Friday, June 24, 2016

Dear Laarni

(Halaw sa Dear Laarni ng BennyBunnyBand)

Mabillis, makulit, paulit-ulit ang kwerdas na kinakalabit
Isang saglit lamang ang hinihingi ng tugtog at pag-ibig
Patawad sana sa puso kong 'di nagpapaawat sa pagpilit
Ikaw lamang kasi ang ikinakabig ng dibdib at bibig

Itigil mo muna ang pagbuka ng iyong labi
Hayaan mong hawakan ko ng aking daliri
Ano nga ba ulit ang gusto mo sa dami ng sinabi?
Sigurado ako. Ako 'yon. Meron bang hihindi?

Sa tinagal-tagal ng pamimihikan
Nakita ka, nahulog na nang tuluyan
Mapili man, nakapili naman
Oo, ikaw na nga, wala nang bawian

Sa araw-araw na ikaw ay kasama
Pangarap ko ang gabi-gabi na yakap ka
Dati'y akala, naghihintay ako sa wala
Ngayon nariyan na, ikaw lang, sapat na

Sa tuwing ika'y tinititigan
Bumabawi ka nang daglian
Ngumingiti ng lubusan
ang puso kong sinuklian

Nahihiya ka bang basahin ang aking mata?
O pagtingin ko'y di mo talaga makita?
Hindi na bali kung ligaya ko'y di suklian
Pero sige na. Pwede naman.

Ano nga ba talaga ang nais ituran
Sa aking walang pagod na pamamanhikan
Meron ba o wala d'yang nararamdaman?
Ikakahon mo na ba ko ng tuluyan?

Anong ligaya kung saka-sakali
Oo na ang sagot at 'di na lamang ngiti
Pagbigyan mo na sana ang sayo'y pagpili
Ikaw lang naman kasi ang aking minimithi

Iaalis mo ba kapag kamay mo'y hinawakan?
Mabilis man ngunit 'di ko na mapigilan
Hindi naman kita agad hahalikan
Pero kung gusto mo, pwede rin naman.

Sa tagal kong naghintay sa iyo paraluman
Sasandal sana ako ng banayad at marahan
Araw ko'y nakukumpleto 'pag ika'y nagigisnan
Paos na ang pusong sigaw ang iyong kagandahan

Gandang hinding-hindi kailanman lilisan
Hindi lilipas, hindi pagsasawaan
Minimithing ikaw ang tanging inaasam
Sabihin mo man sa 'kin "ang bilis mo naman."

***

If you like the poem, you can listen to it here.

No comments:

Post a Comment