*Dahil panahon na naman ng Simbang Gabi, narito ang una kong pagsubok na sumulat ng isang maiksing dula para sa Panunuluyan. Nangangarap pa rin ako hanggang ngayon na ito'y maitanghal. Dating nai-post sa knowingropes.com. Maligayang Pasko sa ating lahat!
Mga Tauhan:
Koro: dalawampu’t limang aktor
Anghel Gabriel
Maria
Jose
Unang Pinto
Batang Mayaman
Yaya
Mommy
Ikalawang Pinto
Batang Mahirap
Nanay
Tatay
Kumpare
Ikatlong Pinto
Party girl 1
Party girl 2
Party girl 3
Daddy sa Gobyerno
Ikaapat na Pinto
Asawa ng OFW
OFW
Anak ng OFW
Tableau:
Tatlong Haring Mago
Batang Pinoy: Mula sa koro
Stage Directions:
(Nakatayo sa kanang bahagi ng stage si Anghel Gabriel, may pakpak na puti, nakasuot ng puting telang nababalot sa katawan at ang hugpungan ay nasa balikat.)
(Unang Freeze Frame: Nasa gitnang unahang bahagi ng stage sina Maria at Jose. Si Maria ay aktong inaalalayan ni Jose sa paglakad, nakatingin ang mag-asawa sa direksyon ng unang pinto.)
(Unang Pinto: Ang Batang Mayaman at Yaya ay nasa kaliwang unahang bahagi ng stage, may mesang may pulang mantel, ang hapag ay puno ng pagkain, nakaupo sa likod ng marangyang hapag-kainan ang Batang Mayaman habang nakatingin sa kanyang relo. Nakatayo sa tabi n’ya ang Yaya, nakayuko. Sa likod ni Yaya ay may Christmas Tree na walang bituin.)
(Ikalawang Pinto: Ang Nanay, Tatay, at Anak ay nasa kanang unahang bahagi ng stage. Ang nanay at tatay ay magkaharap, aktong nag-aaway. Ang nanay ay nakaturo sa isang kamay na nakalahad, samantalang nakataas ang kanang kamao ng tatay, nakakuyom. Ang anak ay nakaupo sa isang sulok, nakatalungko, nakatakip ng mga palad ang magkabilang tainga. May pinto sa gilid ng mag-asawa.)
(Ikatlong Pinto: Ang tatlong Party Girls ay nasa isang club. Nakaupo sa harap ng isang mataas na mesa ang Party Girl 2, may hawak na kopita ng alak, nakatingin sa kawalan. Ang Party Girl 1 ay aktong papunta sa direksyon ng Party Girl 2 kasabay si Party Girl 3. Si Party Girl 2 ay nakataas ang kamay, aktong sumasayaw at may hawak na kopita ng alak. Si Party Girl 3 ay may hawak na kopita ng alak.)
(Ikaapat na Pinto: Mama, Papa (OFW), Anak. May pader na naghihiwalay sa OFW at sa kanyang pamilya. Sa kanang bahagi, nakaupo ang OFW, nakaharap mesa, sa ibabaw ang mga laptop.Sa kaliwang bahagi ang pamilya ng OFW. Ang anak ay nakaupo, nakaharap sa mesa, sa ibabaw ang laptop. Ang nanay ay nasa likod ng bata, nakayuko para makita ung screen ng laptop, hawak ang balikat ng bata.)
(Lights off. Sound: trumpet. Spotlight kay Anghel Gabriel.)
Anghel Gabriel:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng lalaki, at ito’y tatawaging EMMANUEL.”
(Lights off. Bababa si Anghel Gabriel mula sa platform, papasok sa loob ng Tableau na natatakpan ng tela, habang tinugtugtog ang Payapang Daigdig sabay ang spotlight na tututok paisa-isa sa lahat ng freeze frames mula kina Maria at Jose, papunta sa unang pinto, papunta sa ikalawang pinto, papunta sa ikatlong pinto, papunta sa ikaapat na pinto, saka titigil, nakatutok sa Koro, titigil din ang musika, susundan agad ng Koro.)
Koro:
Nilaan ng Panginoon, anak N’yang tagapagligtas,
At sa gabi ng pagsilang, hanap ay yakap ng pagtanggap.
Mayroon pa bang pusong handang magbukas,
Kung ang pintuan ng pagmamahalan ay nakapinid at di mahagilap?
