin upang maiwasan ang virus:

  • Hindi pakikipagtalik sa hindi asawa.
  • Ligtas na pakikipagtalik.
  • Siguraduhing ang kapareha ay hindi nakikipagtalik sa iba.
  • Ang mga gawaing gaya ng pagpapa-tattoo, pagpapahikaw o anumang gawain na sangkot ang dugo ay dapat sa mapagkakatiwalaang artist o body piercer upang makasiguro sa sanitasyon at bagong kagamitan.
  • Higit sa lahat, hintayin ang basbas ng kasal bago pa ang lahat.

Paano tayo makakatulong sa pagsupil sa patuloy nitong paglaganap?
Dalawang bagay ang maaari nating gawin:

  1. Iwasan ang mga gawain kung saan maaari mong makuha ang virus.
  2. Kung sa tingin mo ay may posibilidad na ikaw ay magkaroon, magpa-test agad. Ang testing, counseling, at mga gamot ay libre. Pangangalagaan rin ang iyong pagkakakilanlan kung ikaw ay magpapa-test. Walang sinuman ang makakaalam ng pagpunta mo, ng proseso at lalo na ng resulta. Saan? Pumunta lamang sa website ng Love Yourself kung saan mayroon nang form na maaaaring sagutan kung nais mong magpa-test.
Panahon na para pag-usapan ang mga bagay na isinasara ng ating pagiging konserbatibo at pinalalala ng ating kawalan ng kaalaman. Panahon na para mahalin ng mga kabataan ang kanilang sarili, alamin ang kanilang kalagayan, pangalagaan ang kanilang katawan at sekswalidad, tulungan ang iba upang makaiwas sa sakit at higit sa lahat, masugpo ang patuloy na paglaganap ng AIDS. 

Kailangan lamang natin ay bukas na isipan, tapang, disiplina at pagmamahal sa ating sekswalidad.

Pagdaan sa Ilalim ng Karayom: Natintahan Ka Na Ba?


Ang disenyo at paglalapat nito ay likha ni
Herbert Ebok PinpiƱo. Siya rin ang kumuha at nag-edit
ng larawang ito. Ang phoenix na makikita sa larawan ay
may mga elemento ng tulips at mga ulap upang makalikha
ng oryental at pambabaeng istilo ng pagkakalapat. Ginawa
ito sa loob ng limang oras.

Maraming tao ang tumataas ang kilay kapag tattoo ang pinag-uusapan. Bakit nga ba?

Ang tattoo, gaya ng alam ng marami ay hinuha pa sa kulturang Pilipino bago pa man tayo masakop ng mga dayuhan. Ito ay sumisimbulo ng karangyaan, posisyon sa lipunan at kadakilaan lalo na ng pinanggalingang angkan. Ito rin ay sining na simbolo ng kagandahan.

Paano nga ba nag-iba ang tingin ng maraming konserbatibong Pinoy sa tattoo?

Maaaring naging isang dahilan ang pagkabura ng malaking bahagi ng katutubong kultura na mayroon tayo nang ninais ng mga dayuhan na 'linisin' ang ating sistema at ipayakap sa atin ang mga dayuhang kaugalian. Halos hindi na nga natin kayang kilalanin ang mga katutubong kultura ng mga Pilipino dahil na rin sa tila sapin-sapin at halu-halong kulturang ating niyakap sa loob ng napakatagal na panahon.

Isa pang posibleng dahilan ay ang pagkakaroon ng masamang konotasyon ng tattoo dahil sa paglaganap nito sa mga bilangguan bilang simbolo ng pagkakabilang sa iba't-ibang mga gang. Dahil na rin sa kakayahan ng tattoo na  magbigay tanda sa isang pagkakabuklod gaya ng silbi nito sa mga angkan noong unang panahon, ang mga taong miyembro ng isang organisasyon, mabuti man o hindi, ay ginamit ito para sa permanenteng pagkakakilanlan.

Bakit nagpapa-tattoo ang mga tao?

Ilan sa mga dahilan ng pagpapa-tattoo ay:
1. pagpapahayag ng saloobin o ng pagiging malikhain
2. pagkakaroon ng permanenteng simbolo ng mga bagay o taong pinahahalagahan
3. pakikiisa sa mga kaibigang mayroon na rin tattoo
4. mapagtagumpayan ang sakit ng pagpapalagay nito
5. magkaroon ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal o pangkat

Ano ang mga paghahanda bago magpa-tattoo?


1. Pag-isipan mabuti kung saan nais ipalagay ang tattoo

May mga bahagi ng katawan na masakit kapag nilagyan dahil mabuto o kaya naman ay manipis ang balat. Mayroon din namang parte na kapag kitang-kita, magiging problema mo kapag ang iyong trabaho sa maselan sa ganitong bagay. Pag-isipan ang mga pagkakataon na maaari kang malimitahan ng iyong tattoo. Ipalagay mo s'ya sa bahagi na hindi mo poproblemahin ang pagkakaroon nito sa kahit na anong pagkakataon.

