Thursday, June 16, 2016

Sa Uulitin

sunrise at Mt. Pulag

Sa bawat sulyap
na nagpapatigil ng lahat, maliban sa umiikot at tuliro kong malay

Sa bawat sulyap
na tila pagtikhim sa matagal nang pangarap na paglasap at pagsilay

Heto ka,
nanunukso sa iyong bawat ngiti, sa bawat paggalaw ng iyong labi.

Heto ka,
nagpapakislot ng aking puso sa halakhak mong saglit sa ki'y kumikiliti

Mali nga ba
na sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay nakikita ko ang iyong mukha?

Mali nga ba
na bawat musikang naririnig ko, ikaw ang dulo at simula ng mga linya?

Hindi
man sa akin nakatingin ang iyong mga mata, nangungusap ito, tumutula

Hindi
man ako ang binibigkas ng iyong mga letra, ako'y nakikinig at nagpapaubaya

Oo,
sinasayawan ko ang ritmo ng iyong paghinga

Oo,
hindi nga kita kayang abutin kahit dulo man lang ng iyong hibla

Siguro
hindi sapat ang aking pagtula, nilalamay ko man ay hindi mo man lamang binabasa

Siguro
nga mag-isa kong niyayakap ang lamig ng magdamag upang gising na panaginipan ka

Tama nang
ako na lamang ang nagtatahi ng tagpi-tagpi kong pangarap at paghanga

Tama nang
hindi kita kasama sa paglulunoy ko sa sakit ng katotohanang hindi akin ka

Mahal kita
sa paraang natitira sa aking nakatatawa, nakaaawa, nakahahabag na paraan

Mahal kita
sa kabila ng pag-asang tila dinuraan na ng lahat ng hatinggabi't umagang namagitan

Mahal kita
sa bawat sulyap.
Tama nang
mahal kita.




No comments:

Post a Comment