Mumunting labi mo ang unang nagturan sa aking diwa, kaalinsabay ng iyong pagsilang
Impit na iyak ng kawalang-malay, nangangalap ng kahit na katiting na kaalaman.
Sa likod ng mga hikbi namutawi ang mga pantig na umihip na sa aki’y nagbigay-hininga
Iyong unang bigkas, unang tuklas, unang pagkatuto, naging aking kaluluwa.
Niyakap kita ng aking mga tunog, umasang kahit katiting ay iyong malingap
At sa bawat pantig na iyong dinampot at pumaimbulog sa iyong katabilan
Ako ay hinubog mo sa paisa-isang pantig, paisa-isang kataga, paisa-isang katuwiran
Sa iyong kamusmusan, ang titik at balarila ko’y hinulma ng iyong pangangailangan.
Nangusap sa’yo hindi lamang ang mga letra, maging ang ritmo at musika
Sa likas na pagsaliw ng kamalayan sa indak ng himig, ako’y iyong pinagyaman.
Sa paglawak ng tahakin ng iyong musika, inilipad nang malaya, gayundin ang iyong diwa
Pinayabong ang dating uutal-utal ng nangingiming tapang at talas ng dila.
Nagsimula kang maglimbag ng mga pananaw na kumakapit sa mga taong may bahid-dungis
Ibinato, isinampal, pinamukha mo ang saysay ng buhay na hindi nakikinita ng mga hangal at talunan
Ginuhit ng iyong pluma, tinta ay dugo, nang ako’y maging pangakong sumisilip sa kasarinlan
Hinabi mo ako sa himig ng katapangan, paninindigan, talino at pagmamahal sa iyong bayan.
Hinasa at pinagtibay ng talino at pananaw, tila palasong tatarak sa sinumang humadlang
Naging sandata mo ako sa pakikidigma, pangangatwiran, paghahanap ng kalayaan
Ang mapagpalayang diwa, kinatawan ang pluma, yumakap sa alumpihit at mailap na pag-asa,
Nagsaboy ng kamalayan sa mga naulila, nagpaningas ng apoy ng minimithing…wala.
Wala dahil wala na ang alindog ng aking salita, sa taingang nabighani ng tunog-banyaga
Wala na sa pinaka-wala ang pag-unawa sa akin na dati’y sinlinaw ng iyong bawat kataga
Wala na ang apoy na nagniningas sa bawat pagsambit ng aking panitikan, titik at musika.
Wala na nga, wala.
Sa bawat sampal ng banyagang dila sa tuwing ako’y kagyat mong gagamitin
Sa bawat sandaling pinaaasa mo akong, iyong bigkas, muli akong wiwikain
Bigo kong sinasahod aking mga luha, kinikimkim mga tanong na puno ng ‘bakit?’
Ngunit bigo.
Patuloy na nabibigo.
Dahil sa kabila ng lahat ako’y nilimot mo.
Nilimot mo ang ating suyuan sabay sa pagkaanod palayo sa iyong pinagmulan
Inanod, kumaway at nagpaalam ang kasarinlang ngayon, hindi mo na nauunawaan.
Tanging wikain na lamang ang natitirang nagbubuklod, ngunit hindi ng buong bayan
Ang buhay kong nakabingit sa iyong naghihingalong alaala, ituring mo, hanggang kailan?
Pilipino ka pa nga ba kapag ako ay nawala?
Pilipino pa ba ang kultura mong ‘di na ko kinikilala?
Pilipino pa ba kung ang wikang umaruga sa iyo ay tinalikuran mo na?
Pilipino ka pa ba?
Kung hindi, ano na?

No comments:
Post a Comment