2. Ihanda mo ang sarili sa sukdulang sakit.

Gaano ba kasakit ang pagpapa-tattoo? Isipin mo na lang ang kirot ng karayom na itinusok sa'yo para kuhanan ka ng dugo. Hindi ganoon kalalim. Gagasgasan lamang ang iyong balat para pumasok ang tinta. Ang problema lang, 9 na karayom na mabilis ang pagtusok ang gamit para sa paunang pagguhit ng tattoo. Bukod pa ang 15 karayom na kailangan para naman sa shading. Palitan ang paggamit noon depende sa paglikha ng artist. Mas malaki ang tattoo, mas matagal at mas masakit ang proseso. Hindi maaaring sa kalagitnaan ng proseso ay aayaw ka. Bakit? Hindi maganda ang hindi natapos na tattoo. Magmumukha lamang itong sugat.

3. Ihanda ang disenyo na hindi kailanman magbabago para sa iyo.

Ano ba ang ipalalagay mo? Cartoon character ba? Pangalan ng kasintahan mo? Paboritong banda mo? Isipin mo ang mga bagay na permanente. Hanggang kailan mo mamahalin ang cartoon na gustung-gusto mo ngayon? Nakikita mo pa ba ang sarili mo na may Pooh bear sa braso kapag 55 taong gulang ka na? Paano kung niloko at iniwan ka ng kasintahan mo? O kaya naman nagbago isip mo? Kung ang mag-asawa nga naghihiwalay, magkasintahan pa kaya? Baka naman matapos ang ilang taon, hindi na sikat ang paborito mong banda o mang-aawit. Halos lahat ng naging bahagi ng pop(ular) culture ay nalalaos din. Baka hindi mo na gustong nakatinta sa'yo ang mga iyan buong buhay mo. Pwede ang pangalan ng anak mo; hindi naman iyon magbabago. Pwede ang mga mahal sa buhay, prinsipyo, simbolo ng pagkatao mo, o kung anumang permanente sa iyo.

Ano ang kailangang gawin matapos ang pagpapa-tattoo?

Ang pagpapagaling ng tattoo ay tulad rin ng pagpapagaling ng karaniwang sugat. Ang pagkakaiba lang, may disenyo ito at may tinta na hindi dapat mabura habang nagpapagaling. Kailangang hindi magkaroon ng impeksyon, hindi dapat malapatan ng kahit na anong maaaring bumura sa tinta, at lagyan ng gamot na pampabilis ng paghilom. Ang paggaling nito ay gaya rin ng ibang sugat na nagsisimula sa pananakit maging ng kalamnan at susundan ng lubhang pagkati ng sugat habang naghihilom. Hindi dapat tanggalin ang langib at hayaan na lamang itong maalis ng kusa.

Kung nais mong magkaroon ng tattoo, dapat mo muna itong pag-isipan o pagplanuhan dahil ito ay isang bagay na permanente. Pwede naman daw ipabura. Oo, pwede. Mas masakit nga lang at mas mahal.


Thursday, December 26, 2013

Ngayong pasko sa mata ng mga bata

Alam na naman nating matatanda kung ano ang Pasko at kung bakit tayo nagdiriwang. Alam nga ba natin o nagpapanggap lang tayo dahil DAPAT alam na natin? O kaya naman, alam natin pero ang tamad nating magturo ng tamang kaalaman sa mga bata? Bakit ko ba naitanong ang mga ito? Dahil kakaiba na ang Pasko sa mata ng mga bata ngayon. Lahat po ng ito ay halaw sa nasasaksihan ng may-akda sa araw ng Pasko.