(Spotlight kina Maria at Jose)
Maria:
(Titingin sa kanyang esposo, hahawak sa braso nito at may pag-aalalang magsasalita)
Malayu-layo na rin ang ating nalakbay, subalit hindi pa rin tayo makahanap ng matutuluyan.
Jose:
(Hahawakan ang kamay ni Maria na nakadampi sa kanyang braso, at magsasalita na puno ng katiyakan)
Huwag kang mag-alala mahal ko. May natatanaw na akong malapit na bahayan. Sana’y may mabuting loob na magbubukas ng pinto at tatanggap sa atin.
(Lilinga sa paligid at tila may makikita)
Ayun!
(Tuturo sa direksyon ng unang bahay, titingin ulit kay Maria, magsasalita ng buong galak)
May isang bahay!
(Hahakbang ng ilang beses papuntang kanang bahagi ng unang pinto sina Maria at Jose habang tumutugtog ang Payapang Daigdig, titingin sa direksyon ng bahay, freeze frame, freeze music)
(Lights off. Sound: bumubukas na pinto. Spotlight sa unang pinto)
Batang Mayaman:
(Ang bata ay titingin sa Yaya n’ya at may pagkainip sa sasabihin)
Wala pa ba, yaya?
(Titingin ang bata sa relo, pagkatapos ay sa dalawang bakanteng upuan ng hapag kainan)
Yaya:
Wala pa po eh.Baka na-delay po ulit ang flight nila.
Batang Mayaman:
(may panlulumong sasabihin)
Gaya ng dati, wala na naman sila. Sabi ni Papa, s’ya ang magkakabit ng star sa Christmas tree.
(Titingin ang bata sa Christmas tree na walang bituin sa tuktok)
Yaya:
Huwag po kayong mag-alala, nandito naman po ako. Hindi rin naman po ako pinayagan ni Ma’am umuwi ng probinsya.
(Lalapit ang yaya sa bata. Nakaupo ang bata, yayakapin n’ya ang yaya.Nakatayo ang yaya. Freeze frame)
(Lights off. Spotlight sa Koro)
Koro:
Karangyaan nga ba ang mukha ng kapaskuhan?
Nag-uumapaw na hapag ba ang bubusog sa kakulangan?
Kung ang pamilya ay uhaw, gutom sa pagsasama-sama, pagmamahalan,
Puso ba’y handang magbukas para sa diwa ng pagbibigayan?
(Lights off. Spotlight kina Maria at Jose)
Maria:
(Titingin kay Jose nang may panghihinayang)
Mukhang hindi tayo maaaring tumuloy sa tahanang ito, mahal ko.
Jose:
(Titingin kay Maria)
Mukhang hindi nga. (pause) Hindi pa.
(Lalakad ang mag-asawa ng dahan-dahan papunta sa kaliwang bahagi ng ikalawang pinto habang tinutugtog ang Payapang Daigdig. Titigil ang kanilang paglakad pati ang musika at saka titingin muli si Maria kay Jose)
Maria:
(Nakaturo) Dito kaya sa isang ito?
(Freeze frame. Lights off. Sound: bumubukas na pinto. Magpapalit ang tunog, magiging ingay ng kalsada, busina ng mga sasakyan at sigaw ng mga tao sa kalye. Spotlight sa ikalawang pinto)
Nanay:
(Nakalahad ang palad, hawak ang ilang piraso ng beinte pesos, pasigaw na magsasalita sa asawa)
Ano ‘to? Pambili ng noodles?! Noodles ngayong Noche Buena?! Ano’ng mabibili nito? Mamamatay na kami ng anak mo sa gutom!
Tatay:
(Pasigaw na sasagot sa asawa)
Ano bang pinagsasasabi mo d’yan? Nahuli kasi kami ni Pareng Kardo. Naipampadulas pa namin yung huling pasada namin. Di bale, kapag nakakita ako ng pasaherong mayaman, didiskarte kami! Huwag ka nang tumalak!
Nanay:
Paano’ng di ako tatalak?! Oh, heto! Pinalalayas na tayo dito!
(Ibabato ang notice of eviction)
Sana may magawa ang bebentehin mo para mapigilan ang buldoser! Wala na ngang makain, mawawalan pa ng bahay!
Tatay:
(Hand gestures)
Kasalanan ko ba ‘to? Ano’ng gusto mong gawin ko?! Kumerengkeng ka ng maaga tapos magrereklamo ka?!
