Sunday, December 20, 2015

Ang Buhay Mo'y Iyo

Ang buhay mo'y iyo

kaya't huwag mag-atubili sa bawat paghakbang,

sa bawat pagkampay sa walang hanggang paglipad,

sa bawat pagtatampisaw sa luhang dulot ng mundo.


Ang buhay mo'y iyo

kaya't huwag nang maghintay ng ibang pagkakataon,

ng ibang araw upang bumangon nang paulit-ulit na may ngitii,

ng ibang gabi upang mahimbing sa pait na papawiin ng magdamag.


Ang buhay mo'y iyo

kaya't kahit ano pang dumating at umalis,

nariyan ka pa rin, at ito ay tangan mo

hanggang sa huli, hanggang 'di ka bumibitiw.


Ngunit kung minsan napapagod ka na

at nais mo munang huminto sa paglakad

o dumapo muna sa malapit na pahingahan

o umiwas sa tilamsik ng pag-ulan


nandito naman ako


Kung nais mong maghintay ng ilang minuto sa kawalan

o maghapon maglunoy sa lambot ng higaan

o manatiling gising sa buong magdamag


nandito ako


Kung sa lahat ng darating at aalis ay nais mo nang bumitiw

Huwag. Ang buhay ko rin ay akin,

Ngunit kung kailangan mo, iyo na rin.



Salamat, kaibigan,

Sa bawat pinagsaluhan nating

pagkain---masarap man o hindi

inumin---malamig man o mainit

pag-akyat---bundok man o bulkan

awitin---paper roses o kung anuman


Salamat, nakilala kita.

Salamat at kaarawan mo ngayon.

Salamat at maligayang kaarawan sa iyo.


No comments:

Post a Comment