  • Isang bata ang namasko sa ninong n'ya. May nakahandang malaking regalo, maganda ang pagkakabalot at halatang pinaghandaan. Ang sabi ng bata, "Ayoko n'yan. Gusto ko pera."
  • May nagka-caroling sa isang bahay. Tumakbo ang batang dalawang taong gulang. Binuksan ang pinto at sumigaw, "Patawad. Walang pera."
  • May batang ayaw kumain habang lahat ay ngumunguya. Ang sabi n'ya, "Bakit ba kasi maraming handa?" Ang sabi ng ina, "Para kumain ka ng marami." Ang sabi ng isa pang bata, "Hindi ba dahil birthday ni Jesus?" 
  • Umiiyak ang isang bata dahil ayaw pumayag ng nanay n'yang manood ng sine sa araw ng Pasko. Sabi ng nanay, "Maraming tao masyado sa mall." Kaya naman nagmanuhan na lamang sila. Gabi na nagsimba ang pamilya dahil sa dami ng pinuntahan nang araw na iyon. Pagdating sa simbahan, ang sabi ng bata, "Eh bakit po ang kaunti ng nagsisimba?"
  • Nagbigay ng regalo sa lahat ng pamangkin ang tiya. Lahat ay binigyan n'ya ng mga regalong pinili ayon sa tingin n'ya ay angkop sa edad, kinahihiligan at ikatutuwa ng bata. Nang magbukas na ng mga regalo, may isang umiyak sabay bato ng regalo n'ya. Nang nagtanong ang tiya kung bakit, ang sabi ng nanay, "Kasi gusto n'ya kung ano ang meron ang iba."
  • May batang hindi kaanu-ano ng isang babae pero dahil kapit-bahay, ipinagbalot n'ya ng regalo. Ang sabi ng bata, "Hindi po namin kayang i-assemble 'yong laruan." Sabay simangot.
  • May batang hindi pa marunong bumilang ng pera. Sabi n'ya, may limang papel na s'ya (dalawang 20-peso bills, at tatlong 100-peso bills). Ang sabi n'ya sa isa pang bata, "papalitan mo kay mommy 'yang pera mo para dumami!"
  • May batang natapos nang mamasko at ang sabi n'ya, "Mommy, akin na ang pera ko! Bibili ako ng maraming candy."
  • May batang ang pamilya ay hirap sa buhay. S'ya ay nagsabit ng plastic bag kaysa medyas, para raw malaki ang regalo ni Santa. Kinaumagahan, ang sabi, "Ano ba 'yan? Kahit maliit na chocolate wala."
  • May mga batang nagpunta sa isang tindahan at namasko. Ang sabi ng tindera, "Tapos na ang Pasko; kaninang umaga pa ako nagbigay." Umalis nang malungkot ang mga bata.
  • May batang gusto nang magbukas ng regalo n'ya kahit hindi pa bisperas. Ang sabi, "Akin naman 'yan ah!" Sabay pagbato sa nakabalot na babasaging laruan.
Hindi ko nilalahat ang mga bata ngayon, pero sa dami ng mga ito sa loob ng isang araw, malamang hindi na maganda ang bilang ng mga batang hindi na naiintindihan ang Pasko. Maaaring iba na ang nagiging oryentasyon ng mga magulang tungkol sa pagdiriwang at hindi na sila nagagabayan nang maayos. Nakakatakot isipin na ang pagmamanuhan ay iniisip na nilang paraan ng pagkakakitaan ng pera---ng maraming pera. O ang pasko ay para sa kainan lamang. O ang pagdaramot ay normal lamang sa isang araw ng pagbibigayan. O ang Pasko ay dapat sa mall isine-celebrate at hindi sa simbahan. O ang lahat ng gustong regalo ay dapat nilang makuha. O dahil tungkulin ni Santa o ng matatanda na sila ay bigyan. O ang regalo ay dapat 'yong gusto lamang nila.


Ikaw, alam mo ba kung para saan ang Pasko? Baka gusto mo rin ibahagi sa mga bata ang kaalaman mo.

Maligayang Pasko sa inyo!



Tuesday, December 24, 2013

Sa Panahon ng Taglamig, Yakap ang Alaala ng Paraiso ng Caramoan

Sa panahon ng kapaskuhan, malamig na ang haplos ng hanging amihan. Dama ito sa madaling araw ng simbang gabi, sa madilim na panahon ng pangangaroling ng mga bata, at kung minsan taglamig lang talaga ang Pasko natin. Naaalala ko tuloy sa ganitong panahon ang mapangkalingang dampi ng sikat ng araw sa tuwing tag-init. Hindi alintana ang pagkasunog ng balat, 'di hamak na mas gusto ko ang pagyakap ng tag-araw lalo na ng katubigan. Ang tubig ang isa sa pinakanakakaengganyong puntahan tuwing tag-init. Ang bawat patak ng pawis, pangangati ng bungang-araw, pagkasilaw  sa sinag ng tirik na araw, ang tila humihila ang ating mga paa sa dalampasigan ng malinaw na katubigan. Kaya naman ang pagbisita ko sa mga isla ng Caramoan ang aking yakap sa malamig kong kapaskuhan. 
Nang sinabing sa Caramoan ang outing ng eskwelahan na pinagtatrabahuhan ko, ang unang pumasok sa utak ko, "Saan 'yun?" haha. Dahil hindi ako natuto ng marami sa heograpiya noong elementarya ako, wala akong ideya kung saan sa Pilipinas 'yon. Ang sagot lang nila sa akin, "Doon sa pinag-shooting-an ng Survivor Philippines!" At dahil nanonood naman ako ng Survivor, may ideya na 'ko. Ang akala ko ay tila magiging cast away experience ang pagpunta ko doon. Hindi naman pala. 

