Ubos na ang mga tintang tinuyo ng paglisan
Naninilaw na ang mga sobre ng kahapon at walang hanggan
Hindi matatawarang paalam sa lahat ng sinimulan
Nariyan ka pa ba para tanggapin ang basang-basa kong liham?
Tadhana ang sabi nilang magbabalik sa ating panahon
Sa bawat selyong inipon, bawat sobreng nilikom
Hindi pa rin tumatak ang destinasyon ng kahapon
May bukas pa nga ba sa pagtanging pilit mong itinapon?
Hindi mo ba naaalala ang awit ng ating mga puso?
Nagpapaindayog sa iyong balikat, pababa ng iyong pulso
Nagdidikit na mga palad na 'sing init ng pagsuyo
Sa iyong malambot na labi'y humahaplos, pumupuno.
Ngunit ngayo'y ibang ritmo na ang nagpapaindak sa iyo
Tingin ko'y hawig naman sa musikang inialay ko
Ngunit ibang palad pa rin ang pinipisil ng mga kamay mo
at humahaplos sa labing araw-araw ay pangarap ko.
Nag-iisa pa rin ako sa bawat araw na ika'y nakikita
Pumupunit, kumakayas, dumudurog sa aking pag-asa
Tuwing mababakas ko ang ligaya sa iyong magandang mukha
Hindi ko na kayang supilin ang pait ng lahat sa ati'y nawala
Mistula nang lukot na sobre ang puso kong 'di mo nilingon
Na dati'y iyong iniingatan, marahang binabasa buong maghapon
Dati man ay halik ang kalakip ng mga salitang sa aki'y pabaon
Ngayo'y iyo nang dinuraan at sa mukha ko'y dagling itinapon
Dalangin ko na lamang na ang pag-ibig nya'y hindi panandalian
At magpapaagos ng mga luhang hindi ko kailanman natunghayan
Bagkus bumura ng aking ulirat at sumakop sa aking katinuan
Naglulunoy sa tila dagat ng kalungkutang sa aki'y iyong iniwan
Sa tingin mo man ako ay paulit-ulit, pumipihit, nagpapakasakit
Hindi ako hihinto sa siklo ng pagsuyo, hindi man nagpupumilit
Hayaan mo akong mahalin ka, na parang linya ng korong binabalikan
Sa tuwing natatapos ang mga berso na tinuldukan mo na ng tuluyan.
Balang araw, mararating ko rin ang hantungan ng mga nilisan
Magpapahinga ang pusong pagal nang magmahal kahit tinalikuran
Tapos na. Tapos na ba?
Sa iyo, oo. Sa akin, hindi pa.
***
If you like the poem, you can listen to it here.
No comments:
Post a Comment