Nanay:
(Hand gestures)
At ako pa ngayon ang may kasalanan?! Kung di ka ba naman…
Anak:
(Aawat ang anak na nanahimik kanina sa isang sulok)
Tama na po!!!
(Freeze frame. Lights off. Spotlight sa Koro)
Koro:
Kung hindi karangyaan, kahirapan ba ang sagot sa tunay na pagdiriwang?
O binubulag na tayo ng materyal na pangangailang lumalason sa ating katinuan?
Ano ba ang sukatan ng pamilyang busog sa pagmamahalan?
Karangyaan? Kahirapan? Pagsasama-sama?
Saan ba mahahanap ang pinto ng kapaskuhan?
(Lights off. Spotlight kina Maria at Jose)
Maria:
(Nanlulumong magsasalita)
Mas lalong hindi tayo maaaring makisiksik sa kanila, mahal ko.
Jose:
(Buong katiyakang sasabihin)
Huwag kang mawalan ng pag-asa. May mahahanap din tayong bukas na tahanang handang tumanggap sa atin.
(Lalakad papuntang kanang bahagi ng ikatlong pinto ang mag-asawa habang tumutugtog ang Payapang Daigdig)
Jose:
Magbakasakali tayo rito, mahal ko.
Maria:
Sana nga ay patuluyin tayo.
(Freeze frame. Lights off. Sound: bumubukas na pinto. Spotlight sa ikatlong pinto)
(Magpapalit ang tunog, magiging upbeat music for club, lights blinking, spotlight on)
Party girl 1:
(Tumayo sa tabi ni Party Girl 2, nanunuya)
Hey, look who’s here? Heard your mom’s Christmas gift is a Porsche. Wanna give us a ride?
Party girl 2:
(Hindi titingin sa kausap. Nakatingin lang sa alak na iniinom)
Nah. I’m not even using it. Never would I.
Party girl 3:
(Ilalagay ang kamay sa bewang, di makapaniwala)
And why not?!
Party Girl 2:
(Bibiling ng kaunti ang ulo)
Duh? Kapag lahat ng tao, iniisip na galing sa tax nila ang iniluluho mo, sino’ng gaganahang mag-drive ng Porsche?
Party girl 1:
Well, you can’t blame them girl!
Party girl 2:
I don’t. Wala naman silang kasalanan, eh. Lahat ng ‘to kasalanan ni Daddy.
(Ibabagsak ang kopita sa mesa, galit) He’s in a coma while he left us to deal with this mess. I hate him. (Iritable) Ni ayoko ngang umuwi ngayon dahil wala na kong mukhang ihaharap sa family reunion this Christmas eve.
Party Girl 3:
Oh well, you can’t choose family. (Makikipag-toast kay Party Girl 2)
(Freeze frame. Lights off. Spotlight sa Koro)
Koro:
Kung yaman at pangangailangan ay hindi na alalahanin,
Makakapagdiwang ka na ba ng Paskong puno ng ngiti at panalangin?
Kung pamilya’y pinalitan na ng ningning ng luho at kapangyarihan,
Maririnig pa ba ang iyak ng pagmamahal sa gitna ng ingay ng mundong lunod sa kamunduhan?
(Lights off. Exit ang koro habang tumutugtog ang Payapang Daigdig. Pagkababa ng Koro, spotlight kina Maria at Jose, lalakad ang mag-asawa papunta sa gitna ng stage)
Maria:
(Mapapaluhod, yuyuko, sapo ng palad ang mukha, iiyak, hikbi)
Jose:
(aaluin si Maria)
Mahal ko, darating din ang panahon na pagbubuksan nila tayo ng pintuan ng kanilang mga puso. Tahan na.
Maria:
(titingin kay Jose na may mga luha at magsasalita sa pagitan ng mga hikbi)
Masakit lang para sa akin na patuloy nila tayong ipinagtatabuyan kahit pa magandang balita ang ating hatid.
Jose:
Hindi natin kayang pangunahan at panghawakan ang kanilang mga puso, mahal ko. Maaring hindi pa panahon para yakapin nila ang pagpapala ng Diyos.
(aalalayan ni Jose si Maria para makatayo, lalakad muli ang mag-asawa papunta sa kanang bahagi ng huling pinto habang tumutugtog ang Payapang Daigdig, magkakatinginan ang mag-asawa)
Maria:
Sana.