Isang mahabang bus ride mula Rizal hanggang Naga City ang kinailangan namin. Kung may budget ka naman, pwede kang mag-eroplano para mas mabilis. Kapag sinabi kong mahaba ang byahe, 'yon ay tipong nakatulog ka na, nagising, natulog ulit, nagising ulit, at nagpa-ulit-ulit 'yon pero nasa kalsada ka pa rin. Tinatayang 11-12 na oras sa kalye. Hindi pa naman ako katandaan pero sumakit talaga ang balakang ko kahit nare-recline ang upuan ko sa bus. Hindi lang siguro talaga ako sanay sa mahabang biyahe. Ang ilang oras na paglalakbay ay mailalarawan ko sa ilang paghinto sa madaling araw, paghanap ng banyo, paghigop ng mainit na taho, pagpalis ng gutom, kagat ang tupig, bibingka, at pag-ihip sa umaasong papercup ng walang kasing sarap na 3-in-1 na kape. Sa mga ganitong pagkakataon, napakasarap kumain. Lalo na kapag hindi mo alam kung gaano katagal bago ka ulit makakababa para lamnan ang sikmura mo.


Dumating kami sa isang daungan kung saan naghihintay ang mga bangka na magsasakay sa amin papuntang isla ng Caramoan. Medyo tensyonado ako kasi hindi ako marunong lumangoy, kaya takot ako maglakbay sa tubig. Saka natatakot ako sa mga hindi ko naiintindihan at hindi ko nakikitang mga nilalang ng tubig. haha. Alam ko namang hindi totoo ang undin pero paranoid lang ako. haha. Ang mga bagahe namin ay isa-isang nilulunan sa mga bangka. Tanaw ko ang ilalim ng tubig sa sobrang linaw kaya naman naibsan ang aking takot sa mga hindi nakikita sa ilalim ng dagat. Ngunit hindi nagtagal ang lahat. Sa pag-usad ng aming bangka papunta sa mga isla, unti-unti, hindi ko na makita ang ilalim. Ang sabi ng isang kasama ko, mapapansin daw kung saan ang napakalalim na bahagi ng dagat---lahat daw ng bahagi na kulay asul. Gusto kong tumawa ng marinig ko ‘yon. Hindi ba’t puro asul ang kulay ng tubig? Tumanaw ako sa palibot, noon ko lang napagtanto na nagkaka-iba-iba pala ang pagka-asul ng dagat. Ang pinaka-asul ay nasa malayong bahagi. Nag-aagaw asul at luntian ang tubig na binabagtas ng aming bangka. Kahit pa ganoon, hindi ko pa rin kayang tanawin ang ilalim ng dagat. Para itong may lalim na walang hangganan.

Sa loob ng dalawang oras, niyakap ko ang aking takot sa paglalakbay sa tubig at nanalangin na matapos na ang aking pagtitiis sa pamamaluktot ng tuhod, nang hindi kumikibot sa loob ng dalawang oras. May kasikipan ang bangka na naglaman ng kulang isang daang katao. Ang tuhod ko ay nasa likod ng isa at tuhod naman ng iba ang nasa likod ko. Ang balikat ko at ng aking mga katabi ay tila magdudugtong na matapos ang dalawang oras. Kung maselan ka, hindi ka tatagal. Mabuti na lamang at kakilala ko lahat ng aking kasabay. Hindi ko alam kung pareho rin ang bangkang sinasakyan ng iba kasi may nakasalubong kaming malalaking ferry na mukhang napakasayang sakyang. Pihadong hindi sila siksikan at hindi nakakatakot kapag ang mga alon ay humahampas. Hindi sila tila idunuduyan ng mga alon na nagbabadyang itaob ang bangkang sa inyo'y naglululan. Sa bawat tilamsik ng tubig-alat mula sa pagsalpok ng mga alon sa katig ng bangka, nababasa ako ng takot kung makararating kami ng ligtas. Ngunit nang matapos ang lahat, walang katulad ang malaparaisong mga isla ng Caramoan!

Isang picture sa tubig at isa sa buhanginan. Ang unang larawan ang paborito kong isla. Hindi ko alam kung ano'ng tawag sa kanya ng mga taga-roon pero kung mapapansin n'yo, may mga nakadapa at hanggang leeg lang nila ang tubig. Ganoon talaga s'ya. Ang pinakamalalim ay hanggang dibdib lang. Para sa isang taong tulad ko na tila nalulunod na kapag hindi na abot ng paa ang ilalim ng tubig, isang napakalaking salt-water swimming pool ang tingin ko sa kanya. At ganoon lang s'ya kalalim kahit saang banda. Kaya naman para lang akong batang lumangoy ng buong pagkasabik sa tubig. Walang kahit na anong takot na sa pagtigil ko ay wala na akong maaapakang buhangin. Kung pwede lang sanang wag nang umalis doon kaso aabutan daw kami ng low tide at magiging buhanginan na ang marami sa bahagi ng islang iyon.

