Gusto kong maniwala na makikilala mo rin ako
Sa likod ng mga taong naghihiyawan, umiindak at nagkakagulo
Sa dilim ng gabi na kahit anong pilit ng mata, liwanag ay susuko
Nagtatago ba ako? Oo. Sa 'yo.
Ikaw ang tipo na nabubuhay sa gitna ng entablado
at ako, nakukuntento na nasa harapan at nanonood sa 'yo
pilit tinatanaw ang bawat kilos, indayog na dala ng musika mo
habang ang mga tao ay pader na humaharang sa ating mga mundo
Nakalulunod man ang dami ng taong humihiyaw ng pangalan mo
Sa bawat "mahal kita" na ibinabato maya't maya ng mga tao
Walang tumitinag, kumukurot, nagpapalingon sa iyong pihikang puso
at huwag kang mag-alala, marami mang naghihintay, pero hindi ako
Alam ko naman ang hangganan ng mga taong tulad ng kalibre ko
Hindi naman ako nangangarap mahulog sa taong hindi naman sasalo
Hindi ko lang talaga alam kung bakit nagkakilala pa tayo
Ayan. Nabubuhay ako't namamatay sa magdamag, pagtula tungkol sa'yo.
Hinahagilap ko pa ang lakas ng loob ko na ipunin ang aking mga letra
Pagkumpul-kumpulin at ibato sa 'yo ang mapagmahal kong mga salita
Dalangin ko lang na maaari pa 'kong lumiham lakip ang pag-ibig kong kataga
Dahil wala na akong ibang paraan upang marating ang 'di maabot na tala
Oo, isa kang tala na bumihag sa akin at sa puso kong ayaw nang umasa
Ngunit sa bawat kislap mo, hindi ko maipaliwanag, patuloy akong namamangha
Binibighani ng tinig mo sa bawat musikang iyong likha
Sa ritmong humahaplos sa kaluluwa ko na dala ng iyong musika
Umiikot ang mundo mo na hindi kailanman magtatapon sa akin ng pag-asa
Ngunit hindi iyon sapat upang ako'y durugin at tuluyan nang bumitiw sa paghanga
Pagtatagni-tagniin ko na lamang ang puso ko gamit ang iyong alaala
Saka ko pupunuin ng nag-uumapaw na pagmamahal kong hindi mo makikilala
Matatapos na naman ang magdamag na hindi mo ako binabasa
Ngunit patuloy akong tutula, hanggang sa ang sakit ay tuluyang maubos na
Kahit hindi ko alam kung ang sinasaktang puso ay nagmamahal pa
May magagawa pa ba 'ko? Eh, ikaw na. Ikaw na nga talaga.
***
No comments:
Post a Comment