Jose:
Sana.
(Titingin sa pinto. Freeze frame. Lights off. Sound: bumubukas na pinto. Spotlight sa ikaapat na pinto)
Anak ng OFW:
Papa, hindi ko hihilingin na nandito ka ngayon dahil alam kong para sa amin kaya kailangan natin magtiis na magkahiwalay. Huwag po kayong mag-alala, darating ang araw, hindi n’yo na po kailangang umalis. Ako na po ang bahala sa inyo ni Mama.
OFW:
(Maluluha, pupunasan ng pasimple ang luha)
Salamat, anak.‘Yan na ang pinakamagandang regalong natanggap ko ngayong Pasko. Mahal na mahal ko kayo ng Mama mo.
Anak ng OFW:
(May pag-aalala)
Mahal ka rin po namin. Umiiyak ka ba, Papa?
OFW:
(iiling)
Naku, hindi anak. Masaya lang si Papa na kausap ko kayo ngayong bisperas. Teka, nakapamigay na ba ng pansit sa kapitbahay si Mama mo?
Asawa ng OFW:
Oo naman, mahal! Gaya ng gusto mo taun-taon. (Titingin sa relo) Alas-dose na! Merry Christmas!
OFW at anak:
Merry Christmas!
(Yayakapin ng Mama ang anak, ang anak ay titingin sa screen, ilalapat ang palad nya dito, ilalapat din ng Papa ang palad nya sa screen.
(Freeze frame. Lights off. Spotlight kina Maria and Jose. Titingin si Maria kay Jose. Ang Mommy na pauwi na ay aakyat na kanang itaas na bahagi ng stage.)
Maria:
Sa wakas mahal ko.
Jose:
Sa wakas. (Ituturo ang direksyon ng sabsaban.) Doon tayo pwedeng tumuloy. Tara na, para makapagpahinga na tayo.
(Lalakad ang mag-asawa papuntang sabsaban, habang tumutugtog ang Payapang Daigdig, hanggang sa makapasok sila sa likod ng tela. Lights off)
(Tututok ang spotlight sa unang pinto, magri-ring ang cellphone, dadamputin ng bata ang phone)
Batang Mayaman:
Hello, mommy. Don’t worry, I understand. Sanay na naman ako. Nandito naman si Yaya.
Mommy:
Pasensya na anak kung late kami ni daddy. Pauwi na kami! Hahabol kami sa Noche Buena. Mula ngayon, lagi mo na kaming makakasama lalo na sa mahahalagang okasyon.
Batang Mayaman:
Wow! Talaga po?!
Mommy:
Oo, anak. Pangako. Pakipasa kay Yaya ang phone.
(Ipapasa ng bata kay Yaya ang phone)
Yaya:
(May pag-aalala) Hello ma’am?
Mommy:
Pwede ka nang umuwi ng probinsya. Habang wala pa kami, mag-empake ka na.
Yaya:
Naku! Maraming salamat po, ma’am!
Mommy:
(May pagbabanta) Pero uuwi ka kaagad, ok?!
Yaya:
(Malungkot) Po?
Mommy:
(Tatawa ng mahina) Biro lang. Basta bumalik ka sa January para maayos natin ang insurance mo.
Yaya:
(Sobrang saya) Salamat po ma’am!!! Merry Christmas po!
(Lights off. Tututok ang spotlight sa ikalawang pinto)
Anak:
(Umiiyak) Pagod na ko sa mga away. Parang awa n’yo na.
(matitigilan ang mag-asawa)
Nanay:
Sorry, anak. (Lalapit sa anak at yayakapin ito)
Tatay:
Sorry, nagpapaapekto kami masyado sa mga problema.
Nanay:
Kakayanin natin ang lahat ng ito basta magkakasama tayo, di ba ‘tay?
(Titingin sa asawa na may pagsisisi sa mga masasakit na nasabi)
Tatay:
(Titingin sa asawa ng may pagsisisi, pupunasan ang luha sa pisngi ng asawa)
Oo naman, ‘nay.
(Titingin sa anak at hahawakan ang ulo nito)
Tahan na, anak.
(Magyayakap ang pamily. Dadaan si kumpare)
Kumpare:
(Sisilip sa pintuan, masaya)
Pare! Nabalitaan mo na ba ang regalo ni Mayor?
Tatay:
(‘Di makapaniwala)
Regalo? Uso ‘yon kay Mayor?