Ang isang isla naman ay ang napili naming tigilan para magtanghalian at mag-team-building. Ang tatanda na namin pero naglaro kami ng tiyakad at ng sack race, saka nagpaunahan makabuo ng giant puzzles at punuin ng tubig ang PVC pipe na puro butas. Noong una, nakakaalangan sumali kasi ang init. Pero noong nagsimula na, wala nang init-init! Heto ang aking team! Hindi man kami nanalo, masaya naman ang lahat. :D


Marami pa kaming pinuntahan sa island-hopping. Napakarami naman kasi ng mga isla. May mababato, may mababaw, may medyo malalim, may sobrang gandang pang-cover photo sa fb gaya nang unang larawan ko. Sobrang saya! Halata naman 'di ba? 
Syempre, hindi naman matatapos ang lahat sa island-hopping. Meron din medyo mahirap pero nakakatuwang experience. Nagpunta kami sa groto ng Our Lady of the Holy Rosary. Hindi lang ang pag-akyat ang nakakapagod, pati rin ang pagdaong. Kinailangan namin maglakad sa malambot na putik dahil low tide. Sobrang kakaiba sa pakiramdam. Parang nakakatakot na nakakakiliti sa paa. Sobrang lambot at pino ng putik kaya para kang umaapak sa masa ng harina. Malambot, at bawat apak ay lumulubog ka hanggang binti. Tila kumunoy na lalamon sa iyo sa isang maliit na pagkakamali. Kinailangan naming magkapit-kapit para hindi kami bumuwal sa paglalakad. Patatagan ng binti at galing sa pagbalanse ang labanan.Nang marating namin ang ibaba ng groto, syempre, picture muna.

Medyo mahirap ang pag-akyat kasi hindi lahat ng hakbang ay pare-pareho. May malaki, may maliit, may mababa pero ang pinakamahirap, may mataas. Kaya naman magpapahinga lang ng kaunti, inom ng kaunti, pa-picture ng marami at titingin sa napakagandang tanawin sa pinanggalingang ibaba. Ganoon kami hanggang sa makarating sa itaas. Kung ilang baitang man iyon, hindi ko na nabilang. Nakakapagod magbilang habang umaakyat. Hindi talaga ako magaling mag-multi-task. 
At nang matapos ang lahat ng paghigit sa hininga, nakarating din kami sa itaas. Kapag masyadong maiksi ang suot mo, may ipinapahiram silang balabal para kapag pumasok ka sa maliit na kapilya para magdasal, presentable ka naman. Malapit sa kapilya ang napakalaking imahe ni Mama Mary na kitang kita sa malayo kapag nasa dagat ka at papunta pa lang sa isla. Heto kami, nagpapahinga ng kaunti bago sumabak sa pagbaba. Syempre maraming picture-taking.
Pagpasensyahan n'yo na. 'Yan ang katuparan ng sarili kong post card. :P
At ang pangarap kong magkaroon ng alampay, ala-miss world.
Syempre pagkatapos ng lahat ng paglalakad, shower, at lubog ulit! Nariyan lang kami sa pool hanggang hapunan. Nang nagungulubot na ang balat sa sobrang babad at namimitig na ang mga binti sa kakakampay, naisipan din naming umahon.
Kinabukasan, sinimulan namin ang paglalakbay pauwi. Nagsimba muna bago tuluyan nang sumakay ng jeep papuntang daungan.
Bago umuwi, dumaan kami sa Lignon Hill kung saan may magandang view ng sunset. Ok, hindi sunset yan. Spotlight lang ang meron kami kasi may bayad ang pagpasok tapos maglalakad ka ng malayu-layo. Hindi kami tumuloy kasi ayaw na namin maglakad ulit pagkatapos ng groto experience. haha.

Sa lahat ng iyan, ang masasabi ko lang: sulit ang pagod. Lubos ang kasiyahan ko kasi siyam na taong gulang pa lang ako nang huli akong lumangoy sa dagat. Kaya naman halos wala na akong mapagkumparahan kung gaano kasaya ang paglubog sa tubig-alat. Pero dahil bakas sa mukha ng mga kasama kong mga guro at administrador na pumuno ng 3 bus pauwi ng Rizal ang saya ng aming bakasyon, nasisiguro kong karapat-dapat lang ang Caramoan sa papuring ibinibigay ko.
Ang punto ko, nakaka-miss ang init ng tag-araw. Oo, napakasaya ng kapaskuhan ngunit dapat rin lumipat ang taon at tumirik muli ang araw. Dahil hindi lahat ng nakakapagpasaya sa atin ay nasa iisang panahon lamang. Kailangang lumipas ang panahon, tumakbo ang oras, umikot ang mundo at maging ang ating buhay. Maligaya ang kapaskuhan ngunit hindi dapat doon nagtatapos ang kasiyahan. Sikapin nating masaya sa bawat buwan, linggo, araw, oras, minuto ng ating buhay. Maligayang Pasko at sa muling paglalakbay! 

Thursday, December 12, 2013

Babangon ka ba? Bakit?



Bakit ka bumabangon?

Narinig mo na 'yan sa commercial, di ba?
Pero napakasarap isipin kung bakit nga ba. Dahil kasunod ng tanong na ito ang muli mong pagbilang ng mga biyaya at responsibilidad na meron ka sa panibagong araw.



Bakit ako bumabangon?
Marami akong dahilan:



  • Maging ina sa aking nag-iisa at pinakamamahal na AJ. Kailangang bumangon para kumita ng sapat at mapagtapos s'ya sa magandang eskwelahan. Kailangan ko rin maging ina mula sa paggising ko sa tabi n'ya hanggang sa paghimbing niya sa tabi ko pagsapit ng gabi. Siya ang literal at malalim na dahilan ng pagbangon ko.
  • Maging biyaya sa ibang tao. Sa lahat aking ginagawa, hangga't maaari, nais kong maging dahilan para magpasalamat sa Diyos ang iba. Minsan nga, sa dami ng gusto kong gawin, nauubusan na ko ng oras para sa iba. Hindi rin naman ako perpekto. Alam kong kahit may intensyon akong maging mabuti sa lahat, dumadating din ang topak ko. Sa mga ganoong pagkakataon, umaasa na lamang ako sa pang-unawa ng aking mga tunay na kaibigan.
  • Makabawi sa lahat ng kabutihan ng mga magulang ko sa akin. Bilang bunso at babae, inako ko na ang responsibilidad ng pagiging ulirang anak hanggang sa huli. Tingin ko naman, hindi lang ako ang ganun. Ugaling Pinoy naman kasi ang pag-aaruga sa magulang lalo na sa panahong kailangan na nila ng mag-aasikaso sa kanila.
  • Makakilala ng mga bagong kaibigan. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon makakilala ng maraming kaibigan noong hayskul at kolehiyo, kaya naman ang bawat kaibigan ko matapos akong mag-aral ay bahagi ng mga natatanging tao sa buhay ko. Iilan lang kasi ang mga naging kaibigan ko nung bata-bata pa 'ko. Mga 10. hehe. Ngayon, mga 20 na. haha. Ewan ko ba. Mahiyain lang yata talaga ako. O kaya dahil ang first impression ng aking mga kakilala ay snob daw ako. Hindi po 'yon totoo. Hindi lang talaga pantay ang kilay ko. 
  • Matuto. Sa sitwasyon, sa problema, sa paglalakbay, sa pagbabasa, sa pakikisalamuha, sa lahat ng ginagawa natin sa araw-araw, lagi tayong may matututunan. Minsan may pagka-tanga lang tayo kaya hindi natin agad makita yung aral sa bawat sakit, saya, o kawalan. Pero meron 'yun. Minsan kailangan mo lang talagang pag-isipan kung ano.












  • Maging dahilan ng pagbangon ng iba. Kung marami na akong dahilan para bumangon at tingin ko'y sapat na ang mga iyan, nararapat lang na pati ang iba bumangon rin na kasing sigla ko. Sa abot ng aking makakaya, nais ko rin maging dahilan ng pagdilat, pag-iinat at pagbangon ng mga taong kayang abutin ng aking ngiti. 

Ikaw? Bakit ka bumabangon?





Friday, December 6, 2013

Faulty Reasons to Engage in a Relationship (Part 2)

Nasa relasyon pa rin na unti-unting kumakain ng iyong katinuan at pagpapahalaga mo sa sarili mo? Baka naman narito ang dahilan nya kung bakit ka nya kasama.

Faulty Reasons to Engage in a Relationship (Part 2)

Thursday, November 21, 2013

Sunday, November 3, 2013

Captain Phillips: A Review of Humanity, Poverty, Piracy and Politics

Paano mo nga ba titingnan ang isang hostage crisis? Tungkol nga lamang ba ito sa biktima at sa pagsagip sa kanya? Ang kaligtasan lang ba ng hostage ang mahalaga? Heto ang isang pagsusuri sa isang hostage-taking incident na hindi lamang ang isa ang biktima, kung hindi lahat.

http://www.semidoppel.com/captain-phillips/7531

Thursday, October 17, 2013

Gusto Ko Lang Naman Maglaro sa Labas


Ako nga pala si Jam. Apat na taong gulang. Oo, tama. Apat. Sa tuwing makakalimutan ko, binibilang ko ang aking daliri. Nasa hintuturo na ang edad ko. Iyon kasi ang laging pinipisil ni Inay kapag nakakalimutan ko.

Madalas, nakakulong ako sa bahay. Wala akong kalaro. Marami akong laruan kaso hindi pa rin masaya ang mag-isa. Lagi na lang akong tumatanaw sa may bintana sa tuwing naglalaro ng Agawang Base ang mga bata sa labas. Gusto ko sana no’n! Masarap sigurong mainitan ng araw, pagpawisan at hingalin sa pagtakbo!
Kaso, sa tuwing hahawakan ko ang seradura ng pinto, makikita ko ang pag-iling ni Inay. Alam ko na ‘yon. Kapag pinihit ko ang seradura ng pinto, kasama na ng paghawak n’ya sa bewang ang pagtaas ng kilay n’ya. Buntung-hininga ko na lang ang susunod. Yuyuko at babalik ako sa bintana habang nananaginip na makakapaglaro rin balang-araw sa kalye.