Kumpare:
(Tatawa ng mahina)
Maniwala ka man o hindi, i-eextend daw hanggang January ang pagtigil natin dito! Magbagong taon daw muna tayo. Mas mahabang panahon para makalipat sa binigay nilang lugar.
Tatay:
(malungkot) Kaso probinsya naman ang pagdadalhan sa atin.
Kumpare:
Ok lang pare, may itinatayong bagong mall malapit dun! Pwede tayong mamasukan. Priority daw ang mga kasama sa government transfer!
Tatay:
Ayos yun ah! Sige pare, mag-ayos na tayo ng requirements! Salamat!
(Kakaway ang tatay kay kumpare, kakaway at aalis si kumpare. Aakyat na sa kanang itaas na bahagi ng stage ang Daddy sa gobyerno.)
Nanay:
Ang gandang pamaskong regalo ng balitang ‘yon, tay.
Tatay:
(Masaya) Merry Christmas sa atin!
Nanay at anak:
Merry Christmas!
(Magyayakap ang pamilya)
(Lights off. Tututok ang spotlight sa ikatlong pinto. Magri-ring ang phone)
Party Girl 2:
(Titingin sa mga kaibigan) Unknown number?
Party Girl 1:
Sagutin mo na. Hindi naman siguro bad news yan.
Daddy:
Anak, Daddy ‘to. Nakauwi na ako galing ospital! Gusto ko sanang bumawi sa lahat ng kasalanan ko. I’m sorry you have to go through all the problems I left behind. Pangako, gagawin ko ang lahat para dumating ang araw na maipagmamalaki mong anak kita. Sana makauwi ka ngayong Pasko. Mahal na mahal kita, anak.
Party Girl 2:
(Naiyak, magpupunas ng luha)
Yes, Daddy. Uuwi na po ako. Pwede bang humingi ng pabor pagdating ko dyan?
Daddy:
Oo naman, anak. Ano yun?
Party Girl 2:
Pakisauli n’yo na ni Mommy ‘yung Porsche. Ok na sa ‘kin ang family car. Enjoy naman akong kasabay sa mga lakad si Abbie. Sister-bonding, di ba?
Daddy:
(Tatawa ng mahina) Walang problema. ‘Yon lang pala. We’ll start anew and we’ll start things right. Merry Christmas, anak!
Party Girl 2:
Merry Christmas, Daddy! (Ibababa ang phone)
Party Girl 3:
So uuwi ka na pala.
Party Girl 2:
Yup. Kayo?
Party Girl 1:
Well, dahil medyo naluha ako sa drama mo kanina. Na-miss ko bigla family ko. So yeah, uuwi na rin ako.
Party Girl 3:
Alangan namang mag-isa lang ako dito di ba? Tara, uwi na tayo. I’ll drive you, guys, home.
(magto-toast ang mga babae, habang umaakyat sa kanang unahang bahagi ng stage ang isang Batang Pinoy)
Party Girls:
Merry Christmas!!!
(Lights off, Spotlight sa Batang Pinoy, habang nagsasalita ang bata, ang mga tauhan ay pupunta sa gitna ng stage, pwesto para sa sayaw.)
Batang Pinoy:
Ngayong gabi, ating natunghayan ang lahat ng pagkakataon kung saan inaakala natin na sumasaatin na ang diwa ng Kapaskuhan. Inaakala natin na ang pagdiriwang, ang handaan, ang mga regalo at kung anu pang mga materyal na bagay ang magpapasaya sa ating Pasko. Higit sa lahat ng ito ay ang pagmamahalan ng bawat tahanan. Maligayang Pasko sa ating lahat!
(Lights on, papasok ang mga anghel at magsasaya, ang bata at iba pang mga tauhan ay sasama sa pagsayaw ng mga anghel)
(pagkatapos ng pagsayaw, tutunog ang trumpeta at lahat ay titingin sa direksyon ng sabsaban. Aalisin ang telang nagkukubli dito at malalantad ang tableau kung saan naroon si Maria karga ang batang Hesus, sina Jose at Anghel Gabriel, tutugtog ang Payapang Daigdig. Aakyat ang tatlong haring mago at pupwesto sa tableau.)
(Muli, sasayaw ang mga anghel ng ilang minuto para i-wrap ang presentation. Tapos, sila ay uupo sa gilid ng stage bago magsimula ang misa)