Ang umagang ito ay pareho lang naman ng ibang umaga. Mararamdaman ko ang marahang paghaplos sa aking braso na susundan ng pagdilat ng aking mga mata. Bubungad sa akin ang magkasinggandang sinag ng araw at ngiti ni Inay. Gaya ng ibang araw, lilipas ang umaga na mag-isa akong naglalaro habang naglilinis ng bahay si Inay. Sa sobrang dami ng ginawa n’ya ngayon, nakatulog na s’ya sa sofa.

Teka. Nakatulog si Inay! Pwede akong lumabas! Halos magkandarapa ako sa pagsuot ng tsinelas ko, at pilit inakyat ang kawit ng pinto. Hinawakan ko ang seradura. Walang umiling. Pinihit ko. Walang nakapamaywang. Ang pagbukas ko ng pinto ay tila pagbukas ng regalo sa Pasko! Walang paglagyan ang pagtalon ng puso ko sa kaba at ang pagkasabik ng aking mga paa na tumapak sa labas!
Ang init ng araw! Ang sarap sa balat! Parang nagkakagulo ang mga bata sa kalye pero alam kong naglalaro lang sila. Agawang Base! Sasali ako! Nagtaas ako ng kamay nang magtaasan sila ng mga kamay. Nakasali ako! Nakasali ako!

Pero may napansin akong kakaiba. Bakit gano’n? Ang pagbuka ng bibig ng mga bata ay mas madalas pa sa pagbuka ng bibig ko sa pagkain. Senyas ba ‘yon? Naku! Hindi ko alam ang mga senyasan nila! Bakit kasi ngayon lang ako nakasali sa laro?! Hindi bale, matututunan ko rin ‘yan!

Nagtakbuhan ang mga kalaro ko. Habulan. Hamunan. May nahuhuli. May nakakaligtas. Naging normal na lang ang kanilang senyasan para sa ‘kin. Hindi ko man naiintindihan, ang mahalaga, nakakasunod ako sa laro.
Kaunti na lang at mauubos na ang kabilang grupo! Malapit na kaming manalo! Biglang nagtakbuhan ang lahat papunta sa kabilang beys! Susugod na kami agad? Bakit nag-alisan sa beys nila ang mga kalaban? Ibibigay na lang nila ang beys sa amin? Hindi bale, bantay lang naman ako dito sa beys namin. Kaya na ‘yan ng mga kasama ko! Lumingon ang ilan sa mga kasama ko at nanlaki ang kanilang mga mata. Bakit? Para silang natuklaw ng ahas! Bumubuka ang kanilang mga bibig pero ‘di ko maintindihan!

Ano’ng nangyayari? Hindi ko naiintindihan ang mga senyas n’yo! Nangingilid na ang mga luha ko sa pagkalito! Paano ko malalaman ang mga senyas na ibinibigay nila? Ang mga mata ko’y naghanap ng mga pamilyar na kumpas na magpapaliwanag! Wala! Ano’ng nangyayari?! Paglingon ko sa likuran, isang matulin na bagay ang paparating! Mga mata ko’y napapikit!

Tumilapon ako. Lumagpak ang katawan ko sa lupa. Dumilim.

Ang pamilyar na haplos ni Inay ang gumising sa akin gaya ng dati. Pero bakit hindi kisame ng kwarto namin ang nakita ko? Puti ang lahat pati ang damit ng mga tao. Tumulo sa kamay ko ang mga luha ni Inay. Bakit s’ya umiiyak? Kahit may nakatusok na karayom at tubo, dahan-dahan kong iginalaw ang aking mga kamay para itanong sa kanya kung bakit. Nang matapos n’yang punasan ang kanyang mga luha, si Inay ay kumumpas gaya ng dati n’yang ginagawa. Ang kanyang mga kamay ay tila may kapangyarihang alisin ang takot at pagkalito ko. Ang pagdampi ng kanyang mga daliri sa kanyang labi, ang pag-ikot ng kanyang pulso upang imwestra ang kanyang iniisip, at ang bawat kilos ng mga bisig n’ya ang tanging naiintindihan ko sa maraming pagkakataong ako’y lito.

Ayon sa kanya, nabundol pala ako ng tricycle. Buti na lang, hindi raw ako masyadong nasaktan. Hindi naman ako nag-aalala. Alam kong gagaling rin agad ang mga sugat ko. Aalagaan naman kasi ako ni Inay.

Hinawakan ko ang kanyang dalawang kamay. Pinisil ko ang mga ito, at tumingin ako sa luhaan n’yang mga mata.

Patawad, Inay. Hindi ako sumunod sa’yo. Iyon na lamang ang naikumpas ko.

Lalo lang umiyak ang aking Inay.

May dumating na isang lalaki. Hindi ko kakilala. Nang bumuka ang kanyang bibig, napalingon si Inay. Paano nalaman ni Inay na may taong sumenyas sa likod n’ya? –Isa na naman sa mga tanong na hindi ko kayang sagutin. Pinuntahan s’ya ni Inay at nagsimula silang magsensyasan gamit ang bibig! Alam rin ng lalaki kung ano ang mga senyas! Pareho kaya ng mga sensyas nila ang sensyas ng mga kalaro ko? Sana pwede akong turuan ni Inay! Ngayon ko lang nalaman na alam n’ya ang mga ‘yon! Natuwa ako sa isiping pwede ko s’yang matutunan, kung paanong natutunan ko at ni Inay kay Miss Jenny Francisco ang pagkumpas. Gusto ko rin matutunan ang senyas ng bibig!

Sana pumayag si Inay kahit madalas, maraming bawal sa mga gusto kong gawin—gaya na lang ng paglalaro sa labas. Hindi ko alam kung bakit kailangan akong nakakulong; kung bakit nakakapaglaro ang ibang bata sa labas samantalang ako, sa unang pagtakas, nasagasaan na agad.

Siguro kaya ako hindi pinapalabas ni Inay ay dahil hindi naiintindihan ng mga kalaro ko ang aking pagkumpas. Naaalala ko pa ang blangkong tingin ng mga kalaro ko nang magbigay ako ng mungkahi sa aming laro. Siguro, marami pa talaga akong kailangan matutunan sa larong kalye.

Lumipas ang ilang araw na gaya ng dati. Gumaling na ang mga sugat ko at parang walang nangyari. Ang isang bagay na hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ako pinalo ni Inay. Gaya ng dati, tinatanaw ko na lamang ang mga bata sa labas. Masaya silang naghahabulan sa init ng araw. Ang pawis nila ay katumbas ng bawat ngiti at panalo.

Lumapit si Inay sa akin. Tiningnan ko s’ya ng malungkot kong mga mata, saka ko muling minasdan ang walang kasing sayang mukha ng mga batang nasa kalye. Niyakap n’ya ako ng mahigpit. Hindi ko alam kung bakit. Hinawakan n’ya ang kamay ko, saka n’ya itinaas sa kabilang kamay n’ya ang aking mga tsinelas.
Tsinelas ko! Halos manlaki ang aking mga mata sa aking naintindihan! Oo, Inay! Sasama ako!

Niyakap ko s’ya ng sobrang higpit—ang pinakamahigpit na yakap na puno ng pagpapasalamat. Walang pagsidlan ang aking tuwa!

Hindi na ako matatakot lumampas sa pinto ng bahay namin. Alam kong ligtas ako sa tuwing hawak ko ang kamay ni Inay. Makakapaglaro na ‘ko sa kalye, at sasamahan ako ni Inay! Tanaw n’ya ko sa aking pagtakbo. Makikita na n’ya kong pagpawisan, madapa, madungisan at magtatalon sa mga panalo ko! Wala nang mas sasaya pa do’n!


Hindi ko na kailangan pang ikumpas. Sapat na ang yakap para mabasa ni Inay ang katuparan ng aking simpleng hiling. Gusto ko lang naman maglaro sa labas.



Ito ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5, Kwentong Pambata



Sponsored by



Tuesday, October 15, 2013

Tahan-an

Impit na iyak ang tagawaksi ng bawat kirot
Sa bawat paghaplos sa sugat ng pagkakadapa ay dulot
Malambing na tinig ni Inay ang babasag ng lungkot
Pag-aalalang bitbit ni Itay ang sa aki’y nakakumot.

Sa paglipas ng taon, ang sugat ay hindi na lamang sa laro at takot
Laro rin naman kung ituring ngunit damdamin na ngayon ang sangkot
Luha ko man ay dumaloy sa bawat kasawiang sa aki’y bumalot
Tahanan pa rin ang pumalis ng sakit, sugat, pighati at sigalot.

Sa bawat pag-apak sa tahaking puno ng pasakit at sugat
Nananatiling ang pamilya ang kumakalinga at sumasapat
Saan man sa buhay hanggang sa lunang malalakbay ay nararapat
Babalik at babalik pa rin sa tahanang sayo’y nagpamulat.

Tatag ng haligi at liwanag ng ilaw,
Mayamang idinudulot ang pag-ibig sa uhaw
Sa lagok ng pagmamahal at pagduyan ng aliw,
‘Di kailanman lilisan sa akin ang musikang kasaliw.

Ang munting tahan-an na lubos na pumapawi
Ng kirot na tila walang huli ang sakbibi
Impit na iyak ang tangi lamang saksi
Sa bawat pag-irog ng pamilyang itinatangi.


https://www.facebook.com/i.am.miss.jemaima.milan

https://www.facebook.com/notes/jemaima-milan-robles/tahan-an/603957882995776

Ito po ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 5


Sponsored by: